Mateo 6
Ang Salita ng Diyos
Ang Pagtulong sa Nangangailangan
6 Mag-ingat kayo na huwag gawing pakitang-tao lamang ang inyong pamamahagi sa mga kahabag-habag. Kung magkagayon ay hindi kayo tatanggap ng gantimpala sa inyong Ama sa langit.
2 Kaya nga, kapag ikaw ay namamahagi sa mga kahabag-habag, huwag mong hipan ang trumpeta na nasa harap mo, gaya ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw sa mga sinagoga at sa mga daan. Ginagawa nila ito upang sila ay luwalhatiin ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 3 Kung mamahagi ka sa mga kahabag-habag, huwag mo nang ipaalam sa iyong kaliwang kamay kung ano ang ginagawa ng iyong kanang kamay. 4 Sa gayon, maililihim ang iyong pamamahagi sa mga kahabag-habag. Ang iyong Ama na nakakakita sa lihim ay magbibigay ng gantimpala sa iyo nang hayagan.
Nagturo si Jesus Patungkol sa Pananalangin
5 Kapag ikaw ay mananalangin, huwag mong tularan ang mga mapagpaimbabaw. Ito ay sapagkat gustong-gusto nilang manalangin habang nakatayo sa mga sinagoga at sa mga panulukang-daan upang makita sila ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.
6 Ngunit kung ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid. Kapag naisara mo na ang pinto, manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim. Ang iyong Ama na nakakakita sa lihim ang magbibigay sa iyo ng gantimpala nang hayagan. 7 Ngunit kapag ikaw ay mananalangin, huwag mong gamitin ang mga walang kabuluhang paulit-ulit na mga panalangin gaya ng ginagawa ng mga Gentil. Ito ay sapagkat nananalangin sila nang paulit-ulit dahil sa kanilang palagay ay diringgin sila sa dami ng kanilang salita. 8 Huwag ninyo silang tularan sapagkat alam na ng inyong Ama ang mga bagay na inyong kinakailangan bago pa man kayo humingi sa kaniya.
9 Manalangin kayo sa ganitong paraan:
Ama namin na nasa langit, pakabanalin ang pangalan mo.
10 Dumating nawa ang paghahari mo. Mangyari nawa ang kalooban mo dito sa lupa gaya ng sa langit. 11 Ibigay mo sa amin ngayon ang aming kakanin sa araw-araw. 12 Patawarin mo kami sa aming pagkakautang, gaya naman ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang sa amin. 13 Huwag mo kaming dalhin sa tukso, sa halip iligtas mo kami sa masama, sapagkat iyo ang paghahari, ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian magpakailanman. Siya nawa.
14 Ito ay sapagkat kung patawarin ninyo ang mga tao sa kanilang pagsalangsang, patatawarin din kayo ng inyong Ama na nasa langit. 15 Ngunit kung hindi ninyo patawarin ang mga tao sa kanilang mga pagsalangsang, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama sa inyong pagsalangsang.
Ang Pag-aayuno
16 Kapag kayo ay mag-aayuno, huwag ninyong tularan ang mga mapagpaimbabaw na pinapalungkot ang kanilang mukha. Ito ay sapagkat pinasasama nila ang anyo ng kanilang mga mukha upang makita ng mga tao na sila ay nag-aayuno. Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.
17 Ngunit kung mag-aayuno ka, langisan mo ang iyong ulo at maghilamos ka ng iyong mukha. 18 Sa ganoon, hindi makikita ng mga tao na nag-aayuno ka kundi ng iyong Ama na nasa lihim. Ang iyong Ama na nakakakita sa lihim ang magbibigay sa iyo ng gantimpala nang hayagan.
Ang Kayamanan sa Langit
19 Huwag kayong mag-ipon para sa inyong sarili ng kayamanan dito sa lupa na kung saan maraming tanga at kalawang ang naninira. Nanakawin din ang mga ito ng mga magnanakaw.
