Mga Awit 69
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Panalangin Upang Tulungan
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo”.
69 O Diyos! Iligtas mo, iahon sa tubig
sa pagkalubog kong abot na sa leeg;
2 lumulubog ako sa burak at putik,
at sa malalaking along nagngangalit.
3 Ako ay malat na sa aking pagtawag,
ang lalamunan ko, damdam ko'y may sugat;
pati ang mata ko'y di na maidilat,
sa paghihintay ko sa iyong paglingap.
4 Silang(A) napopoot nang walang dahilan,
higit na marami sa buhok kong taglay;
mga sinungaling na nagpaparatang,
ang hangad sa akin, ako ay mapatay.
Ang pag-aari kong di naman ninakaw,
nais nilang kuni't dapat daw ibigay.
5 Batid mo, O Diyos, naging baliw ako,
ako'y nagkasala, di pa lingid sa iyo.
6 Huwag mo pong tulutan na dahil sa akin,
ang nagtitiwala sa iyo'y hiyain;
Yahweh, Makapangyarihang Panginoon ng Israel!
Huwag mo ring itulot, bigyang kahihiyan ang nagsisisamba sa iyong pangalan.
7 Ako ay nilait nang dahil sa iyo,
napahiyang lubos sa kabiguan ko.
8 Sa mga kapatid parang ako'y iba,
kasambahay ko na'y di pa ako kilala.
9 Ang(B) malasakit ko sa iyong tahanan, matinding-matindi sa aking kalooban;
ako ang nakaranas, paghamak sa iyong pangalan.
10 Nagpapakumbaba akong nag-ayuno,
at ako'y hinamak ng maraming tao;
11 ang suot kong damit, na aking panluksa,
ay pinagtawana't hinamak na lubha.
12 Sa mga lansanga'y ako ang usapan,
ang awit ng lasing sa aki'y pag-uyam.
13 Ngunit sa ganang akin, ako'y dadalangin,
sa iyo, O Yahweh, sana'y iyong dinggin sa mga panahon na iyong ibigin.
Dahil sa dakilang pag-ibig sa akin,
ang iyong pangakong pagtubos ay gawin.
14 Iligtas mo ako, ako ay sagipin,
sa putik na ito't tubig na malalim;
sa mga kaaway, ako'y iligtas din.
15 Huwag mong tulutang ako ay maanod,
o dalhin sa malalim at baka malunod;
hahantong sa libing, ako pagkatapos.
16 Yahweh, sa buti mo't pag-ibig sa akin, sa aking pagtawag ako sana'y dinggin,
sa pagkahabag mo, ako ay lingapin.
17 Ang iyong alipi'y huwag mong pagkublihan,
ibsan mo na ako sa bigat ng pasan.
18 Iligtas mo ako, ako ay lapitan;
sagipin mo ako sa mga kaaway.
19 Kinukutya ako, iya'y iyong alam,
sinisiraang-puri't nilalapastangan;
di lingid sa iyo, lahat kong kaaway.
20 Puso ko'y durog na dahilan sa kutya,
kaya naman ako'y wala nang magawâ;
ang inasahan kong awa ay nawala,
ni walang umaliw sa buhay kong abâ.
21 Sa(C) halip na pagkain, nang ako'y magutom, ang dulot sa aki'y mabagsik na lason.
Suka at di tubig ang ipinainom.
22 O(D) bumagsak sana sila at masira,
habang nagdiriwang sila't naghahanda.
23 Bulagin mo sila't nang di makakita,
papanghinain mo ang katawan nila.
24 Ibuhos ang iyong galit sa kanila,
bayaan mong ito'y kanilang madama.
25 Mga(E) kampo nila sana ay iwanan,
at walang matira na isa mang buháy.
26 Ang mga nagtamo ng iyong parusa, nilalait-lait, inuusig nila;
pinag-uusapan sa tuwi-tuwina, ang sinugatan mo't hirap na sa dusa.
27 Itala mong lahat ang kanilang sala,
sa mangaliligtas, huwag silang isama.
28 Sa(F) aklat ng buhay, burahin ang ngalan,
at huwag mong isama sa iyong talaan.
29 Naghihirap ako't mahapdi ang sugat,
O Diyos, ingatan mo, ako ay iligtas!
30 Pupurihin ang Diyos, aking aawitan,
dadakilain ko't pasasalamatan.
31 Sa ganitong diwa ika'y nalulugod, higit pa sa haing torong ihahandog,
higit pa sa bakang ipagkakaloob.
32 Kung makita ito nitong mga dukha,
sila ay sasamba sa laki ng tuwa.
33 Dinirinig ng Diyos ang may kailangan,
lingkod na bilanggo'y di nalilimutan.
34 Ang Diyos ay purihin ng langit at lupa,
maging karagata't naroong nilikha!
35 Ang Lunsod ng Zion, kanyang ililigtas,
bayang nasa Juda'y muling itatatag;
doon mananahan ang mga hinirang, ang lupain doo'y aariing tunay.
36 Magmamana nito'y yaong lahi nila,
may pag-ibig sa Diyos ang doo'y titira.
Mga Awit 69
Ang Biblia, 2001
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa mga Liryo. Awit ni David.
69 O Diyos! Ako'y iyong sagipin!
Sapagkat ang tubig hanggang sa aking kaluluwa ay nakarating.
2 Ako'y lumulubog sa malalim na putikan,
ang mga paa ay walang tuntungan;
ako'y dumating sa tubig na malalim,
at ang baha ay tumatangay sa akin.
