Mga Kawikaan 3
Magandang Balita Biblia
Payo sa mga Kabataang Lalaki
3 Anak ko, ang aral ko ay huwag mong lilimutin,
lahat ng aking utos sa isipan mo'y itanim;
2 upang araw mo'y tumagal, humaba ang iyong buhay,
at maging masagana sa lahat ng kailangan.
3 Pananalig at katapata'y huwag mong tatalikuran,
ikuwintas sa iyong leeg at itanim sa isipan.
4 Sa(A) gayon, malulugod sa iyo ang Diyos,
at kikilalanin ka ng mga tao.
5 Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan,
at huwag kang mananangan sa sariling karunungan.
6 Sa lahat ng iyong gawain siya nga'y alalahanin,
upang ika'y patnubayan sa iyong mga tatahakin.
7 Huwag(B) mong ipagyabang ang iyong nalalaman;
igalang mo't sundin si Yahweh, at lumayo ka sa kasamaan.
8 Sa gayon, ikaw ay lalakas at magiging matatag,
mawawala ang pighati, gagaling ang iyong sugat.
9 Parangalan mo si Yahweh sa pamamagitan ng iyong mga kayamanan,
at mula sa iyong mga pinakamainam na ani, siya ay iyo ring handugan.
10 Sa gayon, kamalig mo ay lagi nang aapaw,
sisidlan ng inumin ay hindi nga matutuyuan.
11 Aking(C) (D) anak, ang saway ni Yahweh ay huwag mamaliitin,
at ang kanyang pagtutuwid ay huwag mong itakwil,
12 pagkat(E) lahat ng mahal niya'y itinatama ng daan,
tulad ng anak na minamahal, sinasaway ng magulang.
13 Mapalad ang isang taong nakasumpong ng karunungan,
at ang taong nagsisikap, unawa ay nagtatamo.
14 Higit pa sa pilak ang pakinabang dito,
at higit sa gintong lantay ang tubo nito.
15 Sa alinmang alahas ay higit ang karunungan,
at walang kayamanang dito ay maipapantay.
16 Mahabang buhay ang dulot ng kaalaman,
may taglay na kayamanan at may bungang karangalan.
17 Maaliwalas ang landas ng taong may kaalaman,
at puno ng kapayapaan ang lahat niyang araw.
18 Mapalad nga ang taong may taglay na karunungan,
para siyang punongkahoy na mabunga kailanman.
19 Karunungan ang ginamit ni Yahweh sa paglikha sa daigdig,
sa pamamagitan ng talino, inayos niya ang buong langit.
20 Dahil sa kaalaman niya'y umaagos itong tubig,
pumapatak nga ang ulan mula doon sa langit.
Ang Matiwasay na Pamumuhay
21 Aking anak, karunungan at hinahon ay huwag mong iwawala,
huwag babayaang makaalpas sa isipan at gunita.
22 Pagkat dulot nito'y masagana at marangal na pamumuhay.
23 At kung magkagayo'y lalakad kang matiwasay,
sa landas mo'y hindi ka matatalisod.
24 Sa lahat ng iyong lakad wala kang aalalahanin,
at lahat ng pagtulog mo ay masarap at mahimbing.
25 Kahit hampas nitong bagyo ay dumating nang biglaan,
hindi ka mababagabag tulad ng mga mangmang.
26 Pagkat tiwala kang si Yahweh ang kaagapay mo,
at di niya hahayaang sa bitag ika'y masilo.
27 Ang(F) kagandahang-loob ay huwag ipagkait sa kapwa,
kung ika'y may kakayahan na ito ay magawâ.
28 Kung mayroon ka ngayon ng kanyang kailangan,
huwag nang sasabihing, “Bumalik ka't bukas ibibigay.”
29 Huwag gagawan ng masama ang iyong kaibigan
na sa iyo'y umaasa, at may tiwalang lubusan.
30 Huwag makikipag-away nang walang sapat na dahilan,
kung hindi ka ginagawan ng anumang kasamaan.
31 Huwag kang maiinggit sa taong marahas
ni lalakad man sa masama niyang landas.
32 Pagkat si Yahweh ay nasusuklam sa mga isipang baluktot,
ngunit nalulugod siya sa taong sa kanya ay may takot.
33 Ang sumpa ni Yahweh ay di lalayo sa masama,
ngunit ang mga banal ay kanyang pinagpapala.
34 Ang(G) mga palalo'y kanyang kinasusuklaman,
ngunit kinaluluguran niya ang may mababang kalooban.
35 Ang taong matalino'y magkakamit-karangalan,
ngunit puro kahihiyan ang aanihin ng mangmang.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.