Mateo 27:45-54
Ang Biblia, 2001
Namatay si Jesus(A)
45 Mula nang oras na ikaanim[a] ay nagdilim sa buong lupain hanggang sa oras na ikasiyam.[b]
46 At(B) nang malapit na ang oras na ikasiyam[c] ay sumigaw si Jesus ng may malakas na tinig, na sinasabi, “Eli, Eli, lama sabacthani?” na ang kahulugan ay “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”
47 At nang marinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon ay sinabi nila, “Tinatawag ng taong ito si Elias.”
48 Tumakbo(C) kaagad ang isa sa kanila at kumuha ng isang espongha, pinuno ito ng suka,[d] inilagay sa isang tambo, at ibinigay sa kanya upang inumin.
49 Ngunit sinabi ng iba, “Pabayaan ninyo siya, tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya.”
50 At muling sumigaw si Jesus ng may malakas na tinig at nalagot ang kanyang hininga.
51 At(D) nang sandaling iyon, ang tabing ng templo ay napunit sa dalawa, mula sa itaas hanggang sa ibaba; nayanig ang lupa; at nabiyak ang mga bato.
52 Nabuksan ang mga libingan at maraming katawan ng mga banal na natulog[e] ay bumangon,
53 at paglabas nila sa mga libingan pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay ay pumasok sila sa banal na lunsod at nagpakita sa marami.
54 Nang makita ng senturion at ng mga kasamahan niyang nagbabantay kay Jesus ang lindol at ang mga bagay na nangyari, sila'y lubhang natakot, at nagsabi, “Tunay na ito ang Anak ng Diyos.”[f]
Read full chapterFootnotes
- Mateo 27:45 o katanghaliang-tapat sa makabagong pagbilang ng oras .
- Mateo 27:45 o ikatlo ng hapon sa makabagong pagbilang ng oras .
- Mateo 27:46 o ikatlo ng hapon sa makabagong pagbilang ng oras .
- Mateo 27:48 o maasim na alak ng kawal Romano .
- Mateo 27:52 o namatay .
- Mateo 27:54 o isang Anak ng Diyos .
