Mga Bilang 5
Magandang Balita Biblia
Ang mga Itinuturing na Marumi
5 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Paalisin mo sa kampo ng Israel ang lahat ng may sakit sa balat na parang ketong, ang mga may tulo at ang lahat ng naging marumi dahil napahawak sila sa patay. 3 Wala kayong itatangi maging lalaki o babae. Lahat ng mga ito ay palalabasin upang hindi maging marumi ang kanilang kampo. Ako'y naninirahang kasama ng aking bayan.” 4 Tulad ng utos ni Yahweh kay Moises, lahat ng may sakit sa balat na parang ketong, may tulo, at naging marumi dahil sa pagkahawak sa patay ay pinalabas nila sa kampo.
Ang Pagbabayad sa Nagawang Masama
5 Sinabi(A) ni Yahweh kay Moises, 6 “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Sinumang magtaksil kay Yahweh at makagawa ng masama sa kanyang kapwa ay 7 dapat umamin sa kasalanang kanyang nagawa, pagbabayaran niya ito nang buo maliban pa sa dagdag na ikalimang bahagi nito. Ito'y ibibigay niya sa ginawan niya ng masama o sa pinakamalapit na kamag-anak nito. 8 Kung wala itong malapit na kamag-anak, ang halagang ibabayad ay mapupunta kay Yahweh at ibibigay sa mga pari, bukod sa tupang ibibigay ng nagkasala upang ihandog bilang pantubos sa kanyang kasalanan. 9 Lahat ng natatanging handog ng mga Israelita para kay Yahweh ay mauuwi sa paring tumanggap niyon. 10 Kukunin ng bawat pari ang handog na ibinigay sa kanya.”
Ang Tuntunin tungkol sa Pagtataksil at Pagseselos
11 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 12 “Ito ang sabihin mo sa mga Israelita: Kung ang isang babae'y nagtaksil sa asawa, 13 nakipagtalik sa ibang lalaki ngunit walang katibayang maipakita laban sa kanya sapagkat hindi siya nahuli sa akto, 14 o kaya nama'y ang asawang lalaki'y naghihinala sa kanyang asawa kahit wala itong ginagawang masama, 15 ang babae ay dadalhin ng lalaki sa pari. Ang lalaki'y maghahandog ng kalahating salop ng harinang sebada. Ang handog na ito'y hindi bubuhusan ng langis ni sasamahan ng insenso sapagkat ito'y handog tungkol sa pagseselos, handog upang hilinging lumabas ang katotohanan.
16 “Ang babae ay dadalhin ng pari sa harap ng altar. 17 Ang pari ay maglalagay ng sagradong tubig sa isang tapayan at hahaluan ng kaunting alikabok mula sa sahig ng tabernakulo. 18 Pagkatapos, ilulugay ang buhok ng babae at pahahawakan sa kanya ang handog na harina. Samantala, ang mangkok na naglalaman ng mapait na tubig na magpapalitaw sa katotohanan ay hawak naman ng pari. 19 Ang babae'y panunumpain ng pari. Sasabihin niya, ‘Kung hindi ka nagtaksil sa iyong asawa, hindi tatalab sa iyo ang sumpang taglay ng tubig na ito. 20 Ngunit kung nagtaksil ka sa iyong asawa, 21 paparusahan ka ni Yahweh upang maging halimbawa sa iyong mga kababayan: Patutuyuin ni Yahweh ang iyong bahay-bata at pamamagain ang iyong tiyan. 22 Tumagos nawa ang tubig na ito sa kaloob-looban ng iyong tiyan, pamagain ito at patuyuin ang iyong bahay-bata.’
“Ang babae'y sasagot ng ‘Amen. Ako'y sumasang-ayon.’
23 “Ang mga sumpang ito ay isusulat ng pari sa isang sulatan, huhugasan ito sa mapait na tubig, 24 at ipapainom sa babae ang pinaghugasan. Ito'y magdudulot ng matinding sakit sa babae. 25 Pagkatapos, ang handog na harinang hawak pa ng babae ay kukunin ng pari, iaalay kay Yahweh at ilalagay sa altar. 26 Ang pari ay kukuha ng isang dakot na harina mula sa handog at susunugin ito sa altar. Pagkatapos, ipapainom sa babae ang mapait na tubig. 27 Kung nagtaksil nga siya sa kanyang asawa, makakaramdam siya ng matinding sakit, matutuyo ang kanyang balakang at mamamaga ang kanyang tiyan. Sa ganitong paraan, hindi siya pamamarisan ng kanyang mga kababayan. 28 Ngunit kung hindi siya nagtaksil, hindi tatalab sa kanya ang sumpa at maaari pa siyang magkaanak.
29 “Ito ang tuntunin tungkol sa babaing nagtaksil sa asawa, 30 o kaya, kung naghihinala ang lalaki sa katapatan ng kanyang asawa: ang babae'y ihaharap sa altar, at isasagawa naman ng pari ang lahat ng dapat gawin ayon sa Kautusan. 31 Ang asawang lalaki ay hindi madadamay sa kasalanan ng babae, kundi ang babae lamang, kung talagang nagkasala, ang magdurusa sa ginawa niyang masama.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.