Mateo 27:32-66
Ang Salita ng Diyos
Ipinako nila sa Krus si Jesus
32 Nang sila ay papunta na roon, nakita nila ang isang lalaking taga-Cerene na nagngangalang Simon. Isinama nila siya upang ipapasan sa kaniya ang krus.
33 Dumating sila sa isang dako na tinatawag na Golgota. Ang kahulugan nito ay Lugar ng mga Bungo. 34 Binigyan nila si Jesus ng maasim na alak na hinaluan ng apdo upang inumin. Nang matikman niya ito, ayaw niya itong inumin. 35 Nang maipako na nila siya, pinaghati-hatian nila ang kaniyang damit at sila ay nagpalabunutan. Ito ay upang matupad ang sinabi ng propeta na sinasabi: Pinaghati-hatian nila ang aking damit at nagpalabunutan sa aking kasuotan. 36 Sila ay naupo roon at binantayan siya. 37 Inilagay nila sa kaniyang ulunan ang paratang sa kaniya. Ito ang nakasulat: ITO SI JESUS ANG HARI NG MGA JUDIO. 38 Ipinakong kasama niya ang dalawang tulisan. Ang isa ay sa kaniyang gawing kanang kamay at ang isa ay sa kaniyang gawing kaliwang kamay. 39 Nilait siya ng mga dumaraan na iniiling ang kanilang mga ulo. 40 Sinasabi nila: Ikaw na magwawasak ng banal na dako at magtatayo nito sa loob ng tatlong araw, iligtas mo ang iyong sarili. Kung ikaw ang Anak ng Diyos, bumaba ka mula sa krus.
41 Sa gayunding paraan kinutya siya ng mga pinunong-saserdote kasama ng mga guro ng kautusan at ng mga matanda, na sinasabi: 42 Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya kayang iligtas ang kaniyang sarili. Kung siya ang hari ng Israel, bumaba siya mula sa krus at sasampalataya kami sa kaniya. 43 Nagtiwala siya sa Diyos. Magpaligtas siya sa kaniya, kung ililigtas siya sapagkat sinabi niya: Ako ay ang Anak ng Diyos. 44 Gayundin nilibak siya ng mga tulisang ipinakong kasama niya.
Si Jesus ay Namatay
45 Nagkaroon ng kadiliman sa buong lupa mula sa ika-anim na oras hanggang sa ika-siyam na oras.
46 Nang mag-iikasiyam na ang oras, si Jesus ay sumigaw nang may malakas na tinig. Sinabi niya: Eli, Eli, lama sabachthani? Ang ibig sabihin nito ay: Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?
47 Narinig siya ng ilan sa mga nakatayo roon. Sinabi nila: Tinatawag ng lalaking ito si Elias.
48 Ang isa sa kanila ay agad-agad na tumakbo at kumuha ng isang espongha. Inilubog niya ito sa maasim na alak at inilagay sa isang tambo upang ipainom sa kaniya. 49 Sinabi ng iba: Pabayaan mo siya. Tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya.
50 Muling sumigaw si Jesus na may malakas na tinig. Pagkatapos, ipinaubaya niya ang kaniyang espiritu.
51 Narito, ang telang tabing sa banal na dako ay napunit sa dalawa mula sa itaas pababa. Ang lupa ay nayanig at nabiyak ang mga bato. 52 Ang mga libingan ay nabuksan atmaraming katawan ng mga banal na namatay ang bumangon. 53 Pagkatapos niyang mabuhay muli, lumabas sila sa mga libingan at pumasok sa banal na lungsod. Nagpakita sila roon sa maraming tao.
54 Isang kapitan ang naroroon at kasama niya ang mga nagbabantay kay Jesus. Pagkakita nila sa lindol at sa mga bagay na nangyari, lubha silang natakot. Sinabi nila: Totoo ngang ito ang Anak ng Diyos.
55 Maraming mga babae roon ang nakamasid mula sa malayo.Sila yaong sumunod kay Jesus mula sa Galilea at naglingkod sa kaniya. 56 Kabilang sa kanila si Maria na taga-Magdala at si Maria na ina nina Santiago at Jose at ang ina ng mga anak ni Zebedeo.
Inilibing si Jesus
57 Nang gumabi na, dumating ang isang mayamang lalaki na taga-Arimatea. Siya ay si Jose na naging alagad ni Jesus.
58 Sa pagpunta niya kay Pilato ay hiningi niya ang katawan ni Jesus. Iniutos ni Pilato na ibigay ang katawan ni Jesus. 59 Pagkakuha ni Jose sa katawan ni Jesus, binalot niya iyon sa malinis na telang lino. 60 At inilagay niya iyon sa kaniyang bagong libingan na inuka niya sa malaking bato. Nang maipagulong na ang isang malaking bato tungo sa pintuan ng libingan ay umalis na siya. 61 Naroroon si Maria na taga-Magdala at ang isa pang Maria. Sila ay nakaupo sa harap libingan.
Ang mga Bantay ng Libingan
62 Kinabukasan ay ang araw pagkatapos ng paghahanda. Ang mga pinunong-saserdote at mga Fariseo ay nagtipun-tipon sa harap ni Pilato.
63 Sinabi nila: Ginoo, naala-ala namin ang sinabi ng mandarayang iyon nang nabubuhay pa siya. Sinabi niya: Pagkalipas ng tatlong araw, ako ay babangon. 64 Ipag-utos mo nga na bantayang maigi ang libingan hanggang sa ikatlong araw at baka sa gabi ay nakawin siya ng kaniyang mga alagad. At sabihin nila sa mga tao: Siya ay nabuhay mula sa mga patay. Kung magkakagayon, ang pandaraya ay magiging malala kaysa una.
65 Sinabi ni Pilato sa kanila: Mayroon kayong tagapagbantay. Humayo kayo at ipabantayang mahigpit ayon sa inyong kakayanan. 66 Sa pag-alis nila, tiniyak nila na nakasara na ang libingan at nilagyan ng selyo ang bato at ipinabantayan sa mga bantay.
Read full chapterCopyright © 1998 by Bibles International