Mga Bilang 30
Magandang Balita Biblia
Mga Tuntunin tungkol sa Panata ng Isang Babae
30 Sinabi ni Moises sa mga pinuno ng bawat lipi ng Israel, “Ito ang utos ni Yahweh: 2 Kung(A) kayo'y mayroong panata kay Yahweh, huwag kayong sisira sa inyong pangako. Kailangang tuparin ninyo ang bawat salitang binitiwan ninyo.
3 “Kung ang isang dalagang nasa poder pa ng kanyang ama ay mamanata o mangako kay Yahweh 4 nang naririnig ng kanyang ama at hindi ito tumutol, may bisa ang panata o pangakong iyon. 5 Ngunit kung tumutol ang ama nang marinig ang tungkol sa panata, walang bisa ang panata ng nasabing dalaga. Wala siyang sagutin kay Yahweh sapagkat hinadlangan siya ng kanyang ama.
6 “Kung ang isang dalagang nakapanata o nakapangako nang wala sa loob ay magkaasawa, 7 mananatili ang bisa ng panata o pangako kung hindi tututol ang lalaki sa araw na malaman niya iyon. 8 Ngunit kung tumutol ang lalaki sa araw na malaman iyon, mawawalan ng bisa ang panata ng babae, at hindi siya paparusahan ni Yahweh.
9 “Kung ang isang biyuda, o babaing pinalayas at hiniwalayan ng kanyang asawa ay mamanata o mangako, ang bisa nito ay mananatili.
10 “Kung ang isang babaing may asawa ay mamanata o mangako, 11 may bisa ito kapag hindi tumutol ang kanyang asawa sa araw na malaman niya ito. 12 Ngunit ang panata o sumpa ng babae ay hindi magkakabisa kapag tumutol ang lalaki sa sandaling marinig niya ito. Siya'y walang sagutin kay Yahweh sapagkat tutol ang kanyang asawa. 13 Anumang panata o pangakong gawin ng babae ay walang kabuluhan kung tututulan ng kanyang asawa, ngunit magkakabisa kung sasang-ayunan nito. 14 Kapag hindi tumutol ang lalaki sa araw na malaman niya ang panata ng asawa, may bisa ang panatang iyon. 15 Ngunit kapag pinawalang-bisa niya iyon pagkaraan ng ilang araw, siya ang mananagot sa di pagtupad ng kanyang asawa.”
16 Ito ang mga tuntuning sinabi ni Yahweh kay Moises, tungkol sa panata ng mga dalagang nasa poder pa ng kanilang magulang o ng mga babaing may asawa na.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.