Add parallel Print Page Options

19 At nangyari na nang matapos ni Jesus ang mga salitang ito, ay umalis siya sa Galilea at napasa mga hangganan ng Judea sa dako pa roon ng Jordan;

At nagsisunod sa kaniya ang lubhang maraming tao, at sila'y pinagaling niya doon.

At nagsilapit sa kaniya ang mga Fariseo, na siya'y tinutukso nila, at kanilang sinasabi, Naaayon baga sa kautusan na ihiwalay ng isang lalake ang kaniyang asawa sa bawa't kadahilanan?

At siya'y sumagot at sinabi, Hindi baga ninyo nabasa, na ang lumalang sa kanila buhat sa pasimula, ay sila'y nilalang niya na lalake at babae,

At sinabi, Dahil dito'y iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ina, at makikisama sa kaniyang asawa; at ang dalawa ay magiging isang laman?

Kaya nga hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Ang pinapagsama nga ng Dios, ay huwag papaghiwalayin ng tao.

Sinabi nila sa kaniya, Bakit nga ipinagutos ni Moises na magbigay ng kasulatan sa paghihiwalay, at ihiwalay ang babae?

Sinabi niya sa kanila, Dahil sa katigasan ng inyong puso ay ipinaubaya sa inyo ni Moises na inyong hiwalayan ang inyong mga asawa: datapuwa't buhat sa pasimula ay hindi gayon.

At sinasabi ko sa inyo, Sinomang ihiwalay ang kaniyang asawang babae, liban na kung sa pakikiapid, at magasawa sa iba, ay nagkakasala ng pangangalunya: at ang magasawa sa babaing yaon na hiniwalayan ay nagkakasala ng pangangalunya.

10 Ang mga alagad ay nangagsasabi sa kaniya, Kung ganyan ang kalagayan ng lalake sa kaniyang asawa, ay hindi nararapat magasawa.

11 Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Hindi matatanggap ng lahat ng mga tao ang pananalitang ito, kundi niyaong mga pinagkalooban.

12 Sapagka't may mga bating, na ipinanganak na gayon mula sa tiyan ng kanilang mga ina: at may mga bating, na ginagawang bating ng mga tao: at may mga bating, na nangagpapakabating sa kanilang sarili dahil sa kaharian ng langit. Ang makakatanggap nito, ay pabayaang tumanggap.

13 Nang magkagayon ay dinala sa kaniya ang maliliit na bata, upang ipatong niya ang kaniyang mga kamay sa kanila, at ipanalangin: at sinaway sila ng mga alagad.

14 Datapuwa't sinabi ni Jesus, Pabayaan ninyo ang maliliit na bata, at huwag ninyong pagbawalan silang magsilapit sa akin: sapagka't sa mga ganito ang kaharian ng langit.

15 At ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa kanila, at umalis doon.

16 At narito, lumapit sa kaniya ang isa, at nagsabi, Guro, ano ang mabuting bagay na gagawin ko upang ako'y magkaroon ng buhay na walang hanggan?

17 At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa mabuti? May isa, na siyang mabuti: datapuwa't kung ibig mong pumasok sa buhay, ingatan mo ang mga utos.

18 Sinabi niya sa kaniya, Alin-alin? At sinabi ni Jesus, Huwag kang papatay, Huwag kang mangangalunya, Huwag kang magnanakaw, Huwag sasaksi sa di katotohanan,

19 Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.

20 Sinabi sa kaniya ng binata, Ang lahat ng mga bagay na ito ay ginanap ko: ano pa ang kulang sa akin?

21 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Kung ibig mong maging sakdal, humayo ka, ipagbili mo ang tinatangkilik mo, at ibigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin.

22 Datapuwa't nang marinig ng binata ang ganitong pananalita, ay yumaon siyang namamanglaw; sapagka't siya'y isang may maraming pag-aari.

23 At sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Mahirap na makapasok ang isang taong mayaman sa kaharian ng langit.

24 At muling sinasabi ko sa inyo, Magaan pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom, kay sa isang taong mayaman ang pumasok sa kaharian ng Dios.

25 At nang marinig ito ng mga alagad, ay lubhang nangagtaka, na nagsisipagsabi, Sino nga kaya ang makaliligtas?

26 At pagtingin ni Jesus ay sinabi sa kanila, Hindi mangyayari ito sa mga tao; datapuwa't sa Dios ang lahat ng mga bagay ay mangyayari.

27 Nang magkagayo'y sumagot si Pedro at sinabi sa kaniya, Narito, iniwan namin ang lahat, at nagsisunod sa iyo: ano nga baga ang kakamtin namin?

28 At sinabi ni Jesus sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kayong nagsisunod sa akin, sa pagbabagong lahi pagka uupo na ang Anak ng tao sa luklukan ng kaniyang kaluwalhatian, kayo nama'y magsisiupo sa labingdalawang luklukan, upang magsihukom sa labingdalawang angkan ng Israel.

29 At ang bawa't magiwan ng mga bahay, o mga kapatid na lalake, o mga kapatid na babae, o ama, o ina, o mga anak, o mga lupa, dahil sa aking pangalan, ay tatanggap ng tigisang daan, at magsisipagmana ng walang hanggang buhay.

30 Datapuwa't maraming mga una na mangahuhuli; at mga huli na mangauuna.

20 Sapagka't ang kaharian ng langit ay tulad sa isang tao na puno ng sangbahayan, na lumabas pagkaumagang-umaga, upang umupa ng manggagawa sa kaniyang ubasan.

At nang makipagkasundo na siya sa mga manggagawa sa isang denario sa bawa't araw, ay isinugo niya sila sa kaniyang ubasan.

At siya'y lumabas nang malapit na ang ikatlong oras, at nakita ang mga iba sa pamilihan na nangakatayong walang ginagawa;

At sinabi niya sa kanila, Magsiparoon din naman kayo sa ubasan, at bibigyan ko kayo ng nasa katuwiran. At nagsiyaon ng kanilang lakad sa ubasan.

Lumabas siyang muli nang malapit na ang mga oras na ikaanim at ikasiyam, at gayon din ang ginawa.

At lumabas siya nang malapit na ang ikalabingisang oras at nakasumpong siya ng mga iba na nangakatayo; at sinabi niya sa kanila, Bakit kayo'y nangakatayo rito sa buong maghapon na walang ginagawa?

At sinabi nila sa kaniya, Sapagka't sinoma'y walang umupa sa amin. Sinabi niya sa kanila, Magsiparito din naman kayo sa ubasan.

At nang dumating ang hapon, sinabi ng panginoon ng ubasan sa kaniyang katiwala, Tawagin mo ang mga manggagawa, at bayaran mo sila ng kaupahan sa kanila, na mula sa mga huli hanggang sa mga una.

At paglapit ng mga inupahan nang malapit na ang ikalabingisang oras ay tumanggap bawa't tao ng isang denario.

