Mateo 25:14-40
Ang Salita ng Diyos
Ang Talinghaga Patungkol sa Talento
14 Ito ay katulad din sa isang lalaking papaalis ng bansa. Tinawag niya ang kaniyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kaniyang mga ari-arian.
15 Ibinigay niya sa isang alipin ang limang talento, sa isa pang alipin ay dalawang talento at sa isa pang alipin ay isang talento. Binigyan niya ang bawat isa ayon sa kani-kaniyang kakayanan. Siya ay umalis agad ng bansa. 16 Siya na nakatanggap ng limang talento ay nangalakal at tumubo ng lima pang talento. 17 Gayundin ang nakatanggap ng dalawang talento, siya ay tumubo ng dalawa pa. 18 Ngunit siya na nakatanggap ng isang talento ay umalis. Siya ay naghukay sa lupa at itinago ang salapi ng kaniyang panginoon.
19 Pagkatapos ng mahabang panahon, dumating ang Panginoon ng mga aliping iyon at sila ay nagbigay-sulit sa kaniya. 20 Dumating ang nakatanggap ng limang talento at nagdala siya ng lima pang talento. Sinabi niya: Panginoon, ipinagkatiwala mo sa akin ang limang talento. Narito, bukod dito ay tumubo pa ako ng lima.
21 Sinabi ng kaniyang panginoon sa kaniya: Magaling ang iyong ginawa. Ikaw ay mabuti at tapat na alipin. Naging tapat ka sa kakaunting bagay. Pamamahalain kita sa maraming mga bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.
22 Dumating din ang nakatanggap ng dalawang talento. Sinabi niya: Ipinagkatiwala mo sa akin ang dalawang talento. Tingnan mo, bukod dito ay tumubo pa ako ng dalawa.
23 Sinabi ng kaniyang panginoon sa kaniya: Magaling ang iyong ginawa. Ikaw ay mabuti at tapat na alipin. Naging tapat ka sa kakaunting bagay. Pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.
24 Dumating din ang nakatanggap ng isang talento. Sinabi niya: Panginoon, kilala kita na ikaw ay isang malupit na tao. Umaani ka sa hindi mo inihasik at nagtitipon sa hindi mo ikinalat. 25 Dahil sa takot, ako ay umalis at itinago ang iyong talento sa lupa. Narito ang para sa iyo.
26 Sumagot ang kaniyang panginoon: Ikaw ay masama at tamad na alipin! Nalalaman mo na ako ay umaani sa hindi ko inihasik at nagtitipon sa hindi ko ikinalat. 27 Nararapat sana na inilagay mo ang aking salapi sa mga mamamalit ng salapi.At sa aking pagdating ay tatanggapin ko ang aking salapi na may tubo.
28 Kunin nga sa kaniya ang talento at ibigay sa kaniya na may sampung talento. 29 Ito ay sapagkat ang bawat mayroon ay bibigyan at siya ay tatanggap ng sagana.Ngunit sa kaniya na wala, maging ang nasa kaniya ay kukunin sa kaniya. 30 Ang walang silbing alipin ay itatapon sa kadiliman sa labas. Doon ay may pananangis at pagngangalit ng mga ngipin.
Ang mga Tupa at ang mga Kambing
31 Darating ang Anak ng Tao sa kaniyang kaluwalhatian kasama ng mga banal na anghel. Kapag siya ay dumating, siya ay uupo sa trono ng kaniyang kaluwalhatian.
32 Titipunin niya ang lahat ng mga bansa sa kaniyang harapan. Ihihiwalay niya sila sa isa’t isa katulad ng paghihiwalay ng pastol sa mga tupa mula sa mga kambing. 33 Itatalaga niya ang mga tupa sa kaniyang kanang kamay, ngunit ang mga kambing ay sa kaniyang kaliwa.
34 Pagkatapos ay sasabihin ng hari sa mga nasa kaniyang kanang kamay: Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama. Manahin ninyo ang paghaharing inihanda sa inyo mula pa nang itatag ang sanlibutan. 35 Ito ay sapagkat nagutom ako at binigyan ninyo ako ng makakain. Nauhaw ako at binigyan ninyo ako ng maiiinom. Ako ay naging taga-ibang bayan at ako ay inyong pinatuloy. 36 Ako ay naging hubad at dinamitan ninyo. Nagkasakit ako at ako ay inyong dinalaw. Nabilanggo ako at ako ay inyong pinuntahan.
37 Sasagot naman ang mga matuwid sa kaniya: Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom at pinakain ka namin o nauhaw at binigyan ng maiinom? 38 Kailan ka namin nakitang naging taga-ibang bayan at pinatuloy ka o naging hubad at dinamitan ka namin? 39 Kailan ka namin nakitang nagkasakit o nabilanggo at dumalaw kami sa iyo?
40 Sasagot ang hari sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Anuman ang ginawa ninyo sa isa sa pinakamaliit na kapatid ko, ginawa ninyo ito sa akin.
Read full chapterCopyright © 1998 by Bibles International