Mga Bilang 15
Magandang Balita Biblia
Ang mga Tuntunin tungkol sa mga Handog
15 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Ganito ang sabihin mo sa Israel: Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, 3 maghahandog kayo kay Yahweh. Anumang ihahandog ninyo mula sa inyong mga kawan, maging handog na susunugin, tanging handog bilang panata, o kusang handog kung panahon ng pista, 4 ay lalakipan ninyo ng handog na pagkaing butil na kalahating salop ng pinong harinang minasa sa isang litrong langis. 5 Samahan din ng isang litrong alak ang bawat tupang handog upang sunugin. 6 Ang bawat handog na tupang lalaki ay sasamahan ng handog na pagkaing butil na isang salop ng pinong harinang minasa sa 1 1/3 litrong langis, 7 at 1 1/3 litrong alak. Sa ganoon, ang handog ninyo ay magiging mabangong samyo kay Yahweh. 8 Kung maghahandog kayo ng isang toro upang sunugin o ihain bilang katuparan ng panata o kaya'y bilang handog pangkapayapaan, 9 sasamahan naman ito ng isa't kalahating salop ng pinong harinang minasa sa dalawang litrong langis, 10 at ganoon din karaming inumin upang maging mabangong samyo kay Yahweh.
11 “Ganyan nga ang gagawin ninyo tuwing maghahandog kayo ng toro, tupang lalaki, batang tupa o batang kambing. 12 Ang dami ng handog na pagkaing butil at inumin ay batay sa dami ng handog. 13 Ganito nga ang gagawin ng mga katutubong Israelita sa pagdadala nila ng handog na mabangong samyo kay Yahweh. 14 Ganito rin ang gagawin ng dayuhang nakikipamayan sa inyo kung nais nilang mag-alay ng mabangong handog kay Yahweh. 15 Isa lamang ang tuntuning susundin ninyo at ng mga dayuhan sa habang panahon. Kung ano kayo sa harapan ni Yahweh ay gayon din ang mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. 16 Magkaroon(A) lamang kayo ng iisang Kautusan at tuntuning susundin ng lahat, maging Israelita o dayuhan.”
17 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 18 “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, 19 magbubukod kayo ng handog kay Yahweh tuwing kayo'y kakain ng mga pagkain doon. 20 Magbubukod kayo ng tinapay mula sa harinang una ninyong minasa at inyong ihain bilang handog mula sa ani. 21 Ihahandog ninyo kay Yahweh ang unang masa ng harina; ito'y tuntunin sa habang panahon.
22 “Subalit kung sakaling nakaligtaan ninyong tuparin ang alinman sa utos ni Yahweh na sinabi kay Moises, 23 buhat sa pasimula hanggang sa wakas, 24 ang buong bayan ay maghahandog ng isang toro bilang handog na susunugin kalakip ng handog na pagkaing butil, at isang kambing na lalaki bilang handog ukol sa kasalanan. 25 Ipaghahandog sila ng pari para sa kanilang kasalanan. Kapag nagawa na ito, patatawarin sila sapagkat ito'y pagkakamaling hindi sinasadya, at naghandog na sila para dito. 26 Ang buong Israel at ang mga nakikipamayan sa inyo ay patatawarin sapagkat ito'y pagkakamali nilang lahat.
27 “Kung(B) ang isang tao'y nagkasala nang hindi sinasadya, magdadala siya ng isang babaing kambing na isang taóng gulang bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan. 28 Siya'y ipaghahandog ng pari upang patawarin ni Yahweh. 29 Iisa ang tuntuning susundin tungkol sa hindi sinasadyang pagkakasala ng isang Israelita at ng isang dayuhan.
30 “Ngunit ititiwalag sa sambayanan ang sinumang magkasala nang sinasadya, maging siya'y katutubong Israelita o dayuhang nakikipamayan, sapagkat iyon ay paglapastangan kay Yahweh. 31 Dahil nilabag niya ang kautusan ni Yahweh, siya ang dapat sisihin sa kanyang kamatayan.”
Pinarusahan ang Namulot ng Kahoy sa Araw ng Pamamahinga
32 Nang sila'y nasa ilang, may nakita silang nangangahoy sa Araw ng Pamamahinga. 33 Iniharap nila ito kina Moises, Aaron at sa buong kapulungan. 34 Ikinulong muna siya habang hindi pa tiyak kung ano ang gagawin sa kanya. 35 Kaya't sinabi ni Yahweh kay Moises, “Dalhin siya sa labas ng kampo at pagbabatuhin ng buong kapulungan hanggang mamatay.” 36 Ganoon nga ang ginawa nila.
Ang Palawit sa Damit ng mga Israelita
37 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 38 “Sabihin(C) mo sa mga Israelita na habang panahon silang maglalagay ng palawit sa laylayan ng kanilang mga damit. Susuksukan nila ito ng asul na tali. 39 Gagawin ninyo ito upang maalala ninyo at sundin ang mga kautusan ni Yahweh tuwing makikita ninyo ang mga palawit na iyon. Sa ganoon, masusunod ang salita ni Yahweh at hindi ang inyong sariling nasa at kagustuhan. 40 Sundin ninyong lagi ang aking mga utos at kayo'y lubos na magiging nakalaan sa akin. 41 Ako si Yahweh na inyong Diyos. Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto upang maging Diyos ninyo. Ako si Yahweh na inyong Diyos.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.