Add parallel Print Page Options

Katuruan tungkol sa Pananalangin(A)

“Kapag(B) nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagkunwari. Mahilig silang manalanging nakatayo sa mga sinagoga at sa mga kanto upang makita ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Ama na hindi mo nakikita, at ang iyong Ama na nakakakita ng ginagawa mo nang lihim ang siyang magbibigay sa iyo ng gantimpala.

“Sa(C) pananalangin ninyo'y huwag kayong gagamit ng maraming salitang walang kabuluhan, gaya ng ginagawa ng mga Hentil. Ang akala nila'y papakinggan sila ng Diyos dahil sa haba ng kanilang sinasabi. Huwag ninyo silang tutularan. Alam na ng inyong Ama na nasa langit ang inyong kailangan bago pa ninyo ito hingin sa kanya. Ganito kayo mananalangin,

‘Ama naming nasa langit,
    sambahin nawa ang iyong pangalan.
10     Dumating nawa ang iyong kaharian.[a]
    Masunod nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit.
11     Bigyan mo kami ng aming pagkain sa araw-araw;[b]
12     at patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin.
13     At huwag mo kaming hayaang matukso, kundi iligtas mo kami sa Masama! [Sapagkat iyo ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailanman! Amen.]’[c]

Read full chapter

Footnotes

  1. Mateo 6:10 Dumating nawa ang iyong kaharian: o kaya'y Nawa'y maghari ka sa amin .
  2. Mateo 6:11 pagkain sa araw-araw: o kaya'y kakainin para bukas .
  3. Mateo 6:13 Sapagkat iyo ang kaharian...Amen: Sa ibang manuskrito’y hindi nakasulat ang mga salitang ito.