20 Sa halip, mag-ipon kayo ng kayamanan sa langit dahil doon ay walang tanga at kalawang na sisira, at wala ring mga magnanakaw. 21 Ito ay sapagkat kung saan naroroon ang inyong kayamanan ay naroroon din naman ang inyong puso.
22 Ang mata ang ilawan ng katawan. Kaya nga, kapag malinaw ang iyong mata, mapupuno ng liwanag ang iyong buong katawan. 23 Ngunit kapag masama ang iyong mata, mapupuno ng dilim ang iyong buong katawan.
24 Walang taong makapaglilingkod sa dalawang panginoon sapagkat maaaring kapootan niya ang isa at ibigin ang ikalawa. Maaaring maging tapat siya sa isa at pawalang-halaga ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa kayamanan.
Huwag Mabalisa
25 Dahil dito, sinasabi ko sa inyo: Huwag kayong mabalisa sa inyong buhay kung ano ang inyong kakainin, o iinumin, o kung ano ang inyong daramtin. Hindi ba ang buhay ay higit pa sa pagkain at ang katawan ay higit pa sa damit?
26 Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid. Hindi sila naghahasik, ni gumagapas, ni nag-iipon sa mga bangan, ngunit pinakakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba lalo kayong higit na mahalaga kaysa sa kanila? 27 Sino sa inyo na sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa kaniyang tangkad?
28 Bakit kayo nababalisa patungkol sa damit? Masdan ninyo ang mga liryo sa parang kung paano sila lumalaki. Hindi sila gumagawa, ni humahabi man. 29 Ngunit sinasabi ko sa inyo: Kahit si Solomon, sa lahat ng kaniyang kaluwalhatian, ay hindi nakapaggayak katulad ng isa sa mga ito. 30 Dinaramtan ng Diyos ang damo sa parang, na ngayon ay buhay at bukas ay susunugin. Kung dinaramtan niya ang damo sa ganoong paraan, hindi ba niya kayo daramtan, kayong maliliit ang pananampalataya? 31 Kaya nga, huwag kayong mabalisa at inyong sasabihin: Ano ang aming kakainin, ano ang aming iinumin at ano ang aming daramtin? 32 Ang mga bagay na ito ay mahigpit na hinahangad ng mga Gentil. Alam ng inyong Ama na nasa langit na kinakailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito. 33 Ngunit hanapin muna ninyo ang paghahari ng Diyos at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo. 34 Huwag nga kayong mabalisa patungkol sa kinabukasan sapagkat ang kinabukasan ang mababalisa sa kaniyang sarili. Sapat na sa bawat araw ang kasamaan nito.
Mateo 7
Ang Salita ng Diyos
Huwag Hahatol sa Kapwa
7 Huwag kayong hahatol upang hindi kayo hatulan.
2 Ito ay sapagkat sa hatol na inyong ihahatol ay hahatulan kayo. Sa sukat na inyong ipinanukat ay isusukat sa inyo.
3 Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? Ngunit hindi mo tinitingnan ang troso na nasa iyong mata. 4 Narito, papaano mo sabihin sa iyong kapatid: Payagan mong alisin ko ang puwing sa iyong mata. At narito, isang troso ang nasa mata mo. 5 Ikaw na mapagpaimbabaw. Alisin mo muna ang troso sa iyong mata. Kung magkagayon, makikita mong malinaw ang pag-aalis ng puwing sa mata ng iyong kapatid.
6 Huwag ninyong ibigay sa aso ang anumang banal. Huwag ninyong ihagis ang inyong mga perlas sa mga baboy. Kung gayon, yuyurakan lang nila ito at muling babalik at lalapain kayo.
Humingi, Maghanap, Kumatok
7 Humingi kayo at ito ay ibibigay sa inyo. Maghanap kayo at makakasumpong kayo. Kumatok kayo at ito ay bubuksan sa inyo.
8 Ito ay sapagkat ang bawat isang humihingi ay tumatanggap. Siya na naghahanap ay nakakasumpong. Ang kumakatok ay pinagbubuksan.
