Mga Gawa 6
Magandang Balita Biblia
Ang Pagpili sa Pitong Tagapaglingkod
6 Habang patuloy na dumarami ang mga alagad, nagkaroon ng reklamo laban sa mga Hebreo[a] ang mga Helenista[b]. Sinabi nilang ang mga biyuda sa pangkat nila ay napapabayaan sa pang-araw-araw na pamamahagi ng ikabubuhay. 2 Kaya't tinipon ng Labindalawa ang buong kapulungan ng mga mananampalataya at sinabi sa kanila, “Hindi namin dapat pabayaan ang pangangaral ng salita ng Diyos upang mangasiwa sa pamamahagi ng ikabubuhay. 3 Kaya,[c] mga kapatid, pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking iginagalang, puspos ng Espiritu, at matatalino upang ilagay namin sila sa tungkuling ito. 4 Samantala, iuukol naman namin ang aming panahon sa pananalangin at sa pangangaral ng salita.”
5 Nalugod ang buong kapulungan sa panukalang ito, kaya't pinili nila si Esteban, isang lalaking lubos ang pananampalataya sa Diyos at puspos ng Espiritu Santo, at sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at si Nicolas na taga-Antioquia, isang Hentil na nahikayat sa pananampalatayang Judio. 6 Nang iharap sila sa mga apostol, sila'y ipinanalangin at pinatungan ng kamay.
7 Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at dumami ang mga alagad sa Jerusalem. At maraming paring Judio ang naniwala sa Magandang Balita.
Ang Pagdakip kay Esteban
8 Pinagpala ng Diyos si Esteban at pinagkalooban ng kapangyarihan, kaya't nakakagawa siya ng maraming kababalaghan at himala sa harapan ng madla. 9 Minsan, nakipagtalo sa kanya ang ilang kasapi sa sinagoga ng mga Pinalaya[d], na binubuo ng mga Judiong taga-Cirene, Alejandria, Cilicia, at Asia[e]. 10 Ngunit hindi nila kayang salungatin ang karunungang kaloob ng Espiritu kay Esteban. 11 Kaya't lihim nilang sinulsulan ang ilang lalaki na magpatotoo laban sa kanya ng ganito, “Narinig naming nilalait niya si Moises at ang Diyos.” 12 Sa gayon, naudyukan nilang magalit kay Esteban ang mga tao, ang mga pinuno ng bayan at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y sinunggaban nila at dinala sa Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio. 13 Nagharap sila ng mga sinungaling na saksi laban kay Esteban. Sinabi ng mga ito, “Ang taong ito ay walang tigil ng pagsasalita laban sa banal na Templo at sa Kautusan ni Moises. 14 Narinig naming sinasabi niya na ang Templo raw ay gigibain nitong si Jesus na taga-Nazaret, at papalitan ang mga kaugaliang ipinamana sa atin ni Moises.” 15 Si Esteban ay pinagmasdang mabuti ng lahat ng nakaupo sa Kapulungan, at nakita nila na ang kanyang mukha ay parang mukha ng anghel.
Footnotes
- Mga Gawa 6:1 HEBREO: Mga Judiong nagsasalita ng wikang Aramaico.
- Mga Gawa 6:1 HELENISTA: Mga Judiong nagsasalita ng wikang Griego.
- Mga Gawa 6:3 Kaya: Sa ibang manuskrito'y Subalit .
- Mga Gawa 6:9 PINALAYA: Mga Judiong dating mga alipin .
- Mga Gawa 6:9 ASIA: Nang panahong iyon, ang “Asia” ay tumutukoy sa isang lalawigan na sakop ng Imperyong Romano. Malaking bahagi ng lugar na ito ay sakop ngayon ng bansang Turkey.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.