Mga Kawikaan 16
Magandang Balita Biblia
Mga Kawikaan tungkol sa Buhay at Pag-uugali
16 Ang mga balak ng isipan ay sa tao nagmumula,
ngunit mula kay Yahweh ang sagot ng dila.
2 Ang akala ng tao ay tama ang kanyang kilos,
ngunit sa tunay niyang layon, si Yahweh ang nakatatalos.
3 Ipagkatiwala mo kay Yahweh ang iyong mga gagawin,
at magtatagumpay ka sa lahat ng iyong mga layunin.
4 Lahat ng nilalang ni Yahweh ay mayroong kadahilanan,
at ang masasama, kaparusahan ang kahihinatnan.
5 Kinamumuhian ni Yahweh ang lahat ng mayayabang,
at sila'y tiyak na paparusahan.
6 Katapatan(A) kay Yahweh, bunga ay kapatawaran,
ang sa kanya'y gumagalang at sumusunod, malayo sa kasamaan.
7 Kung ang buhay ng tao ay kalugud-lugod kay Yahweh,
maging ang mga kalaban, sa kanya'y makikipagbati.
8 Ang(B) maliit na halaga buhat sa mabuting paraan
ay higit na mabuti sa yamang buhat sa kasamaan.
9 Ang tao ang nagbabalak,
ngunit si Yahweh ang nagpapatupad.
10 Ang bibig ng hari ay bukal ng mga pasyang kinasihan,
hindi siya namamali sa lahat niyang kahatulan.
11 Ang nais ni Yahweh ay tamang timbangan,
at sa negosyo ay katapatan.
12 Di dapat tulutan ng isang hari ang gawang kasamaan,
pagkat ang katatagan ng pamamahala ay nasa katarungan.
13 Ang nais pakinggan ng hari ay ang katotohanan,
at ang nagsasabi nito ay kanyang kinalulugdan.
14 Sinisikap ng matalino na masiyahan ang kanyang hari;
kapag nagalit ang hari, may buhay na masasawi.
15 Ang kagandahang-loob ng hari ay parang ulap na makapal,
may dalang ulan, may taglay na buhay.
16 Higit na mainam sa ginto ang magkaroon ng karunungan,
at higit kaysa pilak ang magtaglay ng pang-unawa.
17 Ang landas ng matuwid ay palayo sa kasamaan;
ang maingat sa paglakad ay nag-iingat sa kanyang buhay.
18 Ang kapalalua'y humahantong sa pagkawasak,
at ang mapagmataas na isipan ay ibabagsak.
19 Higit na mabuti ang mapagpakumbaba kahit na mahirap,
kaysa makihati sa yaman ng mapagmataas.
20 Ang sumusunod sa payo ay mananagana,
at mapalad ang taong kay Yahweh ay nagtitiwala.
21 Ang matalinong tao ay nakikilala sa kanyang pang-unawa,
ang matamis niyang pangungusap ay panghikayat sa iba.
22 Ang karunungan ay bukal ng buhay para sa matalino,
ngunit mahirap maturuan ang mangmang na tao.
23 Iniisip ng matalino ang kanyang sasabihin,
kaya naman ang kausap ay madali niyang akitin.
24 Kaaya-ayang salita ay parang pulot-pukyutan,
matamis sa panlasa, pampalusog ng katawan.
25 May(C) daang matuwid sa tingin ng tao,
ngunit kamatayan ang dulo nito.
26 Dahil sa pagkain ang tao'y nagsisikap;
upang ang gutom ay bigyan ng lunas.
27 Ang laman ng isip ng tampalasan ay puro kasamaan,
ang kanyang mga labi ay parang nakakapasong apoy.
28 Ang(D) taong baluktot ang isipan ay naghahasik ng kaguluhan,
at sinisira naman ng tsismis ang magandang samahan.
29 Tinutukso ng taong liko ang kanyang kapwa,
at ibinubuyo sa landas na masama.
30 Mag-ingat ka sa taong pangiti-ngiti at kikindat-kindat;
pagkat tiyak na mayroon siyang masamang binabalak.
31 Ang mga uban ay putong ng karangalan,
ito ay natamo sa matuwid na pamumuhay.
32 Higit na mabuti ang tiyaga kaysa kapangyarihan,
at ang pagsupil sa sarili kaysa pagsakop sa mga bayan.
33 Isinasagawa ng tao ang palabunutan,
ngunit si Yahweh lang ang huling kapasyahan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.