3 Ako'y pagod na sa pagdaing ko;
ang lalamunan ko ay nanuyo.
Ang mga mata ko'y lumalabo
sa kahihintay sa aking Diyos.
4 Higit(A) kaysa mga buhok ng aking ulo ang bilang
ng mga namumuhi sa akin ng walang kadahilanan;
ang mga nais pumuksa sa akin ay makapangyarihan na mga kaaway kong may kamalian.
Anumang hindi ko naman ninakaw ay dapat kong isauli.
5 O Diyos, nalalaman mo ang kahangalan ko;
ang mga pagkakamaling nagawa ko'y hindi lingid sa iyo.
6 Huwag nawang mapahiya dahil sa akin ang mga umaasa sa iyo,
O Panginoong Diyos ng mga hukbo;
huwag nawang malagay sa kasiraang-puri dahil sa akin ang mga nagsisihanap sa iyo,
O Diyos ng Israel.
7 Sapagkat alang-alang sa iyo ay nagbata ako ng kasiraan,
at tumakip sa aking mukha ang kahihiyan.
8 Sa aking mga kapatid ako'y naging isang dayuhan,
sa mga anak ng aking ina ay isang taga-ibang bayan.
9 Sapagkat(B) ang pagmamalasakit sa iyong bahay ang sa aki'y umubos,
at ang mga paghamak ng mga sa iyo'y humahamak sa akin ay nahulog.
10 Nang umiyak ako sa aking kaluluwa na may pag-aayuno,
iyon ay naging kahihiyan ko.
11 Nang magsuot ako ng damit-sako,
naging bukambibig nila ako.
12 Ang mga umuupo sa pintuang-bayan, ang pinag-uusapan ay ako,
at ako ang awit ng mga lasenggo.
13 Ngunit para sa akin, ang dalangin ko'y sa iyo, O Panginoon,
sa isang kaaya-ayang panahon, O Diyos,
sa kasaganaan ng iyong tapat na pag-ibig, sagutin mo ako.
Sa pamamagitan ng iyong tapat na tulong,
14 sagipin mo ako sa paglubog sa putikan,
at huwag mo akong hayaang lumubog;
iligtas mo ako sa aking mga kaaway
mula sa tubig na may kalaliman.
15 Ang baha nawa'y huwag akong tangayin,
ni ng kalaliman ako man ay lamunin,
ni isara ng Hukay ang kanyang bunganga sa akin.
16 O Panginoon, ako'y iyong sagutin, sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay mabuti;
ayon sa iyong masaganang awa, bumalik ka sa akin.
17 Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa iyong lingkod;
sapagkat ako'y nasa kahirapan, magmadali kang sa aki'y sumagot.
18 O lumapit ka sa aking kaluluwa, at ako'y iyong tubusin,
dahil sa aking mga kaaway ako'y iyong palayain!
19 Nalalaman mo ang aking kasiraan,
ang aking kahihiyan at aking kakutyaan;
lahat ng aking mga kaaway ay nasa harapan mo.
20 Ang mga paghamak sa aking puso ay sumira;
kaya't ako'y may sakit.
Ako'y naghanap ng habag, ngunit wala naman;
at ng mga mang-aaliw, ngunit wala akong natagpuan.
21 Binigyan(C) nila ako ng lason bilang pagkain,
at sa aking uhaw ay binigyan nila ako ng sukang iinumin.
22 Ang(D) kanila nawang sariling hapag na nasa harapan nila ay maging isang bitag;
kung sila'y nasa kapayapaan, ito nawa'y maging isang patibong.
23 Lumabo nawa ang kanilang mga mata, upang sila'y huwag makakita;
at papanginigin mo ang kanilang mga balakang sa tuwina.
24 Ibuhos mo sa kanila ang iyong poot,
at ang iyong nag-aalab na galit sa kanila nawa'y umabot.
25 Ang(E) kanilang kampo nawa'y maging mapanglaw;
sa kanilang mga tolda wala sanang tumahan.
26 Sapagkat kanilang inuusig siya na iyong hinataw,
at isinaysay nila ang sakit nila na iyong sinugatan.
27 Dagdagan mo ng kasamaan ang kanilang kasamaan;
at huwag nawa silang dumating sa iyong katuwiran.
28 Mapawi(F) nawa sila sa aklat ng mga nabubuhay,
huwag nawa silang makasama ng matuwid sa talaan.
29 Ngunit ako'y nagdadalamhati at nasasaktan,
ang iyo nawang pagliligtas, O Diyos, ang magtaas sa akin!
30 Sa pamamagitan ng awit ang pangalan ng Diyos ay aking pupurihin,
at sa pasasalamat siya'y aking dadakilain.
31 Ito'y makakalugod sa Panginoon ng higit kaysa baka,
o sa toro na may mga sungay at mga paa.
32 Nakita ito ng mapagkumbaba at sila'y natuwa,
ikaw na naghahanap sa Diyos, ang puso mo'y muling mabuhay nawa.
33 Sapagkat dinirinig ng Panginoon ang kinakapos,
at hindi hinahamak ang sariling kanya na nakagapos.
34 Purihin nawa siya ng langit at ng lupa,
ng mga dagat, at ng lahat ng gumagalaw roon.
35 Sapagkat ililigtas ng Diyos ang Zion,
at muling itatayo ang mga lunsod ng Juda;
at ang mga lingkod niya ay maninirahan doon, at aangkinin iyon;
36 ang mga anak ng kanyang mga lingkod ang magmamana niyon,
at silang umiibig sa kanyang pangalan ay maninirahan doon.
