Add parallel Print Page Options

Ang Paghuhukom at Biyaya ng Diyos

Sa Punong Mang-aawit. Maskil ni David, nang dumating at magsaysay kay Saul si Doeg na Edomita at magsabi sa kanya, “Si David ay naparoon sa bahay ni Ahimelec.”

52 Bakit ka naghahambog, O makapangyarihang tao?
    Ang kagandahang-loob ng Diyos ay sa buong araw.
    Sa buong araw
    ang dila mo'y nagbabalak ng pagkawasak.
Ang dila mo'y gaya ng matalas na labaha,
    ikaw na gumagawa ng kataksilan.
Iniibig mo ang kasamaan ng higit kaysa kabutihan;
    at ang pagsisinungaling kaysa pagsasalita ng katotohanan. (Selah)
Iniibig mo ang lahat ng mga nananakmal na salita,
    O ikaw na mandarayang dila.

Ngunit ilulugmok ka ng Diyos magpakailanman,
    aagawin at hahatakin ka niya mula sa iyong tolda,
    at bubunutin ka niya sa lupain ng mga buháy. (Selah)
Makikita ng matuwid, at matatakot,
    at pagtatawanan siya, na nagsasabi,
“Pagmasdan ninyo ang tao na hindi niya ginawang kanlungan ang Diyos;
kundi nagtiwala sa kasaganaan ng kanyang mga kayamanan,
    at nagpakalakas sa kanyang nasa.”

Ngunit ako'y gaya ng sariwang punungkahoy ng olibo
    sa bahay ng Diyos.
Nagtitiwala ako sa tapat na pag-ibig ng Diyos
    magpakailanpaman.
Ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman,
    sapagkat iyon ay iyong ginawa.
At ako'y maghihintay sa iyong pangalan sapagkat ito'y mabuti,
    sa harapan ng mga banal.

Ang Paghatol at Habag ng Dios

52 Ikaw, taong mapagmataas,
    bakit mo ipinagyayabang ang kasamaan mo?
    Hindi baʼt ang Dios ay palaging mabuti sa iyo?
Sa pagbabalak mo ng masama laban sa iba,
    kasintalim ng pang-ahit ang iyong dila,
    at lagi kang nagsisinungaling.
Minamahal mo ang kasamaan kaysa sa kabutihan,
    at mas nais mong magsinungaling kaysa magsabi ng katotohanan.
Taong sinungaling, ang gusto moʼy makapanakit ng iba sa pamamagitan ng iyong pananalita.
Ngunit dudurugin ka ng Dios nang tuluyan.
    Dadakpin ka at kakaladkarin palabas ng bahay;
    bubunutin ka mula rito sa mundo ng mga buhay.
Makikita ito ng mga matuwid at magtataka sila. Pagtatawanan ka nila at sasabihing,
“Tingnan ninyo ang taong hindi nanalig sa Dios bilang matibay nilang kanlungan.
    Sa halip, nagtiwala lang sa kanyang masaganang kayamanan,
    at patindi nang patindi ang kanyang kasamaan.”

Ngunit ako ay tulad ng punong olibo
    na yumayabong sa loob ng inyong templo.
    Nagtitiwala ako sa inyong pag-ibig magpakailanman.
Pasasalamatan ko kayo magpakailanman dahil sa mga ginawa ninyo.
    At sa harapan ng mga matatapat sa inyo, ipapahayag ko ang kabutihan ninyo.