10 At nang magsilapit ang mga nauna, ang isip nila'y magsisitanggap sila ng higit; at sila'y nagsitanggap din bawa't tao ng isang denario.

11 At nang kanilang tanggapin ay nangagbulongbulong laban sa puno ng sangbahayan,

12 Na nangagsasabi, Isa lamang oras ang ginugol nitong mga huli, sila'y ipinantay mo sa amin, na aming binata ang hirap sa maghapon at ang init na nakasusunog.

13 Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi sa isa sa kanila, Kaibigan, hindi kita iniiring: hindi baga nakipagkayari ka sa akin sa isang denario?

14 Kunin mo ang ganang iyo, at humayo ka sa iyong lakad; ibig kong bigyan itong huli, nang gaya rin sa iyo.

15 Hindi baga matuwid sa aking gawin ang ibig ko sa aking pag-aari? o masama ang mata mo, sapagka't ako'y mabuti?

16 Kaya't ang mga una'y mangahuhuli, at ang mga huli ay mangauuna.

17 Samantalang umaahon si Jesus, ay bukod niyang isinama ang labingdalawang alagad, at sa daa'y sinabi niya sa kanila,

18 Narito, nagsisiahon tayo sa Jerusalem; at ibibigay ang Anak ng tao sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba; at kanilang hahatulang siya'y patayin,

19 At ibibigay siya sa mga Gentil upang siya'y kanilang alimurahin, at hampasin, at ipako sa krus: at sa ikatlong araw siya'y ibabangon.

20 Nang magkagayo'y lumapit sa kaniya ang ina ng mga anak na lalake ni Zebedeo, na kasama ang kaniyang mga anak na lalake na siya'y sinamba, at may hinihinging isang bagay sa kaniya.

21 At sinabi niya sa kaniya, Ano ang ibig mo? Sinabi niya sa kaniya, Ipagutos mo na itong aking dalawang anak ay magsiupo, ang isa sa iyong kanan, at ang isa sa iyong kaliwa, sa iyong kaharian.

22 Nguni't sumagot si Jesus at sinabi, Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Mangyayari bagang inuman ninyo ang sarong malapit nang aking iinuman? Sa kaniya'y sinabi nila, Mangyayari.

23 Sinabi niya sa kanila, Katotohanang iinuman ninyo ang aking saro: datapuwa't ang maupo sa aking kanan, at sa aking kaliwa, ay hindi sa akin ang pagbibigay; datapuwa't yaon ay para sa kanila na mga pinaghandaan ng aking Ama.

24 At nang marinig ito ng sangpu, ay nangagalit laban sa dalawang magkapatid.

25 Datapuwa't sila'y pinalapit ni Jesus sa kaniya, at sinabi, Nalaman ninyo na ang mga pinuno ng mga Gentil ay nangapapapanginoon sa kanila, at ang kanilang mga dakila ay nagsisigamit ng kapamahalaan sa kanila.

26 Sa inyo'y hindi magkakagayon: kundi ang sinomang magibig na dumakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo;

27 At sinomang magibig na maging una sa inyo ay magiging alipin ninyo:

28 Gayon din naman ang Anak ng tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ibigay ang kaniyang buhay na pangtubos sa marami.

29 At nang sila'y magsialis sa Jerico, ay sumunod sa kaniya ang lubhang maraming tao.

30 At narito, ang dalawang lalaking bulag na nangakaupo sa tabi ng daan, pagkarinig nilang nagdaraan si Jesus, ay nangagsisigaw, na nagsisipagsabi, Panginoon, mahabag ka sa amin, ikaw na Anak ni David.

31 At pinagwikaan sila ng karamihan, upang sila'y magsitahimik: datapuwa't sila'y lalong nangagsisigaw, na nagsisipagsabi, Panginoon, mahabag ka sa amin, ikaw na Anak ni David.

32 At tumigil si Jesus, at sila'y tinawag, at sinabi, Ano ang ibig ninyong gawin ko sa inyo?

33 Sinabi nila sa kaniya, Panginoon, na mangadilat ang mga mata namin.

34 At si Jesus, sa pagkahabag, ay hinipo ang kanilang mga mata, at pagdaka'y nagsitanggap sila ng kanilang paningin; at nagsisunod sa kaniya.

21 At nang malapit na sila sa Jerusalem, at magsidating sa Betfage, sa bundok ng mga Olivo, ay nagsugo nga si Jesus ng dalawang alagad,

Na sinasabi sa kanila, Magsiparoon kayo sa nayong nasa tapat ninyo, at pagdaka'y masusumpungan ninyo ang isang nakatali na babaing asno, na may kasamang isang batang asno: kalagin ninyo, at dalhin ninyo sa akin.

At kung ang sinoman ay magsabi ng anoman sa inyo, ay sasabihin ninyo, Kinakailangan sila ng Panginoon; at pagdaka'y kaniyang ipadadala sila.

Nangyari nga ito, upang matupad ang sinalita sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi,

Sabihin ninyo sa anak na babae ng Sion: Narito, ang Hari mo'y pumaparito sa iyo, Na maamo, at nakasakay sa isang asno, At sa isang batang asno na anak ng babaing asno.

At nagsiparoon ang mga alagad, at ginawa ang ayon sa ipinagutos ni Jesus sa kanila,

At kanilang dinala ang babaing asno, at ang batang asno, at inilagay nila sa ibabaw ng mga ito ang kanilang mga damit; at dito siya'y sumakay.

At inilalatag sa daan ng kalakhang bahagi ng karamihan ang kanilang mga damit; at ang mga iba'y nagsiputol ng mga sanga ng mga punong kahoy, at inilalatag sa daan.

At ang mga karamihang nangasa unahan niya, at ang nagsisunod, ay nagsisigawan, na nagsisipagsabi, Hosana sa Anak ni David: Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon: Hosana sa kataastaasan.

10 At nang pumasok si Jesus sa Jerusalem, ay nagkagulo ang buong bayan, na nagsasabi, Sino kaya ito?

11 At sinabi ng mga karamihan, Ito'y ang propeta, Jesus, na taga Nazaret ng Galilea.

12 At pumasok si Jesus sa templo ng Dios, at itinaboy niya ang lahat na nangagbibili at nangamimili sa templo, at ginulo niya ang mga dulang ng mga mamamalit ng salapi, at ang mga upuan ng mga nagbibili ng mga kalapati;

13 At sinabi niya sa kanila, Nasusulat, Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan, datapuwa't ginagawa ninyong yungib ng mga tulisan.

14 At nagsilapit sa kaniya sa templo ang mga bulag at mga pilay, at sila'y kaniyang pinagaling.

15 Datapuwa't nang makita ng mga pangulong saserdote at ng mga eskriba ang mga katakatakang bagay na kaniyang ginawa, at ang mga batang nagsisigawan sa templo at nangagsasabi, Hosana sa Anak ni David; ay nangagalit sila,

16 At sinabi nila sa kaniya, Naririnig mo baga ang sinasabi ng mga ito? At sinabi sa kanila ni Jesus, Oo: kailan man baga'y hindi ninyo nabasa, Mula sa bibig ng mga sanggol at ng mga sumususo ay iyong nilubos ang pagpupuri?

