Mga Bilang 2
Magandang Balita Biblia
Ang Kampo at ang Pinuno ng Bawat Lipi
2 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron: 2 Ang mga Israelita'y magtatayo ng kanilang tolda sa paligid ng Toldang Tipanan sa labas ng hanay ng mga Levita, at bawat angkan ay sama-sama sa ilalim ng kanilang watawat.
3-8 Sa gawing silangan magkakampo ang pangkat ng mga lipi ni Juda, Isacar, at Zebulun:
Lipi | Pinuno | Bilang |
---|---|---|
Juda | Naason na anak ni Aminadab | 74,600 |
Isacar | Nathanael na anak ni Zuar | 54,400 |
Zebulun | Eliab na anak ni Helon | 57,400 |
9 Ang kabuuan ng pangkat na ito ay 186,400. Sila ang mauuna sa bawat paglakad.
10-15 Sa gawing timog naman magkakampo ang pangkat ng mga lipi nina Ruben, Simeon, at Gad:
Lipi | Pinuno | Bilang |
---|---|---|
Ruben | Elizur na anak ni Sedeur | 46,500 |
Simeon | Selumiel na anak ni Zurisadai | 59,300 |
Gad | Eliasaf na anak ni Deuel | 45,650 |
16 Ang kabuuan ng pangkat na ito ay 151,450. Ang pangkat na ito ang susunod sa pangkat na pangungunahan ng lipi ni Juda.
17 Maging sa paglilipat ng Toldang Tipanan, ang pangkat ng mga Levita ay mananatili sa gitna ng ibang mga pangkat. Sa pagpapatuloy ng paglalakbay, mananatili ang bawat pangkat sa dating ayos sa ilalim ng kani-kanilang watawat.
18-23 Sa gawing kanluran naman magkakampo ang pangkat ng mga lipi nina Efraim, Manases, at Benjamin:
Lipi | Pinuno | Bilang |
---|---|---|
Efraim | Elisama na anak ni Amiud | 40,500 |
Manases | Gamaliel na anak ni Pedazur | 32,200 |
Benjamin | Abidan na anak ni Gideoni | 35,400 |
24 Ang kabuuan ng pangkat na ito ay 108,100. Sila ang pangatlo sa hanay.
25-30 At sa gawing hilaga naman magkakampo ang pangkat ng mga lipi nina Dan, Asher, at Neftali:
Lipi | Pinuno | Bilang |
---|---|---|
Dan | Ahiezer na anak ni Amisadai | 62,700 |
Asher | Pagiel na anak ni Ocran | 41,500 |
Neftali | Ahira na anak ni Enan | 53,400 |
31 Ang pangkat na ito ay umaabot sa 157,600. Sila ang kahuli-hulihan sa hanay ng mga kawal. 32 Iyon ang bilang ng mga Israelita ayon sa kani-kanilang lipi. Lahat-lahat ay umabot sa 603,550. 33 Hindi kabilang dito ang mga Levita tulad ng ipinagbilin ni Yahweh kay Moises na huwag isasama sa sensus ang mga ito.
34 Ang lahat ay ginawa ng mga Israelita ayon sa utos ni Yahweh. Nagtayo sila ng tolda sa ilalim ng kani-kanilang watawat, at pangkat-pangkat na nagpatuloy sa paglalakbay.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.