Mateo 5:27-48
Ang Salita ng Diyos
Ang Sanhi ng Pagkakasala
27 Narinig ninyong sinabi nila noong unang panahon: Huwag kang mangalunya.
28 Ngunit sinasabi ko sa inyo: Ang sinumang tumingin sa isang babae na may masamang pagnanasa sa kaniya ay nagkakasala na ng pangangalunya sa kaniyang puso. 29 Kaya nga, kapag ang iyong kanang mata ay makapagpatisod sa iyo, dukitin mo ito at itapon. Makabubuti pa na mawala ang isa sa mga sangkap ng iyong katawan kaysa mabulid sa impiyerno ang iyong buong katawan. 30 Kapag ang iyong kanang kamay ay makapagpatisod sa iyo, putulin mo ito at iyong itapon. Makabubuti pa na wala ang isa sa mga sangkap ng iyong katawan kaysa mabulid sa impiyerno ang iyong buong katawan.
Ang Paghihiwalay
31 Sinabi rin naman: Ang sinumang lalaking magpalayas sa kaniyang asawa ay bigyan niya siya ng kasulatan ng paghihiwalay.
32 Ngunit sinasabi ko sa inyo: Ang sinumang lalaking magpalayas sa kaniyang asawa, maliban na lamang sa dahilan ng pakikiapid, ay nagtutulak sa kaniya upang mangalunya. At sinumang magpakasal sa babaeng hiniwalayan ay nagkakasala ng kasalanang sekswal.
Ang Panunumpa
33 Narinig ninyong muli na sinabi nila noong unang panahon: Huwag kang manumpa nang walang katotohanan kundi tutuparin mo ang mga sinumpaan mo sa Panginoon.
34 Ngunit sinasabi ko sa inyo: Huwag kang mangako ng anuman, ni sa ngalan ng langit sapagkat ito ay trono ng Diyos. 35 Kahit ang lupa ay huwag mong ipanumpa sapagkat ito ang tuntungan ng kaniyang mga paa. Kahit ang Jerusalem man ay huwag mong ipanumpa sapagkat ito ang lungsod ng Dakilang Hari. 36 Kahit man ang ulo mo ay huwag mong ipangako sapagkat kahit isa mang buhok nito ay hindi mo mapapaputi o mapapaitim. 37 Dapat lang na ang pananalita ninyo ay oo kung oo, at hindi kung hindi. Subalit anuman ang hihigit pa rito ay nanggagaling na sa masama.
Mata sa Mata
38 Narinig ninyong sinabi: Mata sa mata at ngipin sa ngipin.
39 Ngunit sinasabi ko sa inyo: Huwag ninyong kalabanin ang masamang tao. Ngunit ang sinumang sumampal sa iyo sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kaniya ang kabila. 40 Kung may ibig magsakdal sa iyo at kunin ang iyong damit, payagan mo na rin siyang kunin ang iyong balabal. 41 Sinumang pumilit sa iyo na lumakad ng higit sa isang kilometro, lumakad ka ng higit pa sa dalawang kilometro na kasama niya. 42 Bigyan mo ang humihingi sa iyo at huwag mong talikdan ang ibig humiram sa iyo.
Ibigin mo ang Iyong Kaaway
43 Narinig ninyong sinabi: Ibigin mo ang iyong kapwa at kapootan mo ang iyong kaaway.
44 Ngunit sinasabi ko sa inyo: Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway. Pagpalain ninyo angmga napopoot sa inyo. Gawan ninyo ng mabuti ang mga nagagalit sa inyo. Ipanalangin ninyo ang mga umaalipusta sa inyo at ang mga umuusig sa inyo. 45 Ito ay upang kayo ay magiging mga anak ng inyong Ama na nasa langit sapagkat pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga masama at sa mga mabuti. At binibigyan niya ng ulan ang mga matuwid at ang mga hindi matuwid. 46 Ito ay sapagkat kung ang iibigin lamang ninyo ay ang mga umiibig sa inyo, anong gantimpala ang inyong makakamit? Hindi ba ganyan din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis? 47 Kapag ang mga kapatid lamangninyo ang inyong babatiin, ano ang kahigitan ninyo sa iba? Hindi ba ganyan din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis? 48 Kaya nga, kayo ay magpakasakdal tulad ng inyong Ama na nasa langit ay sakdal.
Read full chapterCopyright © 1998 by Bibles International