17 At sila'y kaniyang iniwan, at pumaroon sa labas ng bayan sa Betania, at nakipanuluyan doon.

18 Pagka umaga nga nang siya'y bumabalik sa bayan, nagutom siya.

19 At pagkakita sa isang puno ng igos sa tabi ng daan, ay kaniyang nilapitan, at walang nasumpungang anoman doon, kundi mga dahon lamang; at sinabi niya rito, Mula ngayo'y huwag kang magbunga kailan man. At pagdaka'y natuyo ang puno ng igos.

20 At nang makita ito ng mga alagad, ay nangagtaka sila, na nangagsasabi, Ano't pagdaka'y natuyo ang puno ng igos?

21 At sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung kayo'y may pananampalataya, at di mangagaalinlangan, hindi lamang mangagagawa ninyo ang nangyari sa puno ng igos, kundi maging sabihin ninyo sa bundok na ito, mapataas ka, at mapasugba ka sa dagat, ay mangyayari.

22 At lahat ng mga bagay na inyong hihingin sa panalangin, na may pananampalataya, ay inyong tatanggapin.

23 At pagpasok niya sa templo, ay nagsilapit sa kaniya ang mga pangulong saserdote at ang matatanda sa bayan, samantalang siya'y nagtuturo, at nangagsabi, Sa anong kapamahalaan ginagawa mo ang mga bagay na ito? at sino ang sa iyo'y nagbigay ng kapamahalaang ito?

24 At sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Tatanungin ko rin naman kayo ng isang tanong, na kung inyong sasabihin sa akin, ay sasabihin ko naman sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito.

25 Ang bautismo ni Juan, saan baga nagmula? sa langit o sa mga tao? At kanilang pinagkatuwiranan sa kanilang sarili, na nangagsasabi, Kung sabihin natin, Sa langit; sasabihin niya sa atin, Bakit nga hindi ninyo siya pinaniwalaan?

26 Datapuwa't kung sasabihin, Sa mga tao; nangatatakot tayo sa karamihan; sapagka't kinikilala ng lahat na propeta si Juan.

27 At sila'y nagsisagot kay Jesus, at sinabi, Hindi namin nalalaman. Kaniyang sinabi naman sa kanila, Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito.

28 Datapuwa't ano sa akala ninyo? Isang taong may dalawang anak; at lumapit siya sa una, at sinabi, Anak, pumaroon at gumawa ka ngayon sa ubasan.

29 At sinagot niya at sinabi, Ayaw ko: datapuwa't nagsisi siya pagkatapos, at naparoon.

30 At siya'y lumapit sa ikalawa, at gayon din ang sinabi. At sumagot siya at sinabi, Ginoo, ako'y paroroon: at hindi naparoon.

31 Alin baga sa dalawa ang gumanap ng kalooban ng kaniyang ama? Sinabi nila, Ang una. Sinabi sa kanila ni Jesus, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ang mga maniningil ng buwis at ang mga patutot ay nangauuna sa inyo ng pagpasok sa kaharian ng Dios.

32 Sapagka't naparito si Juan sa inyo sa daan ng katuwiran, at hindi ninyo siya pinaniwalaan; datapuwa't pinaniwalaan siya ng mga maniningil ng buwis at ng mga patutot: at kayo, sa pagkakita ninyo nito, ay hindi man kayo nangagsisi pagkatapos, upang kayo'y magsipaniwala sa kaniya.

33 Pakinggan ninyo ang isa pang talinghaga: May isang tao, na puno ng sangbahayan, na nagtanim ng isang ubasan, at binakuran niya ng mga buhay na punong kahoy sa palibot, at humukay roon ng isang pisaan ng ubas, at nagtayo ng isang bantayan, at ipinagkatiwala yaon sa mga magsasaka, at napasa ibang lupain.

34 At nang malapit na ang panahon ng pamumunga, ay sinugo ang kaniyang mga alipin sa mga magsasaka, upang tanggapin ang kaniyang bunga.

35 At pinaghawakan ng mga magsasaka ang kaniyang mga alipin, at hinampas nila ang isa, at ang isa'y pinatay, at ang isa'y binato.

36 Muling sinugo niya ang ibang mga alipin, na mahigit pa sa nangauna; at ginawa rin sa kanila ang gayon ding paraan.

37 Datapuwa't pagkatapos ay sinugo niya sa kanila ang kaniyang anak na lalake, na nagsasabi, Igagalang nila ang aking anak.

38 Datapuwa't nang makita ng mga magsasaka ang anak, ay nangagusapan sila, Ito ang tagapagmana; halikayo, siya'y ating patayin, at kunin natin ang kaniyang mana.

39 At siya'y hinawakan nila, at itinaboy siya sa ubasan, at pinatay siya.

40 Pagdating nga ng panginoon ng ubasan, ano kaya ang gagawin sa mga magsasakang yaon?

41 Sinabi nila sa kaniya, Pupuksaing walang awa ang mga tampalasang yaon, at ibibigay ang ubasan sa mga ibang magsasaka, na sa kaniya'y mangagbibigay ng mga bunga sa kanilang kapanahunan.

42 Sinabi sa kanila ni Jesus, Kailan man baga'y hindi ninyo nabasa sa mga kasulatan, Ang batong itinakuwil ng nangagtatayo ng gusali, Ang siya ring ginawang pangulo sa panulok; Ito'y mula sa Panginoon, At ito'y kagilagilalas sa harap ng ating mga mata?

43 Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Aalisin sa inyo ang kaharian ng Dios, at ibibigay sa isang bansang nagkakabunga.

44 At ang mahulog sa ibabaw ng batong ito ay madudurog: datapuwa't sinomang kaniyang malagpakan, ay pangangalating gaya ng alabok.

45 At nang marinig ng mga pangulong saserdote at ng mga Fariseo ang kaniyang mga talinghaga, ay kanilang napaghalata na sila ang kaniyang pinagsasalitaan.

46 At nang sila'y nagsisihanap ng paraang siya'y mahuli, ay nangatakot sila sa karamihan, sapagka't ipinalalagay nito na siya'y propeta.

22 At sumagot si Jesus at muling pinagsalitaan sila sa mga talinghaga, na sinasabi,

Tulad ang kaharian ng langit sa isang hari na naghanda ng piging ng kasalan ng kaniyang anak na lalake,

At sinugo ang kaniyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa piging ng kasalan: at sila'y ayaw magsidalo.

