Add parallel Print Page Options

Ang Pagtulong sa Nangangailangan

Mag-ingat kayo na huwag gawing pakitang-tao lamang ang inyong pamamahagi sa mga kahabag-habag. Kung magkagayon ay hindi kayo tatanggap ng gantimpala sa inyong Ama sa langit.

Kaya nga, kapag ikaw ay namamahagi sa mga kahabag-habag, huwag mong hipan ang trumpeta na nasa harap mo, gaya ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw sa mga sinagoga at sa mga daan. Ginagawa nila ito upang sila ay luwalhatiin ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Kung mamahagi ka sa mga kahabag-habag, huwag mo nang ipaalam sa iyong kaliwang kamay kung ano ang ginagawa ng iyong kanang kamay. Sa gayon, maililihim ang iyong pamamahagi sa mga kahabag-habag. Ang iyong Ama na nakakakita sa lihim ay magbibigay ng gantimpala sa iyo nang hayagan.

Nagturo si Jesus Patungkol sa Pananalangin

Kapag ikaw ay mananalangin, huwag mong tularan ang mga mapagpaimbabaw. Ito ay sapagkat gustong-gusto nilang manalangin habang nakatayo sa mga sinagoga at sa mga panulukang-daan upang makita sila ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.

Ngunit kung ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid. Kapag naisara mo na ang pinto, manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim. Ang iyong Ama na nakakakita sa lihim ang magbibigay sa iyo ng gantimpala nang hayagan. Ngunit kapag ikaw ay mananalangin, huwag mong gamitin ang mga walang kabuluhang paulit-ulit na mga panalangin gaya ng ginagawa ng mga Gentil. Ito ay sapagkat nananalangin sila nang paulit-ulit dahil sa kanilang palagay ay diringgin sila sa dami ng kanilang salita. Huwag ninyo silang tularan sapagkat alam na ng inyong Ama ang mga bagay na inyong kinakailangan bago pa man kayo humingi sa kaniya.

Manalangin kayo sa ganitong paraan:

Ama namin na nasa langit, pakabanalin ang pangalan mo.

10 Dumating nawa ang paghahari mo. Mangyari nawa ang kalooban mo dito sa lupa gaya ng sa langit. 11 Ibigay mo sa amin ngayon ang aming kakanin sa araw-araw. 12 Pata­warin mo kami sa aming pagkakautang, gaya naman ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang sa amin. 13 Huwag mo kaming dalhin sa tukso, sa halip iligtas mo kami sa masama, sapagkat iyo ang paghahari, ang kapang­yarihan, at ang kaluwalhatian magpakailanman. Siya nawa.

14 Ito ay sapagkat kung patawarin ninyo ang mga tao sa kanilang pagsalangsang, patatawarin din kayo ng inyong Ama na nasa langit. 15 Ngunit kung hindi ninyo patawarin ang mga tao sa kanilang mga pagsalangsang, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama sa inyong pagsalangsang.

Ang Pag-aayuno

16 Kapag kayo ay mag-aayuno, huwag ninyong tularan ang mga mapagpaimbabaw na pinapalungkot ang kanilang mukha. Ito ay sapagkat pinasasama nila ang anyo ng kanilang mga mukha upang makita ng mga tao na sila ay nag-aayuno. Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.

17 Ngunit kung mag-aayuno ka, langisan mo ang iyong ulo at maghilamos ka ng iyong mukha. 18 Sa ganoon, hindi makikita ng mga tao na nag-aayuno ka kundi ng iyong Ama na nasa lihim. Ang iyong Ama na nakakakita sa lihim ang magbibigay sa iyo ng gantimpala nang hayagan.

Read full chapter