Mga Bilang 18
Magandang Balita Biblia
Ang Tungkulin ng mga Pari at mga Levita
18 Sinabi ni Yahweh kay Aaron, “Ikaw, ang iyong mga anak na lalaki, at ang lipi ni Levi ang may pananagutan sa lahat ng gawain sa Toldang Tipanan. Ngunit sa mga gawain ng pari, ikaw at ang iyong mga anak na lalaki lamang ang mangangasiwa. 2 Ang mga kamag-anak ninyong mga Levita ang tutulong sa iyo at sa iyong mga anak sa inyong paglilingkod sa loob ng Toldang Tipanan. 3 Subalit hindi sila lalapit sa altar o sa alinmang sagradong kasangkapan sa loob ng santuwaryo. Kapag lumapit sila, kayong lahat ay mamamatay. 4 Liban sa kanila ay wala kayong ibang makakatulong sa anumang gawain sa Toldang Tipanan, at wala ring dapat lumapit sa inyo roon. 5 Ikaw lamang at ang iyong mga anak na lalaki ang gaganap sa mga tungkulin sa Toldang Tipanan at sa altar upang hindi ako muling magalit sa sambayanang Israel. 6 Ako ang pumili sa mga kamag-anak mong Levita upang makatulong mo sa mga gawaing ito. Handog ko sila sa inyo para maglingkod sa akin sa Toldang Tipanan. 7 Ngunit ikaw lamang at ang iyong mga anak na lalaki ang maghahandog sa altar at sa Dakong Kabanal-banalan. Tungkulin ninyo ito. Ikaw lamang ang pinagkalooban ko ng tungkuling ito. Sinumang makialam sa iyo tungkol sa mga sagradong bagay ay dapat patayin.”
Ang Bahagi ng mga Pari
8 Sinabi ni Yahweh kay Aaron, “Ipinagkakaloob ko sa iyo ang lahat ng tanging handog ng mga Israelita bilang bahagi mo at ng iyong mga anak habang panahon. 9 Ito ang nauukol sa iyo at sa iyong mga anak: lahat ng handog na hindi sinusunog sa altar, maging handog na pagkaing butil, maging handog na para sa kapatawaran ng kasalanan o handog na pambayad sa kasalanan. 10 Ito ay ituturing ninyong ganap na sagrado at kakainin ninyo sa isang banal na lugar. Ang mga lalaki lamang sa inyong sambahayan ang maaaring kumain nito.
11 “Para sa iyo rin at sa iyong sambahayan ang kanilang mga natatanging handog. Lahat ng iyong kasambahay, lalaki at babaing malinis ayon sa Kautusan ay maaaring kumain nito.
12 “Ibinibigay ko rin sa iyo ang pinakamainam sa lahat ng unang bunga ng halaman na ihahandog nila sa akin, gayundin ang langis, alak at pagkain. 13 Ang lahat ng iyan ay para sa inyo at maaaring kainin ng sinumang kasambahay mo na malinis ayon sa Kautusan.
14 “Lahat(A) ng mga bagay na lubos na naialay ng mga Israelita kay Yahweh ay nauukol sa iyo.
15 “Lahat ng panganay, maging tao o hayop na pawang nakatalaga sa akin ay mauuwi sa iyo. Ngunit ang panganay na Israelita at ang panganay ng mga hayop na marurumi ayon sa Kautusan ay tutubusin nila 16 isang buwan matapos isilang. Ang tubos sa bawat isa ay limang pirasong pilak, ayon sa timbangan ng templo. 17 Ang panganay na baka, tupa o kambing ay hindi na tutubusin. Ang mga ito ay ilalaan sa akin. Ang dugo ng mga ito'y iwiwisik mo sa altar. Susunugin mo naman ang kanilang taba upang ang usok nito'y maging mabangong samyo para sa akin. 18 Para sa iyo rin ang pitso at ang kanang hita ng kanilang mga handog.
19 “Lahat ng tanging handog nila sa akin ay nauukol sa iyong sambahayan. Ito'y isang di-masisirang kasunduan ko sa iyo at sa iyong mga anak at sa magiging anak pa nila.”
20 Sinabi pa ni Yahweh kay Aaron, “Hindi ka na bibigyan ng bahagi sa lupaing ibibigay ko sa kanila; ako mismo ang iyong pinakabahagi at ang iyong mana.
Ang Bahagi ng mga Levita
21 “Ang(B) bahagi ng mga Levita ay ang ikasampung bahagi na ibibigay ng Israel, at ito ang nauukol sa kanilang paglilingkod sa Toldang Tipanan. 22 Mula ngayon, ang mga taong-bayan ay hindi na maaaring lumapit sa Toldang Tipanan, kundi'y magkakasala sila at mamamatay. 23 Ang mga Levita lamang ang gaganap ng anumang paglilingkod sa Toldang Tipanan at pananagutan nila ito. Ito ay tuntuning susundin habang panahon sa lahat ng inyong salinlahi. Subalit walang kaparteng lupa ang mga Levita sa Israel 24 sapagkat ang bahagi ng mga Levita ay ang ikasampung bahagi ng buong Israel, kaya ko sinabing wala silang kaparte sa Israel.”
Dapat ding Maghandog ng Ikasampung Bahagi ang mga Levita
25 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 26 “Sabihin mo sa mga Levita, ‘Pagtanggap ninyo sa ikasampung bahagi ng mga Israelita, ihahandog ninyo kay Yahweh ang ikasampung bahagi noon, samakatuwid ay ang ikasampung bahagi ng ikasampung bahagi. 27 Ang handog ninyong ito ay siyang katumbas ng handog ng ibang lipi mula sa ani ng kanilang mga bukirin at ubasan. 28 Sa gayong paraan, kayo man ay maghahandog ng ikasampung bahagi kay Yahweh sa pamamagitan ng ikasampung bahagi ng tinatanggap ninyo sa mga Israelita. Iyon naman ay ibibigay kay Aaron. 29 Ang pinakamainam sa handog na tinatanggap ninyo ang inyong ihahandog para kay Yahweh.’ 30 Kaya, sabihin mo sa kanila na pagkatapos ibukod ang pinakamainam na bahagi ng ikasampung bahagi ng buong Israel, ang matitira'y kanila na. Iyan ang siyang katumbas ng inaani ng ibang lipi sa kanilang mga bukirin at ubasan. 31 At maaari nilang kainin iyon kahit saan, pati ng kanilang sambahayan sapagkat iyon ang kabayaran sa kanila sa paglilingkod nila sa Toldang Tipanan. 32 Hindi kayo magkakasala sa pagkain ng matitira kapag naibukod na ninyo ang pinakamaiinam. Ngunit kung hindi pa naibubukod at naihahandog kay Yahweh ang mga pinakamaiinam, at ito'y kinain ninyo, ituturing na nilalapastangan ninyo ang handog ng mga Israelita, at kayo'y dapat mamatay.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.