Muling nagsugo siya sa ibang mga alipin, na sinasabi, Sabihin ninyo sa mga inanyayahan, Narito, inihanda ko na ang aking piging; pinatay ko ang aking mga baka at mga hayop na matataba, at ang lahat ng mga bagay ay nahahanda na: magsiparito kayo sa piging ng kasalan.

Datapuwa't hindi nila pinansin, at sila'y nagsiyaon sa kanilang lakad, ang isa'y sa kaniyang sariling bukid, ang isa'y sa kaniyang mga kalakal;

At hinawakan ng mga iba ang kaniyang mga alipin, at sila'y dinuwahagi, at pinagpapatay.

Datapuwa't ang hari ay nagalit; at sinugo ang kaniyang mga hukbo, at pinuksa ang mga mamamataytaong yaon, at sinunog ang kanilang bayan.

Nang magkagayo'y sinabi niya sa kaniyang mga alipin, Nahahanda ang kasalan, nguni't hindi karapatdapat ang mga inanyayahan.

Magsiparoon nga kayo sa mga likuang lansangan, at anyayahan ninyo sa piging ng kasalan ang lahat ninyong mangasumpungan.

10 At nagsilabas ang mga aliping yaon sa mga lansangan, at kanilang tinipon ang lahat nilang nangasumpungan, masasama at mabubuti: at napuno ng mga panauhin ang kasalan.

11 Datapuwa't pagpasok ng hari upang tingnan ang mga panauhin, ay doo'y nakita niya ang isang tao na hindi nararamtan ng damit-kasalan:

12 At sinabi niya sa kaniya, Kaibigan, ano't pumasok ka rito na walang damit-kasalan? At siya'y naumid.

13 Nang magkagayo'y sinabi ng hari sa mga naglilingkod, Gapusin ninyo ang mga paa at mga kamay niya, at itapon ninyo siya sa kadiliman sa labas; diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.

14 Sapagka't marami ang mga tinawag, datapuwa't kakaunti ang mga nahirang.

15 Nang magkagayo'y nagsialis ang mga Fariseo, at nangagsanggunian sila kung paano kayang mahuhuli nila siya sa kaniyang pananalita.

16 At sinugo nila sa kaniya ang kanilang mga alagad, na kasama ng mga Herodiano, na nagsisipagsabi, Guro, nalalaman naming ikaw ay totoo, at itinuturo mong may katotohanan ang daan ng Dios, at hindi ka nangingimi kanino man: sapagka't hindi ka nagtatangi ng tao.

17 Sabihin mo nga sa amin, Ano sa akala mo? Matuwid bagang bumuwis kay Cesar, o hindi?

18 Datapuwa't napagkikilala ni Jesus ang kanilang kasamaan, at sinabi sa kanila, Bakit ninyo ako tinutukso, kayong mga mapagpaimbabaw?

19 Ipakita ninyo sa akin ang salaping pangbuwis. At dinala nila sa kaniya ang isang denario.

20 At sinabi niya sa kanila, Kanino ang larawang ito at ang nasusulat?

21 Sinabi nila sa kaniya, Kay Cesar. Nang magkagayo'y sinabi niya sa kanila, Kaya't ibigay ninyo kay Cesar ang sa kay Cesar; at sa Dios ang sa Dios.

22 At pagkarinig nila nito ay nagsipanggilalas sila, at siya'y iniwan, at nagsiyaon.

23 Nang araw na yaon ay nagsilapit sa kaniya ang mga Saduceo, na nangagsasabing walang pagkabuhay na maguli: at siya'y kanilang tinanong,

24 Na sinasabi, Guro, sinabi ni Moises, Kung mamatay na walang mga anak ang isang lalake, ay magasawa ang kaniyang kapatid na lalake sa asawa niya, at magkakaanak sa kaniyang kapatid na lalake.

25 Nagkaroon nga sa amin ng pitong magkakapatid na lalake: at nagasawa ang panganay at namatay, at sapagka't hindi siya nagkaanak ay iniwan niya ang kaniyang asawa sa kaniyang kapatid na lalake;

26 Gayon din naman ang nangyari sa pangalawa, at sa pangatlo, hanggang sa ikapito.

27 At sa kahulihulihan nilang lahat, ay namatay ang babae.

28 Sa pagkabuhay ngang maguli sino kaya doon sa pito ang magiging asawa? sapagka't siya'y naging asawa nilang lahat.

29 Nguni't sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, Nangagkakamali kayo, sa hindi pagkaalam ng mga kasulatan, ni ng kapangyarihan man ng Dios.

30 Sapagka't sa pagkabuhay na maguli ay hindi na mangagaasawa, ni mga papagaasawahin pa, kundi gaya ng mga anghel sa langit.

31 Datapuwa't tungkol sa pagkabuhay na maguli ng mga patay, hindi baga ninyo nabasa ang sinalita sa inyo ng Dios, na nagsasabi,

32 Ako ang Dios ni Abraham, at ang Dios ni Isaac, at ang Dios ni Jacob? Ang Dios ay hindi Dios ng mga patay, kundi ng mga buhay.

33 At nang marinig ito ng karamihan ay nangagtaka sa kaniyang aral.

34 Datapuwa't nang marinig ng mga Fariseo na kaniyang napatahimik ang mga Saduceo, ay nangagkatipon sila.

35 At isa sa kanila, na tagapagtanggol ng kautusan, ay tinanong siya ng isang tanong, upang siya'y tuksuhin:

36 Guro, alin baga ang dakilang utos sa kautusan?

37 At sinabi sa kaniya, Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo.

38 Ito ang dakila at pangunang utos.

39 At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.

40 Sa dalawang utos na ito'y nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta.

41 Habang nangagkakatipon nga ang mga Fariseo, ay tinanong sila ni Jesus ng isang tanong.

42 Na sinasabi, Ano ang akala ninyo tungkol kay Cristo? kanino bagang anak siya? Sinabi nila sa kaniya, kay David.

43 Sinabi niya sa kanila, Kung gayo'y bakit tinatawag siya ni David na Panginoon, sa espiritu, na nagsasabi,

44 Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, Maupo ka sa aking kanan, Hanggang sa ilagay ko ang iyong mga kaaway sa ilalim ng iyong mga paa?

45 Kung tinatawag nga siya ni David na Panginoon, paanong siya'y kaniyang anak?

46 At wala sinomang nakasagot sa kaniya ng isang salita, ni wala sinomang nangahas buhat sa araw na yaon na tumanong pa sa kaniya ng anomang mga tanong.

23 Nang magkagayo'y nagsalita si Jesus sa mga karamihan at sa kaniyang mga alagad,

Na nagsasabi, Nagsisiupo ang mga eskriba at mga Fariseo sa luklukan ni Moises.

Lahat nga ng mga bagay na sa inyo'y kanilang ipagutos, ay gawin ninyo at ganapin: datapuwa't huwag kayong magsigawa ng alinsunod sa kanilang mga gawa; sapagka't kanilang sinasabi, at hindi ginagawa.

