Mateo 5:43-6:24
Ang Biblia, 2001
Ibigin ang Kaaway(A)
43 “Narinig ninyo na sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa, at kapootan mo ang iyong kaaway.’
44 Ngunit sinasabi ko sa inyo, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang umuusig sa inyo,
45 upang kayo'y maging mga anak ng inyong Ama na nasa langit, sapagkat pinasisikat niya ang kanyang araw sa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga matuwid at sa mga di-matuwid.
46 Sapagkat kung umiibig kayo sa mga umiibig lamang sa inyo, anong gantimpala mayroon kayo? Hindi ba gayundin ang ginagawa maging ng mga maniningil ng buwis?
47 At kung mga kapatid lamang ninyo ang inyong binabati, anong ginagawa ninyo na higit kaysa iba? Hindi ba't kahit ang mga Hentil ay gayundin ang ginagawa?
48 Kaya't kayo(B) nga'y maging sakdal, gaya ng inyong Ama sa langit na sakdal.
Turo tungkol sa Paglilimos
6 “Mag-ingat(C) kayo na huwag ninyong gawin ang inyong kabanalan sa harap ng mga tao upang makita nila. Sapagkat kung gayon, wala kayong gantimpala mula sa inyong Ama na nasa langit.
2 “Kaya, kapag ikaw ay naglilimos, huwag kang magpapatunog ng trumpeta sa harapan mo, gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa mga sinagoga at sa mga lansangan, upang papurihan sila ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.
3 Ngunit kapag ikaw ay naglilimos, huwag mong hayaang malaman ng iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay,
4 upang maging lihim ang iyong paglilimos; at ang iyong Ama na nakakakita ng mga lihim ay gagantimpalaan ka.
Turo tungkol sa Pananalangin(D)
5 “At(E) kapag kayo ay nananalangin, huwag kayong maging tulad sa mga mapagkunwari; sapagkat ibig nilang tumayo at manalangin sa mga sinagoga at sa mga panulukan ng mga lansangan upang makita sila ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.
6 Ngunit kapag ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid, at pagkasara mo ng iyong pinto ay manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim, at ang iyong Ama na nakakakita ng mga lihim ay gagantimpalaan ka.[a]
7 “At sa pananalangin ay huwag kayong gumamit ng walang kabuluhang paulit-ulit, na tulad ng ginagawa ng mga Hentil, sapagkat inaakala nilang sila ay pakikinggan dahil sa marami nilang salita.
8 Huwag nga kayong tumulad sa kanila, sapagkat alam na ng inyong Ama ang mga bagay na inyong kinakailangan, bago pa kayo humingi sa kanya.
9 Manalangin nga kayo nang ganito: Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang pangalan mo.
10 Dumating nawa ang kaharian mo. Masunod nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin naman sa lupa.
11 Bigyan mo kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw.[b]
12 At patawarin mo kami sa aming mga utang, gaya rin namin na nagpapatawad sa mga may utang sa amin.
13 At huwag mo kaming dalhin sa tukso, kundi iligtas mo kami sa masama.[c]
14 Sapagkat(F) kung pinatatawad ninyo ang mga tao sa kanilang mga kasalanan, patatawarin din naman kayo ng inyong Ama na nasa langit.
15 Ngunit kung hindi ninyo pinatatawad ang mga tao sa kanilang mga kasalanan, hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama sa inyong mga kasalanan.
Turo tungkol sa Pag-aayuno
16 “At kapag kayo ay nag-aayuno, huwag kayong magmukhang mapanglaw, tulad ng mga mapagkunwari, sapagkat pinasasama nila ang kanilang mga mukha upang ipakita sa mga tao ang kanilang pag-aayuno. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.
17 Ngunit kapag nag-aayuno ka, lagyan mo ng langis ang iyong ulo, at maghilamos ka ng iyong mukha;
18 upang ang iyong pag-aayuno ay hindi makita ng mga tao, kundi ng iyong Ama na nasa lihim, at gagantimpalaan ka ng iyong Ama na nakakakita ng lihim na bagay.
Ang Kayamanan sa Langit(G)
19 “Huwag(H) kayong magtipon ng mga kayamanan para sa inyong sarili sa lupa, na dito ay naninira ang bukbok at ang kalawang[d] at ang mga magnanakaw ay nakakapasok at nakakapagnakaw;
20 kundi magtipon kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, na doon ang bukbok at ang kalawang ay hindi makapaninira at ang mga magnanakaw ay hindi rin makakapasok ni makakapagnakaw.
21 Sapagkat kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din naman ang iyong puso.
Ang Ilawan ng Katawan(I)
22 “Ang mata ang ilawan ng katawan: Kung tapat ang iyong mata, ang buong katawan mo'y mapupuno ng liwanag.
23 Ngunit kung masama ang iyong mata, ang iyong buong katawan ay magiging kadiliman. Kaya't kung ang liwanag na nasa iyo ay kadiliman, anong laki ng kadiliman!
Diyos o Kayamanan(J)
24 “Walang makapaglilingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa; o magiging tapat siya sa isa, at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa kayamanan.[e]
Footnotes
- Mateo 6:6 Sa ibang mga kasulatan ay gagantimpalaan ka ng hayagan .
- Mateo 6:11 o pagkain namin sa kinabukasan .
- Mateo 6:13 Ang ibang mga kasulatan ay mayroong ganito. Sapagkat iyo ang kaharian, ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailanman. Amen .
- Mateo 6:19 o uod .
- Mateo 6:24 Sa Griyego ay Mamon, isang salitang Semetico na nangangahulugang salapi o kayamanan .