Mateo 26:26-50
Ang Salita ng Diyos
26 Habang sila ay kumakain, kinuha ni Jesus ang tinapay. Pinagpala niya ito, pinagputul-putol at ibinigay sa kaniyang mga alagad. Sinabi niya: Kunin ninyo, kainin ninyo. Ito ang aking katawan.
27 Kinuha niya ang saro at nang makapagpasalamat, ibinigay niya ito sa kanila. Sinabi niya: Uminom kayong lahat. 28 Ito ay ang aking dugo ng bagong tipan. Nabuhos ito para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng marami. 29 Ngunit sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay hindi na ako iinom ng katas ng ubas hanggang sa maipanumbalik ko ang aking pag-inom nito sa paghahari ng aking Ama.
30 Pagkaawit ng isang himno, sila ay umalis patungo sa bundok ng mga Olibo.
Ipinagpauna ni Jesus ang Pagkakaila ni Pedro
31 Nang magkagayon, sinabi ni Jesus sa kanila: Kayong lahat ay matitisod dahil sa akin sa gabing ito sapagkat nasusulat:
Sasaktan ko ang pastol at mangangalat sa ibang dako ang mga tupa ng kawan.
32 Ngunit pagkatapos na ako ay ibinangon, mauuna ako sa inyo sa Galilea.
33 Sumagot si Pedro sa kaniya:Kung ang lahat ay matitisod dahil sa iyo, ako ay hindi matitisod.
34 Sinabi ni Jesus sa kaniya:Katotohanang sinasabi ko sa iyo, na sa gabing iyon, bago tumilaok ang tandang ay tatlong ulit mo akong ipagkakaila.
35 Sinabi ni Pedro sa kaniya:Kung kinakailangang ako ay mamatay na kasama mo, kailanman ay hindi kita ipagkakaila. Gayundin ang sinabi ng lahat ng mga alagad.
Nanalangin si Jesus sa Bundok ng mga Olibo
36 Nang magkagayon pumunta si Jesus sa isang dako na tinatawag na Getsemane kasama ang kaniyang mga alagad. Sinabi niya: Maupo kayo rito, pupunta ako sa dako roon upang manalangin.
37 Isinama niya sina Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. Siya ay nagsimulang nalumbay at lubos na nabagabag. 38 Sinabi niya sa kanila: Lubhang namimighati ang aking kaluluwa maging sa kamatayan. Manatili kayo rito at magbantay na kasama ko.
39 Pumunta siya sa di kalayuan at nagpatirapa siya at nanalangin. Sinabi niya: Aking Ama, kung maaari, lumampas nawa sa akin ang sarong ito. Gayunman, hindi ang aking kalooban kundi ang sa iyo.
40 Pumunta siya sa mga alagad at nasumpungan niya silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro: Hindi ba ninyo kayang magbantay ng isang oras na kasama ko? 41 Magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong mapasok sa tukso. Ang espiritu nga ay nagnanais ngunit ang katawan ay mahina.
42 Sa pangalawang pagkakataon, muli siyang umalis upang manalangin. Sinabi niya: Ama, kung ang sarong ito ay hindi makakalampas malibang ito ay aking inumin, mangyari ang kalooban mo.
43 Pagbalik niya, nasumpungan niya silang muling natutulog sapagkat lubha na silang inantok. 44 Iniwan niya silang muli at nanalangin sa ikatlong pagkakataon. Sinabi niyang muli ang gayong panalangin.
45 Pagkatapos ay pumunta siya sa kaniyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila: Matulog na kayo at magpahinga. Narito, malapit na ang oras at ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo na sa mga makasalanan. 46 Bumangon kayo at lalakad na tayo. Narito, siya na magkakanulo sa akin ay malapit na.
Dinakip nila si Jesus
47 Habang siya ay nagsasalita pa, narito, si Judas na isa sa labindalawa ay dumating. Kasama niya ang napakaraming tao na may mga tabak at mga pamalo. Sila ay mula sa mga pinunong-saserdote at mga matanda sa mga tao.
48 Siya na magkakanulo ay nagbigay sa kanila ng isang tanda. Sinabi niya: Ang sinumang halikan ko, siya iyon. Dakpin ninyo siya. 49 Kaagad, siya ay lumapit kay Jesus.Sinabi niya: Bumabati, Guro! Pagkatapos ay hinalikan niya si Jesus.
50 Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya: Kaibigan, anong dahilan ng pagparito mo?
Lumapit sila sa kaniya, hinawakan ang kaniyang mga kamay at siya ay dinakip.
Read full chapterCopyright © 1998 by Bibles International