Oo, sila'y nangagbibigkis ng mabibigat na pasan at mahihirap na dalhin, at ipinapasan nila sa mga balikat ng mga tao; datapuwa't ayaw man lamang nilang kilusin ng kanilang daliri.

Datapuwa't ginagawa nila ang lahat ng kanilang mga gawa upang mangakita ng mga tao: sapagka't nangagpapalapad sila ng kanilang mga pilakteria, at nangagpapalapad ng mga laylayan ng kanilang mga damit,

At iniibig ang mga pangulong dako sa mga pigingan, at ang mga pangulong luklukan sa mga sinagoga,

At pagpugayan sa mga pamilihan, at ang sila'y tawagin ng mga tao, Rabi.

Datapuwa't kayo'y huwag patawag na Rabi: sapagka't iisa ang inyong guro, at kayong lahat ay magkakapatid.

At huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinomang tao sa lupa: sapagka't iisa ang inyong ama, sa makatuwid baga'y siya na nasa langit.

10 Ni huwag kayong patawag na mga panginoon; sapagka't iisa ang inyong panginoon, sa makatuwid baga'y ang Cristo.

11 Datapuwa't ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo.

12 At sinomang nagmamataas ay mabababa; at sinomang nagpapakababa ay matataas.

13 Datapuwa't sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit laban sa mga tao: sapagka't kayo'y hindi na nagsisipasok, at ang nagsisipasok man ay ayaw ninyong bayaang mangakapasok.

14 Sa aba ninyo, mga eskriba't mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagka't sinasakmal ninyo ang mga bahay ng mga babaing bao, at inyong dinadahilan ang mahahabang panalangin: kaya't magsisitanggap kayo ng lalong mabigat na parusa.

15 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't inyong nililibot ang dagat at ang lupa sa paghanap ng isa ninyong makakampi; at kung siya'y magkagayon na, ay inyong ginagawa siyang makaibayo pang anak ng impierno kay sa inyong sarili.

16 Sa aba ninyo, kayong mga tagaakay na bulag, na inyong sinasabi, Kung ipanumpa ninoman ang templo, ay walang anoman; datapuwa't kung ipanumpa ninoman ang ginto ng templo, ay nagkakautang nga siya.

17 Kayong mga mangmang at mga bulag: sapagka't alin baga ang lalong dakila, ang ginto, o ang templong bumabanal sa ginto?

18 At, kung ipanumpa ninoman ang dambana, ay walang anoman; datapuwa't kung ipanumpa ninoman ang handog na nasa ibabaw nito, ay nagkakautang nga siya.

19 Kayong mga bulag: sapagka't alin baga ang lalong dakila, ang handog, o ang dambana na bumabanal sa handog?

20 Kaya't ang nanunumpa sa pamamagitan ng dambana, ay ipinanunumpa ito, at ang lahat ng mga bagay na nangasa ibabaw nito.

21 At ang nanunumpa sa pamamagitan ng templo, ay ipinanumpa ito, at yaong tumatahan sa loob nito.

22 Ang nanunumpa sa pamamagitan ng langit, ay ipinanumpa ang luklukan ng Dios, at yaong nakaluklok doon.

23 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't nangagbibigay kayo ng sa ikapu ng yerbabuena, at ng anis at ng komino, at inyong pinababayaang di ginagawa ang lalong mahahalagang bagay ng kautusan, na dili iba't ang katarungan, at ang pagkahabag, at ang pananampalataya: datapuwa't dapat sana ninyong gawin ang mga ito, at huwag pabayaang di gawin yaong iba.

24 Kayong mga tagaakay na bulag na inyong sinasala ang lamok, at nilulunok ninyo ang kamelyo!

25 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpapaimbabaw! sapagka't inyong nililinis ang labas ng saro at ng pinggan, datapuwa't sa loob ay puno sila ng panglulupig at katakawan.

26 Ikaw bulag na Fariseo, linisin mo muna ang loob ng saro at ng pinggan, upang luminis naman ang kaniyang labas.

27 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't tulad kayo sa mga libingang pinaputi, na may anyong maganda sa labas, datapuwa't sa loob ay puno ng mga buto ng mga patay na tao, at ng lahat na karumaldumal.

28 Gayon din naman kayo, sa labas ay nangagaanyong matuwid sa mga tao, datapuwa't sa loob ay puno kayo ng pagpapaimbabaw at ng katampalasanan.

29 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't itinatayo ninyo ang mga libingan ng mga propeta, at inyong ginayakan ang mga libingan ng mga matuwid,

30 At sinasabi ninyo, Kung kami sana ang nangabubuhay nang mga kaarawan ng aming mga magulang disi'y hindi kami nangakaramay nila sa dugo ng mga propeta.

31 Kaya't kayo'y nangagpapatotoo sa inyong sarili, na kayo'y mga anak niyaong mga nagsipatay ng mga propeta.

32 Punuin nga ninyo ang takalan ng inyong mga magulang.

33 Kayong mga ahas, kayong mga lahi ng mga ulupong, paanong mangakawawala kayo sa kahatulan sa impierno?

34 Kaya't, narito, sinusugo ko sa inyo ang mga propeta, at mga pantas na lalake, at mga eskriba: ang mga iba sa kanila'y inyong papatayin at ipapako sa krus; at ang mga iba sa kanila'y inyong hahampasin sa inyong mga sinagoga, at sila'y inyong paguusigin sa bayan-bayan:

35 Upang mabubo sa inyo ang lahat na matuwid na dugo na nabuhos sa ibabaw ng lupa, buhat sa dugo ng matuwid na si Abel hanggang sa dugo ni Zacarias na anak ni Baraquias na pinatay ninyo sa pagitan ng santuario at ng dambana.

36 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang lahat ng mga bagay na ito ay darating sa lahing ito.

37 Oh Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay sa mga propeta, at bumabato sa mga sinusugo sa kaniya! makailang inibig kong tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, ay ayaw kayo!

38 Narito, ang inyong bahay ay iniiwan sa inyong wasak.

39 Sapagka't sinasabi ko sa inyo, Buhat ngayon ay hindi ninyo ako makikita, hanggang sa inyong sabihin, Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon.

24 At lumabas si Jesus sa templo, at payaon sa kaniyang lakad; at nagsilapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad upang sa kaniya'y ipamalas ang mga gusali ng templo.

Datapuwa't siya'y sumagot at sa kanila'y sinabi, Hindi baga ninyo nangakikita ang lahat ng mga bagay na ito? katotohanang sinasabi ko sa inyo, Dito'y walang maiiwang isang bato sa ibabaw ng ibang bato, na hindi ibabagsak.

At samantalang siya'y nakaupo sa bundok ng mga Olivo, ay nagsilapit sa kaniya ng bukod ang mga alagad, na nagsisipagsabi, Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? at ano ang magiging tanda ng iyong pagparito, at ng katapusan ng sanglibutan?

At sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, Mangagingat kayo na huwag kayong mailigaw ninoman.

Sapagka't marami ang magsisiparito sa aking pangalan, na mangagsasabi, Ako ang Cristo; at ililigaw ang marami.

At mangakakarinig kayo ng mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan; ingatan ninyo na huwag kayong magulumihanan: sapagka't kinakailangang ito'y mangyari datapuwa't hindi pa ang wakas.

Sapagka't magsisitindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at magkakagutom at lilindol sa iba't ibang dako.

Datapuwa't ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pasimula ng kahirapan.

Kung magkagayo'y ibibigay kayo sa kapighatian, at kayo'y papatayin: at kayo'y kapopootan ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan.

10 At kung magkagayo'y maraming mangatitisod, at mangagkakanuluhan ang isa't isa, at mangagkakapootan ang isa't isa.

11 At magsisibangon ang maraming bulaang propeta, at kanilang ililigaw ang marami.

12 At dahil sa pagsagana ng katampalasanan, ang pagibig ng marami ay lalamig.

13 Datapuwa't ang magtitiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas.

14 At ipangangaral ang evangeliong ito ng kaharian sa buong sanglibutan sa pagpapatotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayo'y darating ang wakas.

15 Kaya nga pagkakita ninyo ng kasuklamsuklam na paninira, na sinalita sa pamamagitan ng propeta Daniel, na natatayo sa dakong banal (unawain ng bumabasa),

16 Kung magkagayo'y magsitakas sa mga bundok ang nangasa Judea:

17 Ang nasa bubungan ay huwag bumaba upang maglabas ng mga bagay sa loob ng kaniyang bahay:

18 At ang nasa bukid ay huwag magbalik upang kumuha ng kaniyang balabal.

19 Datapuwa't sa aba ng nangagdadalang-tao at nangagpapasuso sa mga araw na yaon!

20 At magsipanalangin kayo na huwag mangyari ang pagtakas ninyo sa panahong taginaw, o sa sabbath man:

21 Sapagka't kung magkagayo'y magkakaroon ng malaking kapighatian, na ang gayo'y di pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanglibutan hanggang ngayon, at ni hindi na mangyayari kailan man.

22 At malibang paikliin ang mga araw na yaon, ay walang lamang makaliligtas: datapuwa't dahil sa mga hirang ay paiikliin ang mga araw na yaon.

23 Kung magkagayon, kung may magsabi sa inyong sinomang tao, Narito ang Cristo, o, Nariyan; huwag ninyong paniwalaan.

24 Sapagka't may magsisilitaw na mga bulaang Cristo, at mga bulaang propeta, at mangagpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan; ano pa't ililigaw, kung maaari, pati ng mga hirang.

25 Narito, ipinagpauna ko nang sinabi sa inyo.

26 Kaya nga kung sa inyo'y kanilang sasabihin, Narito, siya'y nasa ilang; huwag kayong magsilabas: Narito, siya'y nasa mga silid; huwag ninyong paniwalaan.

27 Sapagka't gaya ng kidlat na kumikidlat sa silanganan, at nakikita hanggang sa kalunuran; gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao.

28 Saan man naroon ang bangkay, ay doon mangagkakatipon ang mga uwak.

29 Datapuwa't karakarakang pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na yaon ay magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at mangalalaglag ang mga bituin mula sa langit, at magsisipangatal ang mga kapangyarihan sa mga langit:

30 At kung magkagayo'y lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kung magkagayo'y magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at mangakikita nila ang Anak ng tao na napaparitong sumasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.

31 At susuguin ang kaniyang mga anghel na may matinding pakakak, at kanilang titipunin ang kaniyang mga hinirang mula sa apat na hangin ng sanglibutan, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabila.

32 Sa puno ng igos nga ay pagaralan ninyo ang kaniyang talinghaga: pagka nananariwa ang kaniyang sanga, at sumusupling ang mga dahon, ay nalalaman ninyo na malapit na ang tagaraw;

33 Gayon din naman kayo, pagka nangakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, ay talastasin ninyo na siya'y malapit na, nasa mga pintuan nga.

34 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa mangaganap ang lahat ng mga bagay na ito.

35 Ang langit at ang lupa ay lilipas, datapuwa't ang aking mga salita ay hindi lilipas.

36 Nguni't tungkol sa araw at oras na yaon walang makakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.

37 At kung paano ang mga araw ni Noe, gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao.

38 Sapagka't gaya ng mga araw bago nagkagunaw, sila'y nagsisikain at nagsisiinom, at nangagaasawa at pinapapagaasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong,

39 At hindi nila nalalaman hanggang sa dumating ang paggunaw, at sila'y tinangay na lahat; ay gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao.

40 Kung magkagayo'y sasa bukid ang dalawang lalake; ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan:

41 Dalawang babaing nagsisigiling sa isang gilingan; ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan.

42 Mangagpuyat nga kayo: sapagka't hindi ninyo nalalaman kung anong araw paririto ang inyong Panginoon.

43 Datapuwa't ito'y talastasin ninyo, na kung nalalaman ng puno ng sangbahayan kung anong panahon darating ang magnanakaw, ay siya'y magpupuyat, at hindi niya pababayaang tibagin ang kaniyang bahay.

44 Kaya nga kayo'y magsihanda naman; sapagka't paririto ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo iniisip.

45 Sino nga baga ang aliping tapat at matalino, na pinagkatiwalaan ng kaniyang panginoon sa kaniyang sangbahayan, upang sila'y bigyan ng pagkain sa kapanahunan?

46 Mapalad yaong aliping kung dumating ang kaniyang panginoon, ay maratnan siyang gayon ang kaniyang ginagawa.

47 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na sa kaniya'y ipagkakatiwala ang lahat niyang pag-aari.

48 Datapuwa't kung ang masamang aliping yaon ay magsabi sa kaniyang puso, Magtatagal ang aking panginoon;

49 At magsimulang bugbugin ang kaniyang mga kapuwa alipin, at makipagkainan at makipaginuman sa mga lasing;

50 Darating ang panginoon ng aliping yaon sa araw na hindi niya hinihintay, at oras na hindi niya nalalaman,

51 At siya'y babaakin, at isasama ang kaniyang bahagi sa mga mapagpaimbabaw: doon na nga ang pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.

25 Kung magkagayon ay makakatulad ang kaharian ng langit ng sangpung dalaga, na kinuha ang kanilang mga ilawan, at nagsilabas upang salubungin ang kasintahang lalake.

At ang lima sa kanila'y mga mangmang, at ang lima'y matatalino.

Sapagka't nang dalhin ng mga mangmang ang kanilang mga ilawan, ay hindi sila nangagdala ng langis:

Datapuwa't ang matatalino ay nangagdala ng langis sa kanilang sisidlan na kasama ng kanilang mga ilawan.

