Mateo 24:11-24
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
11 Marami ang magpapanggap na propeta at ililigaw ang mga tao. 12 Lalaganap ang kasamaan, kaya't manlalamig ang pag-ibig ng marami. 13 Ngunit(A) ang mananatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas. 14 Ipapangaral sa buong sanlibutan ang Magandang Balitang ito tungkol sa kaharian ng Diyos upang magsilbing patotoo sa lahat ng mga bansa. At saka darating ang wakas.”
Ang Kasuklam-suklam na Kalapastanganan(B)
15 “Kapag(C) nakita ninyong nagaganap na sa Dakong Banal ang kasuklam-suklam na kalapastanganang tinutukoy ni Propeta Daniel (unawain ito ng nagbabasa), 16 ang mga nasa Judea ay dapat tumakas papunta sa kabundukan, 17 ang(D) nasa bubungan ay huwag nang mag-aksaya ng panahon na kumuha pa ng kahit ano sa loob ng bahay, 18 at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi upang kumuha ng balabal. 19 Sa mga araw na iyon, kawawa ang mga nagdadalang-tao at mga nagpapasuso! 20 Ipanalangin ninyo na ang inyong pagtakas ay huwag mapataon sa taglamig o sa Araw ng Pamamahinga. 21 Sapagkat(E) sa mga araw na iyon, ang mga tao'y magdaranas ng matinding kapighatiang hindi pa nararanasan mula nang likhain ang sanlibutan hanggang sa ngayon, at hindi na mararanasan pa kahit kailan. 22 At kung hindi pinaikli ng Diyos ang mga araw na iyon, walang taong maliligtas. Ngunit alang-alang sa mga hinirang, paiikliin ng Diyos ang mga araw na iyon.
23 “Kung may magsasabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala. 24 Sapagkat may lilitaw na mga huwad na Cristo at mga huwad na propeta. Magpapakita sila ng mga kamangha-manghang himala at mga kababalaghan upang iligaw, kung maaari, maging ang mga hinirang ng Diyos.
Read full chapter