Add parallel Print Page Options

Ang Diyos ang Tagapagtanggol ng Kanyang Bayan

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.

124 Ano kaya't kung si Yahweh ay di pumanig sa atin;
    O Israel, ano kaya yaong iyong sasabihin?
“Kung ang Diyos na si Yahweh, sa amin ay di pumanig,
    noong kami'y salakayin ng kaaway na malupit,
maaaring kami noon ay nilamon na nang buháy
    sa silakbo ng damdamin at ng galit na sukdulan.
Maaaring kami noo'y natangay na niyong agos,
    naanod sa karagata't tuluy-tuloy na nalunod;
    sa lakas ng agos noo'y nalunod nga kaming lubos.

Tayo ay magpasalamat, si Yahweh ay papurihan,
    pagkat tayo'y iniligtas sa malupit na kaaway.
Ang katulad nati'y ibong sa bitag ay nakatakas;
    lubos tayong nakalaya nang ang bitag ay mawasak.
Tulong nating kailangan ay kay Yahweh nagmumula,
    pagkat itong lupa't langit tanging siya ang lumikha.

Pagpuri dahil sa pagliligtas laban sa kaaway. Awit sa mga Pagsampa; ni David.

124 (A)Kung hindi ang Panginoon ay naging kakampi natin,
(B)Sabihin ng Israel ngayon,
Kung hindi ang Panginoon ay naging kakampi natin,
Nang ang mga tao ay magsibangon laban sa atin:
Nilamon nga nila sana (C)tayong buháy,
Nang ang kanilang poot ay mangagalab laban sa atin:
Tinabunan nga sana tayo (D)ng tubig,
Dinaanan nga sana ang ating kaluluwa ng agos:
Dinaanan nga sana ang ating kaluluwa ng mga palalong tubig.
Purihin ang Panginoon,
Na hindi tayo ibinigay na pinaka huli sa kanilang mga ngipin.
(E)Ang kaluluwa natin ay nakatanan na parang ibon sa silo ng mga manghuhuli:
Ang silo ay nasira, at tayo ay nakatanan.
(F)Ang saklolo natin ay nasa pangalan ng Panginoon,
Na siyang gumawa ng langit at lupa.