Mateo 26:17-30
Magandang Balita Biblia
Paghahanda sa Pista ng Paskwa(A)
17 Dumating ang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, “Saan po ninyo nais na maghanda kami ng hapunang pampaskwa?”
18 Sumagot siya, “Puntahan ninyo sa lungsod ang isang tao at sabihin ninyo sa kanya, ‘Ipinapasabi po ng Guro na sumapit na ang kanyang oras. Siya at ang mga alagad niya'y sa bahay ninyo kakain ng hapunang pampaskwa.’”
19 Sinunod ng mga alagad ang utos ni Jesus, at doo'y inihanda nga nila ang hapunang pampaskwa.
20 Nang gabing iyon, dumulog sa hapag si Jesus, kasama ang Labindalawa.[a] 21 Sinabi ni Jesus habang sila'y kumakain, “Tinitiyak ko sa inyo, ako'y ipagkakanulo ng isa sa inyo!”
22 Nanlumo ang mga alagad, at isa-isang nagtanong sa kanya, “Hindi ako iyon, di po ba, Panginoon?”
23 Sumagot(B) si Jesus, “Ang kasabay kong nagsawsaw sa mangkok ang siyang magkakanulo sa akin. 24 Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa nasusulat tungkol sa kanya subalit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak!”
25 Si Judas na magkakanulo sa kanya ay nagtanong din, “Guro, ako po ba?” Sumagot si Jesus, “Ikaw ang nagsabi niyan.”
Ang Banal na Hapunan(C)
26 Habang sila'y kumakain, dumampot si Jesus ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Diyos ay pinaghati-hati niya iyon, ibinigay sa mga alagad at sinabi, “Kunin ninyo ito at kainin. Ito ang aking katawan.”
27 Pagkatapos, dumampot siya ng kopa, nagpasalamat sa Diyos at ibinigay iyon sa kanila. Sinabi niya, “Kayong lahat ay uminom nito 28 sapagkat(D) ito ang aking dugo na katibayan ng tipan[b] ng Diyos. Ito ang aking dugong ibinubuhos para sa kapatawaran ng kasalanan ng marami.
29 Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hanggang sa araw na inumin kong panibago na kasalo ninyo sa kaharian ng aking Ama.”
30 At pagkaawit ng isang himno, sila'y nagpunta sa Bundok ng mga Olibo.
Read full chapterFootnotes
- Mateo 26:20 Labindalawa: Sa ibang manuskrito'y labindalawang alagad .
- Mateo 26:28 tipan: Sa ibang manuskrito'y bagong tipan .
Marcos 14:12-25
Magandang Balita Biblia
Ang Huling Hapunan(A)
12 Unang araw noon ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, araw ng paghahain ng korderong pampaskwa. Tinanong si Jesus ng kanyang mga alagad, “Saan po ninyo nais na maghanda kami ng hapunang pampaskwa?”
13 Inutusan niya ang dalawa sa kanyang mga alagad, “Pumunta kayo sa bayan at may masasalubong kayong isang lalaking may dalang banga ng tubig. Sundan ninyo siya 14 sa bahay na kanyang papasukan at sabihin ninyo sa may-ari, ‘Ipinapatanong po ng Guro kung mayroon kayong silid na maaaring magamit niya at ng kanyang mga alagad para sa hapunang pampaskwa.’ 15 At ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na mayroon nang kagamitan. Doon kayo maghanda para sa atin.”
16 Nagpunta nga sa bayan ang mga alagad at natagpuan nila roon ang lahat, gaya ng sinabi ni Jesus sa kanila. At inihanda nila ang hapunang pampaskwa.
17 Kinagabihan, dumating si Jesus na kasama ang Labindalawa. 18 Habang(B) sila'y kumakain, sinabi ni Jesus, “Tandaan ninyo ito: isa sa inyo na kasalo ko ngayon ay magkakanulo sa akin.”
19 Nalungkot ang mga alagad, at ang bawat isa ay nagtanong sa kanya, “Hindi ako iyon, di po ba, Panginoon?”
20 Sumagot siya, “Isa siya sa inyong labindalawa, na kasabay ko sa pagsawsaw ng tinapay sa mangkok. 21 Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa nasusulat tungkol sa kanya, subalit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak.”
Ang Banal na Hapunan ng Panginoon(C)
22 Habang kumakain sila, si Jesus ay dumampot ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pagkatapos, kanyang pinaghati-hati ang tinapay at iniabot sa mga alagad. Sinabi niya, “Kunin ninyo ito; ito ang aking katawan.” 23 Dumampot din siya ng kopa at matapos magpasalamat sa Diyos ay iniabot din niya iyon sa mga alagad, at uminom silang lahat. 24 Sinabi(D) niya, “Ito ang aking dugo; pinapagtibay nito ang tipan ng Diyos. Ang aking dugo ay mabubuhos para sa marami. 25 Tandaan ninyo: hinding-hindi na ako muling iinom pa ng katas ng ubas hanggang sa araw na inumin kong panibago sa kaharian ng Diyos.”
Read full chapter
Lucas 22:7-20
Magandang Balita Biblia
Paghahanda para sa Pista ng Paskwa(A)
7 Sumapit ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa na siyang araw ng pagpatay at paghahandog ng korderong Pampaskwa. 8 Inutusan ni Jesus sina Pedro at Juan, “Lumakad na kayo at ihanda ninyo ang ating Hapunang Pampaskwa.”
9 “Saan po ninyo nais na maghanda kami?” tanong nila.
10 Sumagot siya, “Pumunta kayo sa lungsod. May masasalubong kayong lalaki na may dalang isang banga ng tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na kanyang papasukan. 11 Sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Ipinapatanong po ng Guro kung nasaan ang silid na maaaring magamit niya at ng kanyang mga alagad para sa Hapunang Pampaskwa.’ 12 Ipapakita niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na may nakahanda nang kagamitan. Doon kayo maghanda.”
13 Lumakad sila at natagpuan ang lahat ayon sa sinabi ni Jesus. At inihanda nila ang Hapunang Pampaskwa.
Itinatag ang Banal na Hapunan ng Panginoon(B)
14 Nang sumapit na ang oras, dumulog si Jesus sa hapag kasama ang kanyang mga apostol. 15 Sinabi niya sa kanila, “Matagal ko nang hinahangad na makasalo kayo sa Hapunang Pampaskwa na ito bago ako magdusa. 16 Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako muling kakain nito hanggang sa ito'y maganap sa kaharian ng Diyos.”
17 Dumampot siya ng isang kopa, at matapos magpasalamat sa Diyos ay ibinigay iyon sa kanila, at nagsabi, “Kunin ninyo ito at paghati-hatian. 18 Sinasabi ko sa inyo, mula ngayo'y hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hanggang sa pagdating ng kaharian ng Diyos.”
19 Dumampot din siya ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Diyos ay kanyang pinaghati-hati iyon at ibinigay sa kanila. Sabi niya, “Ito ang aking katawan [na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” 20 Gayundin(C) naman, dinampot niya ang kopa pagkatapos maghapunan at sinabi, “Ang kopang ito ang bagong tipan ng Diyos na pinagtibay ng aking dugo. Ang aking dugo ay mabubuhos alang-alang sa inyo].[a]
Read full chapterFootnotes
- Lucas 22:20 na inihahandog…alang-alang sa inyo: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.