Mateo 17:1-13
Ang Biblia, 2001
Nagbagong-anyo si Jesus(A)
17 Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at si Juan na kanyang kapatid, at sila'y dinalang bukod sa isang mataas na bundok.
2 Nagbagong-anyo siya sa harap nila at nagliwanag ang kanyang mukha na tulad ng araw, at pumuti ang kanyang mga damit na tulad sa ilaw.
3 At nagpakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap sa kanya.
4 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti na tayo ay naririto. Kung ibig mo, ay gagawa ako rito ng tatlong tolda, isa sa iyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.”
5 Samantalang(B) (C) nagsasalita pa siya, biglang naliliman sila ng isang maliwanag na ulap, at may isang tinig mula sa ulap na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak; sa kanya ako'y lubos na nalulugod. Makinig kayo sa kanya.”
6 Nang marinig ito ng mga alagad, napasubsob sila at sinidlan ng malaking takot.
7 Ngunit nilapitan sila ni Jesus at hinawakan na nagsasabi, “Bumangon kayo at huwag kayong matakot.”
8 Nang tumingin sila sa itaas, wala silang nakitang sinuman, maliban kay Jesus.
9 Nang pababa na sila sa bundok, iniutos ni Jesus sa kanila na nagsasabi, “Huwag ninyong sasabihin kanino man ang pangitain, hanggang ang Anak ng Tao ay muling buhayin mula sa mga patay.”
10 Tinanong(D) siya ng kanyang mga alagad, na nagsasabi, “Bakit kaya sinasabi ng mga eskriba na kailangang dumating muna si Elias?”
11 Sumagot siya, at sinabi, “Totoong darating si Elias at ibabalik ang lahat ng mga bagay.
12 Ngunit(E) sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias, at siya'y hindi nila kinilala kundi ginawa nila sa kanya ang anumang kanilang naibigan. Gayundin naman ang Anak ng Tao ay malapit nang magdusa sa kanila.”
13 Naunawaan nga ng mga alagad na si Juan na Tagapagbautismo ang sinasabi niya sa kanila.
Read full chapter