9 Sino kaya sa inyo ang magbibigay ng isang bato sa kaniyang anak kung ito ay humingi ng tinapay? 10 Kung humingi siya sa kaniya ng isda, bibigyan ba niya ito ng ahas? 11 Kayo, bagaman masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit? Hindi ba niya ibibigay ang mabubuting bagay sa kanila na humihingi sa kaniya? 12 Kaya nga, ang lahat ng bagay na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo ay gayundin ang gawin ninyo sa kanila sapagkat ito ang kabuuan ng Kautusan at ng mga Propeta.
Ang Makipot at ang Maluwang na Daan
13 Pumasok kayo sa makipot na tarangkahan sapagkat ang maluwang na tarangkahan at malapad na daan ay patungo sa kapahamakan. Marami ang patungo roon.
14 Subalit ang makipot na tarangkahan at makitid na daan ay patungo sa buhay. Kakaunti ang mga nakakasumpong nito.
Ang Puno at ang Bunga Nito
15 Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta. Lumalapit sila sa inyo na nagdaramit-tupa, ngunit sa loob ay mababangis na lobo.
16 Makikilala ninyo sila nang lubos sa pamamagitan ng kanilang mga bunga. Ang mga tao ba ay makakapitas ng mga ubas sa tinikan o ng mga igos sa dawagan? 17 Maging ang bawat mabuting punong-kahoy ay nagbubunga ng mabuti. Ngunit ang isang masamang punong-kahoy ay nagbubunga ng masama. 18 Ang isang mabuting punong-kahoy ay hindi makapagbubunga ng masama, ni ang masamang punong-kahoy ay makapagbubunga ng mabuti. 19 Ang bawat punong-kahoy na hindi nagbubunga ng mabuti ay pinuputol at inihahagis sa apoy. 20 Kaya nga, sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila.
21 Hindi ang bawat isa na nagsasabi sa akin: Panginoon, Panginoon, ay makakapasok sa paghahari ng langit, kundi ang gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa langit. 22 Sa araw na iyon ay marami ang magsasabi sa akin: Panginoon, Panginoon, hindi ba sa iyong pangalan ay naghayag kami ng salita katulad ng mga propeta, at sa iyong pangalan ay nagpalayas kami ng mga demonyo, at sa iyong pangalan ay gumawa kami ng maraming himala? 23 Pagkatapos nito ay ipahahayag ko sa kanila: Hindi ko kayo nakikilala. Lumayo kayo sa akin, kayong hindi kumikilala sa kautusan ng Diyos.
Ang Matalino at Mangmang na Tagapagpatayo
24 Kaya nga, ang sinumang dumirinig sa mga pananalita kong ito at isinasagawa ang mga ito, ay maihahalintulad ko sa isang lalaking matalino na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng bato.
25 Bumuhos ang ulan at bumaha. Umihip ang malakas na hangin at hinampas ang bahay na iyon, ngunit hindi bumagsak. Ito ay sapagkat itinayo niya iyon sa ibabaw ng bato. 26 Ang bawat isa na dumirinig ng mga pananalita kong ito at hindi isinasagawa ay maihahalintulad ko sa isang lalaking mangmang na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng buhanginan. 27 Bumuhos ang ulan at bumaha. Umihip ang malakas na hangin at hinampas ang bahay na iyon. Bumagsak ito at lubusang nawasak.
28 Nangyari nga, nang matapos na ni Jesus ang mga pananalitang ito, ang mga tao ay nanggilalas sa kaniyang turo. 29 Ito ay sapagkat siya ay nagturo sa kanila tulad ng may kapamahalaan at hindi tulad ng mga guro ng kautusan.
Copyright © 1998 by Bibles International