Add parallel Print Page Options

Diyos ang Siyang Huhusga

Isang Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit.

75 Salamat, O Diyos, maraming salamat,
    sa iyong pangalan kami'y tumatawag,
    upang gunitain sa lahat ng oras ang mga gawa mo na kahanga-hanga.

Wika ng Panginoon, “Sa takdang panahon,
    walang pagtatanging ako ay hahatol.
Itong mundong ito'y kahit na mayanig,
    maubos ang tao dito sa daigdig,
    ang saligan nito'y aking ititindig.” (Selah)[a]
“Sabi ko sa hambog sila ay mag-ingat, at ang masasama'y huwag magpasikat.
    Ang pagmamalaki'y dapat na iwasan, kung magsasalita'y gawing malumanay.”

Hindi sa silangan, hindi sa kanluran,
    hindi rin sa timog o sa hilaga man magmumula, hatol na inaasahan.
Tanging Diyos lamang ang siyang hahatol,
    sa mapapahamak o sa magtatagumpay.
Si Yahweh na Diyos ay may kopang hawak,
    sariwa't matapang yaong lamang alak;
ipauubaya niyang ito'y tunggain
    ng taong masama, hanggang sa ubusin.

Subalit ako ay laging magagalak;
    ang Diyos ni Jacob, aking itataas.
10 Lakas ng masama'y papatiding lahat,
    sa mga matuwid nama'y itataas!

Footnotes

  1. Mga Awit 75:3 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.

Sa Pangulong Manunugtog; itinugma sa Al-tashheth. Salmo ni Asaph, Awit.

75 Kami ay nagpapasalamat sa iyo, Oh Dios:
Kami ay nagpapasalamat, sapagka't ang iyong pangalan ay (A)malapit:
Isinasaysay ng mga tao ang iyong mga kagilagilalas na gawa.
Pagka aking nakamtan ang takdang kapanahunan,
Hahatol ako ng matuwid.
Ang lupa at lahat na tagarito ay natutunaw:
Aking itinayo ang mga (B)haligi niyaon. (Selah)
Aking sinabi sa (C)hambog, Huwag kang gumawang may kahambugan:
At sa masama, Huwag kang magtaas ng sungay:
Huwag mong itaas ang iyong sungay ng mataas;
Huwag kang magsalitang may (D)matigas na ulo.
Sapagka't hindi man mula sa silanganan, o mula man sa kalunuran,
O mula man sa timugan, ang pagkataas.
Kundi ang (E)Dios ay siyang hukom:
(F)Kaniyang ibinababa ang isa, at itinataas ang isa.
Sapagka't (G)sa kamay ng Panginoon ay may (H)isang saro, at ang alak ay bumubula;
Puno ng pagkakahalohalo, at kaniyang inililiguwak din:
Tunay na ibubuhos ng lahat na masama sa lupa ang latak, at iinumin.
Nguni't aking ipahahayag magpakailan man,
Ako'y aawit ng mga kapurihan sa Dios ni Jacob.
10 (I)Lahat ng mga sungay naman ng masama ay aking ihihiwalay;
Nguni't (J)ang mga sungay ng matuwid ay matataas.