Samantalang nagtatagal nga ang kasintahang lalake, ay nangagantok silang lahat at nangakatulog.

Datapuwa't pagkahating gabi ay may sumigaw, Narito, ang kasintahang lalake! Magsilabas kayo upang salubungin siya.

Nang magkagayo'y nagsipagbangong lahat ang mga dalagang yaon, at pinagigi ang kanilang mga ilawan.

At sinabi ng mga mangmang sa matatalino, Bigyan ninyo kami ng inyong langis; sapagka't nangamamatay ang aming mga ilawan.

Datapuwa't nagsisagot ang matatalino, na nangagsasabi, Baka sakaling hindi magkasiya sa amin at sa inyo: magsiparoon muna kayo sa nangagbibili, at magsibili kayo ng ganang inyo.

10 At samantalang sila'y nagsisiparoon sa pagbili, ay dumating ang kasintahang lalake; at ang mga nahahanda ay nagsipasok na kasama niya sa piging ng kasalan: at inilapat ang pintuan.

11 Pagkatapos ay nagsirating naman ang mga ibang dalaga, na nagsisipagsabi, Panginoon, Panginoon, buksan mo kami.

12 Datapuwa't sumagot siya at sinabi, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi ko kayo nangakikilala.

13 Mangagpuyat nga kayo, sapagka't hindi ninyo nalalaman ang araw ni ang oras.

14 Sapagka't tulad sa isang tao, na nang paroroon sa ibang lupain, ay tinawag ang kaniyang sariling mga alipin, at ipinamahala sa kanila ang kaniyang mga pag-aari.

15 At ang isa'y binigyan niya ng limang talento, ang isa'y dalawa, at ang isa'y isa; sa bawa't isa'y ayon sa kanikaniyang kaya; at siya'y yumaon sa kaniyang paglalakbay.

16 Ang tumanggap ng limang talento pagdaka'y yumaon at ipinangalakal niya ang mga yaon, at siya'y nakinabang ng lima pang talento.

17 Sa gayon ding paraan ang tumanggap ng dalawa ay nakinabang ng ibang dalawa pa.

18 Datapuwa't ang tumanggap ng isa ay yumaon at humukay sa lupa, at itinago ang salapi ng kaniyang panginoon.

19 Pagkatapos nga ng mahabang panahon, ay dumating ang panginoon ng mga aliping yaon, at nakipaghusay sa kanila.

20 At ang tumanggap ng limang talento ay lumapit at nagdala ng lima pang talento, na nagsasabi, Panginoon, binigyan mo ako ng limang talento: narito, ako'y nakinabang ng lima pang talento.

21 Sinabi sa kaniya ng kaniyang panginoon, Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin: nagtapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay; pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.

22 At lumapit naman ang tumanggap ng dalawang talento at sinabi, Panginoon, binigyan mo ako ng dalawang talento: narito, ako'y nakinabang ng dalawa pang talento.

23 Sinabi sa kaniya ng kaniyang panginoon, Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin: nagtapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay; pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.

24 At lumapit naman ang tumanggap ng isang talento at sinabi, Panginoon, nakikilala kita na ikaw ay taong mapagmatigas, na gumagapas ka doon sa hindi mo hinasikan, at nagaani ka doon sa hindi mo sinabugan;

25 At ako'y natakot, at ako'y yumaon at aking itinago sa lupa ang talento mo: narito, nasa iyo ang iyong sarili.

26 Datapuwa't sumagot ang kaniyang panginoon at sinabi sa kaniya, Ikaw na aliping masama at tamad, nalalaman mong ako'y gumagapas sa hindi ko hinasikan, at nagaani doon sa hindi ko sinabugan;

27 Gayon pala'y ibinigay mo sana ang aking salapi sa nagsisipangalakal ng salapi, at nang sa aking pagdating ay tinanggap ko sana ang ganang akin pati ng pakinabang.

28 Alisin nga ninyo sa kaniya ang talento, at ibigay ninyo sa may sangpung talento.

29 Sapagka't ang bawa't mayroon ay bibigyan, at siya'y magkakaroon ng sagana: nguni't ang wala, pati pa nang nasa kaniya ay aalisin sa kaniya.

30 At ang aliping walang kabuluhan ay inyong itapon sa kadiliman sa labas: diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.

31 Datapuwa't pagparito ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng mga anghel, kung magkagayo'y luluklok siya sa luklukan ng kaniyang kaluwalhatian:

32 At titipunin sa harap niya ang lahat ng mga bansa: at sila'y pagbubukdinbukdin niya na gaya ng pagbubukodbukod ng pastor sa mga tupa at sa mga kambing;

33 At ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanan, datapuwa't sa kaliwa ang mga kambing.

34 Kung magkagayo'y sasabihin ng Hari sa nangasa kaniyang kanan, Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanglibutan:

35 Sapagka't ako'y nagutom, at ako'y inyong pinakain; ako'y nauhaw, at ako'y inyong pinainom; ako'y naging taga ibang bayan, at inyo akong pinatuloy;

36 Naging hubad, at inyo akong pinaramtan; ako'y nagkasakit, at inyo akong dinalaw; ako'y nabilanggo, at inyo akong pinaroonan.

37 Kung magkagayo'y sasagutin siya ng mga matuwid, na mangagsasabi, Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom, at pinakain ka namin? o nauuhaw, at pinainom ka?

38 At kailan ka naming nakitang isang taga ibang bayan, at pinatuloy ka? o hubad, at pinaramtan ka?

39 At kailan ka namin nakitang may-sakit, o nasa bilangguan, at dinalaw ka namin?

40 At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.

41 Kung magkagayo'y sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, Magsilayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa, at pasa apoy na walang hanggan na inihanda sa diablo at sa kaniyang mga anghel:

42 Sapagka't ako'y nagutom, at hindi ninyo ako pinakain; ako'y nauhaw, at hindi ninyo ako pinainom;

43 Ako'y naging isang taga ibang bayan, at hindi ninyo ako pinatuloy; hubad, at hindi ninyo ako pinaramtan; maysakit at nasa bilangguan, at hindi ako dinalaw.

44 Kung magkagayo'y sila nama'y magsisisagot, na magsisipagsabi, Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom, o nauuhaw, o isang taga ibang bayan, o hubad, o may-sakit, o nasa bilangguan, at hindi ka namin pinaglingkuran?

45 Kung magkagayo'y sila'y sasagutin niya, na sasabihin, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na yamang hindi ninyo ginawa sa maliliit na ito, ay hindi ninyo ginawa sa akin.

46 At ang mga ito'y mangapaparoon sa walang hanggang kaparusahan: datapuwa't ang mga matuwid ay sa walang hanggang buhay.

26 At nangyari, na nang matapos ni Jesus ang lahat ng mga salitang ito, ay sinabi niya sa kaniyang mga alagad,

Nalalaman ninyo na pagkaraan ng dalawang araw ay darating ang paskua, at ibibigay ang Anak ng tao upang ipako sa krus.

