Add parallel Print Page Options

Ang Paratang ng mga Judio Laban kay Pablo

24 Makalipas ang limang araw, dumating sa Cesarea ang pinakapunong pari na si Ananias, kasama ang ilang pinuno ng bayan at si Tertulo na isang abogado. Iniharap nila sa gobernador ang kanilang reklamo laban kay Pablo. At nang maiharap si Pablo, sinimulan ni Tertulo ang pagsalaysay ng mga paratang kay Pablo. Sinabi niya,

“Kagalang-galang na Gobernador Felix, utang namin sa inyong mahusay na pamumuno ang kapayapaang matagal na naming tinatamasa, gayundin ang mga pagbabago para sa ikauunlad ng aming bansa. Ito'y kinikilala naming utang na loob, at lubos namin kayong pinasasalamatan saanman at magpakailanman. Ngunit upang kayo ay huwag nang labis na maabala, mangyari lamang na kami'y pakinggan ninyong sandali. Natuklasan naming ang taong ito'y nanggugulo. Ginugulo niya ang mga Judio saan man siya magpunta, at siya'y isang pasimuno ng sekta ng mga Nazareno. Pati ang Templo namin ay tinangka niyang lapastanganin, kaya hinuli namin siya. [Hahatulan sana namin siya ayon sa aming kautusan, ngunit dumating si Lisias na pinuno ng mga sundalo, at marahas siyang inagaw sa amin. Ang sabi niya'y sa inyo namin isakdal ang taong ito.][a] Sa pagsisiyasat ninyo sa kanya, malalaman ninyo ang lahat ng paratang namin laban sa kanya.”

Nakiisa ang mga Judio kay Tertulo, at pinatotohanan ang lahat ng sinabi niya.

Ang Pagtatanggol ni Pablo sa Harap ni Felix

10 Si Pablo ay sinenyasan ng gobernador upang magsalita, kaya't sinabi niya,

“Kagalang-galang na Gobernador, nalalaman kong kayo'y matagal nang hukom sa bansang ito, kaya't ikinagagalak kong ipagtanggol ang aking sarili sa harap ninyo. 11 Wala pang labindalawang araw mula nang ako'y dumating sa Jerusalem upang sumamba. Matitiyak ninyo iyan kung kayo'y magsisiyasat. 12 Minsan man ay hindi nila ako nakitang nakikipagtalo kaninuman sa loob ng Templo, o gumagawa ng gulo sa sinagoga, o sa alinmang lugar sa lungsod. 13 Wala silang maihaharap na katibayan sa kanilang mga paratang laban sa akin. 14 Inaamin kong ang pagsamba ko sa Diyos ng aming mga ninuno ay ayon sa Daan na sinasabi nilang maling pananampalataya. Subalit naniniwala rin ako sa lahat ng nasusulat sa Kautusan at sa mga aklat ng mga propeta. 15 Tulad nila, umaasa rin akong muling bubuhayin ng Diyos ang lahat ng tao, matuwid man o di-matuwid. 16 Kaya't pinagsisikapan kong laging maging malinis ang aking budhi sa harap ng Diyos at ng tao.

17 “Ilang(A) taon akong nawala sa Jerusalem at nagbalik ako upang maghatid ng tulong sa mga kababayan ko at maghandog sa Diyos. 18 Natapos ko nang tuparin ang paglilinis ayon sa Kautusan at nag-aalay ako ng aking handog nang datnan nila ako sa Templo. Walang maraming tao roon at wala namang gulo. 19 Ang naroon ay ilang Judiong galing sa Asia—sila sana ang naparito upang magharap ng sakdal kung sila'y may nakitang anumang dapat iparatang laban sa akin. 20 O kaya naman, magsabi ang mga taong naririto kung ano ang pagkakasalang nagawa ko nang ako'y iharap sa Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio. 21 Gayunpaman,(B) totoong isinigaw ko ito sa harap nila, ‘Dahil sa pag-asa kong muling mabubuhay ang mga patay, ako'y nililitis sa harapan ninyo ngayon.’”

22 Si Felix ay may sapat na kaalaman tungkol sa Daan, kaya't ipinagpaliban muna niya ang paglilitis. Sinabi niya, “Hahatulan ko ang iyong kaso pagdating ng pinunong si Lisias.” 23 Pagkatapos, iniutos niya sa kapitan na pabantayan si Pablo, subalit huwag hihigpitan kundi hayaang dalawin ng kanyang mga kaibigan upang mabigyan siya ng kanyang mga pangangailangan.

Si Pablo sa Harap nina Felix at Drusila

24 Makaraan ang ilang araw, dumating si Felix, kasama ang asawa niyang si Drusila na isang Judio. Ipinatawag niya si Pablo at pinakinggan ang sinasabi nito tungkol sa pananalig kay Cristo Jesus. 25 Ngunit nang magpatuloy si Pablo ng pagsasalita tungkol sa pagiging matuwid, pagpipigil sa sarili, at sa darating na paghuhukom, natakot si Felix. Kaya't sinabi niya, “Makakaalis ka na, ipapatawag kitang muli kapag may panahon na ako.” 26 Malimit niyang ipatawag at kausapin si Pablo sa pag-asang susuhulan siya nito.

27 Makaraan ang dalawang taon, si Felix ay napalitan ni Porcio Festo. Sa hangad ni Felix na bigyang-lugod ang mga Judio, hinayaan niyang manatili sa bilangguan si Pablo.

Footnotes

  1. Mga Gawa 24:8 Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga talatang ito.