Mga Kawikaan 24
Magandang Balita Biblia
-19-
24 Huwag mong kainggitan ang mga makasalanan ni sa kanila'y makipagkaibigan. 2 Ang nasa isip nila'y laging kaguluhan, at ang dila nila'y puno ng kasinungalingan.
-20-
3 Sa pamamagitan ng karunungan, naitatayo ang isang bahay, at ito'y naitatatag dahil sa kaunawaan. 4 Ang loob ng tahanan ay napupuno ng lahat ng magagandang bagay dahil sa karunungan.
-21-
5 Ang karunungan ay higit na mabuti kaysa kalakasan. At ang kaalaman ay kapangyarihan. 6 Ang digmaa'y naipagtatagumpay dahil sa mahusay na pagpaplano sapagkat ang tagumpay ay bunga ng mabuting payo.
-22-
7 Ang malalim na kasabihan ay di mauunawaan ng mangmang. Wala itong masasabi sa mahahalagang usapan.
-23-
8 Ang mahilig sa paggawa ng masama ay tinatawag na puno ng kasamaan. 9 Anumang pakana ng masama ay kasalanan, at kinamumuhian ng tao ang nanunuya sa kapwa.
-24-
10 Kung hindi ka makatagal sa panahon ng kahirapan ay nangangahulugan ngang ikaw ay mahina.
-25-
11 Tulungan mo at iligtas ang hinatulang mamatay nang walang katarungan. 12 Kapag sinabi mong, “Wala akong pakialam sa taong iyan,” ito'y hindi maikakaila sa Diyos na nakakaalam ng laman ng iyong puso. Alam ito ng Diyos na nakatunghay sa iyo. Pagbabayarin niya ang tao ayon sa ginawa nito.
-26-
13 Anak, uminom ka ng pulot-pukyutan at ito'y makakabuti sa iyo. Kung ang pulot-pukyutan ay masarap sa panlasa, 14 ang karunungan naman ay mabuti sa kaluluwa. Kaya, hanapin mo ang kaalaman at magkakaroon ka ng magandang kinabukasan.
-27-
15 Ang tahanan ng matuwid ay huwag mong pag-isipang pagnakawan, ni gagawan ng dahas ang kanyang tinitirhan, 16 sapagkat siya'y makatatayong muli mabuwal man ng pitong ulit. Ngunit ang masama ay dagling nababagsak sa panahon ng kahirapan.
-28-
17 Huwag mong ikagalak ang pagbagsak ng iyong kaaway ni ang kanyang kapahamakan. 18 Kapag ginawa mo iyon, magagalit sa iyo si Yahweh at sila'y hindi na niya paparusahan.
-29-
19 Huwag kang maiinggit sa mga gumagawa ng masama ni tutulad sa kanilang mga gawa. 20 Ang masama ay walang kinabukasan, walang inaasahan sa hinaharap.
-30-
21 Anak, igalang at sundin mo si Yahweh, gayon din ang hari. Huwag mong susuwayin ang sinuman sa kanila 22 sapagkat bigla na lang kayong mapapahamak. Hindi ka ba natatakot sa pinsalang magagawa nila sa iyo?
Mga Karagdagang Kawikaan
23 Narito pa ang ilang mahahalagang kawikaan:
Hindi dapat magtangi sa pagpapairal ng katarungan. 24 Ang hukom na nagpapawalang-sala sa may kasalanan ay itinatakwil ng tao at isinusumpa ng bayan. 25 Ang nagpaparusa sa masama ay mapapabuti at pagpapalain.
26 Ang tapat na kasagutan ay tanda ng mabuting pagkakaibigan.
27 Ihanda mo muna ang iyong bukid para mayroon kang tiyak na pagkakakitaan bago ka magtayo ng bahay at magtatag ng tahanan.
28 Huwag kang sasaksi laban sa iyong kapwa nang walang sapat na dahilan, ni magsasabi ng kasinungalingan laban sa kanya. 29 Huwag mong sasabihin, “Gagawin ko sa kanya ang ginawa niya sa akin upang ako'y makaganti!”
30 Napadaan ako sa bukid at ubasan ng isang tamad at mangmang. 31 Ito'y puno ng matinik na damo, at gumuho na ang bakod nito. 32 Ang nakita ko'y pinag-isipan kong mabuti at may nakuha akong magandang aral: 33 Kaunting(A) tulog, bahagyang idlip, sandaling pahinga at paghalukipkip, 34 samantalang namamahinga ka ang kahirapa'y darating na parang armadong magnanakaw upang kunin ang lahat ng iyong kailangan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.