Mga Awit 124
Ang Biblia, 2001
Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.
124 Kung hindi ang Panginoon ang naging nasa ating panig,
sabihin ngayon ng Israel—
2 kung hindi ang Panginoon ang naging nasa panig natin,
nang ang mga tao ay magsibangon laban sa atin,
3 nilamon na sana nila tayong buháy,
nang ang kanilang galit ay mag-alab laban sa atin;
4 tinabunan na sana tayo ng baha,
dinaanan na sana ng agos ang ating kaluluwa;
5 dinaanan na sana ng nagngangalit na mga tubig
ang ating kaluluwa.
6 Purihin ang Panginoon,
na hindi tayo ibinigay
bilang biktima sa kanilang mga ngipin!
7 Parang ibon sa bitag ng mga manghuhuli
na ang ating kaluluwa ay nakatakas,
ang bitag ay nasira,
at tayo ay nakatakas!
8 Ang saklolo natin ay nasa pangalan ng Panginoon,
na siyang lumikha ng langit at lupa.
Salmo 124
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Dios ang Tagapagligtas ng Kanyang mga Mamamayan
124 “Kung ang Panginoon ay hindi pumanig sa atin, ano kaya ang nangyari?”
Sumagot kayo mga taga-Israel!
2 “Kung ang Panginoon ay hindi pumanig sa atin noong sinalakay tayo ng ating mga kaaway,
3 maaaring pinatay na nila tayo, dahil sa matinding galit nila sa atin.
4-5 Maaaring para tayong tinangay ng baha at nalunod dahil sa malakas na agos ng tubig.”
6 Purihin ang Panginoon,
dahil hindi niya pinayagang lapain tayo ng ating mga kaaway,
na parang mababangis na hayop.
7 Nakatakas tayo katulad ng ibong nakawala sa nasirang bitag.
8 Ang tulong natin ay nagmula sa Panginoon,
na gumawa ng langit at ng lupa.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Copyright © 2011 by Global Bible Initiative