Nang magkagayo'y ang mga pangulong saserdote, at ang mga matanda sa bayan ay nangagkatipon sa looban ng dakilang saserdote, na tinatawag na Caifas;

At sila'y nangagsanggunian upang hulihin si Jesus sa pamamagitan ng daya, at siya'y patayin.

Datapuwa't sinabi nila, Huwag sa kapistahan, baka magkagulo sa bayan.

Nang nasa Betania nga si Jesus sa bahay ni Simon na ketongin,

Ay lumapit sa kaniya ang isang babae na may dalang isang sisidlang alabastro ng unguento na lubhang mahalaga, at ibinuhos sa kaniyang ulo, samantalang siya'y nakaupo sa pagkain.

Datapuwa't nang makita ito ng mga alagad, ay nangagalit sila, na nangagsasabi, Ano ang layon ng pagaaksayang ito?

Sapagka't ito'y maipagbibili sa malaking halaga, at maibibigay sa mga dukha.

10 Datapuwa't nang mahalata ito ni Jesus ay sinabi sa kanila, Bakit ninyo binabagabag ang babae? sapagka't gumawa siya sa akin ng mabuting gawa.

11 Sapagka't laging nangasa inyo ang mga dukha; datapuwa't ako'y hindi laging nasa inyo.

12 Sapagka't sa pagbubuhos niya nitong unguento sa aking katawan, ay ginawa niya ito upang ihanda ako sa paglilibing.

13 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Saan man ipangaral ang evangeliong ito sa buong sanglibutan, ay sasaysayin din ang ginawa ng babaing ito sa pagaalaala sa kaniya.

14 Nang magkagayo'y isa sa labingdalawa, na tinatawag na Judas Iscariote, ay naparoon sa mga pangulong saserdote,

15 At sinabi, Ano ang ibig ninyong ibigay sa akin, at siya'y ibibigay ko sa inyo? At siya'y tinimbangan nila ng tatlongpung putol na pilak.

16 At buhat nang panahong yao'y humanap siya ng pagkakataon upang maibigay siya.

17 Nang unang araw nga ng mga tinapay na walang lebadura ay nagsilapit ang mga alagad kay Jesus, na nagsisipagsabing, Saan mo ibig na ipaghanda ka namin upang kumain ng kordero ng paskua?

18 At sinabi niya, Magsipasok kayo sa bayan sa gayong tao, at sabihin ninyo sa kaniya, Sinabi ng Guro, malapit na ang aking panahon; sa iyong bahay magpapaskua ako pati ng aking mga alagad.

19 At ginawa ng mga alagad ang ayon sa ipinagutos sa kanila ni Jesus; at inihanda nila ang kordero ng paskua.

20 Nang dumating nga ang gabi, ay nakaupo siya sa pagkain na kasalo ang labingdalawang alagad;

21 At samantalang sila'y nagsisikain, ay sinabi niya, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ako'y ipagkakanulo ng isa sa inyo.

22 At sila'y lubhang nangamanglaw, at nagpasimula ang bawa't isa na magsabi sa kaniya, Ako baga, Panginoon?

23 At siya'y sumagot at sinabi, Yaong kasabay kong idampot ang kamay sa pinggan, ay siya ring magkakanulo sa akin.

24 Ang Anak ng tao ay papanaw, ayon sa nasusulat tungkol sa kaniya: datapuwa't sa aba niyaong taong magkakanulo sa Anak ng tao! mabuti pa sana sa taong yaon ang hindi na siya ipinanganak.

25 At si Judas, na sa kaniya'y nagkanulo, ay sumagot at nagsabi, Ako baga, Rabi? Sinabi niya sa kaniya, Ikaw ang nagsabi.

26 At samantalang sila'y nagsisikain, ay dumampot si Jesus ng tinapay, at pinagpala, at pinagputolputol; at ibinigay sa mga alagad, at sinabi, Kunin ninyo, kanin ninyo; ito ang aking katawan.

27 At dumampot siya ng isang saro, at nagpasalamat, at ibinigay sa kanila, na nagsasabi, Magsiinom kayong lahat diyan;

28 Sapagka't ito ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.

29 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na buhat ngayon ay hindi na ako iinom nitong bunga ng ubas, hanggang sa araw na yaon na inumin kong panibago na mga kasalo ko kayo sa kaharian ng aking Ama.

30 At pagkaawit nila ng isang himno, ay nagsiparoon sila sa bundok ng mga Olivo.

31 Nang magkagayo'y sinabi sa kanila ni Jesus, Kayong lahat ay mangagdaramdam sa akin sa gabing ito: sapagka't nasusulat, Sasaktan ko ang pastor, at mangangalat ang mga tupa ng kawan.

32 Datapuwa't pagkapagbangon ko, ay mauuna ako sa inyo sa Galilea.

33 Datapuwa't sumagot si Pedro at sinabi sa kaniya, Kung ang lahat ay mangagdaramdam sa iyo, ako kailan ma'y hindi magdaramdam.

34 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Katotohanang sinasabi ko sa iyo, na sa gabing ito, bago tumilaok ang manok, ay ikakaila mo akong makaitlo.

35 Sinabi sa kaniya ni Pedro, Kahima't ako'y mamatay na kasama mo, ay hindi kita ikakaila. Gayon din ang sinabi ng lahat ng mga alagad.

36 Nang magkagayo'y dumating si Jesus na kasama sila sa isang dako na tinatawag na Getsemani, at sinabi sa kaniyang mga alagad, Magsiupo kayo rito, samantalang ako'y pumaparoon doon at manalangin.

37 At kaniyang isinama si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo, at nagpasimula siyang namanglaw at nanglumong totoo.

38 Nang magkagayo'y sinabi niya sa kanila, Namamanglaw na lubha ang kaluluwa ko, hanggang sa kamatayan: mangatira kayo rito, at makipagpuyat sa akin.

39 At lumakad siya sa dako pa roon, at siya'y nagpatirapa, at nanalangin, na nagsasabi, Ama ko, kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma'y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.

40 At lumapit siya sa mga alagad, at sila'y kaniyang naratnang nangatutulog, at sinabi kay Pedro, Ano, hindi kayo maaaring mangakipagpuyat sa akin ng isang oras?

41 Kayo'y mangagpuyat at magsipanalangin, upang huwag kayong magsipasok sa tukso: ang espiritu sa katotohanan ay may ibig, datapuwa't mahina ang laman.

42 Muli siyang umalis na bilang ikalawa, at nanalangin, na nagsasabi, Ama ko, kung di mangyayaring makalampas ito, kundi ko inumin, mangyari nawa ang iyong kalooban.

43 At siya'y nagbalik na muli at naratnan silang nangatutulog, sapagka't nangabibigatan ang kanilang mga mata.

44 At muli niya silang iniwan, at umalis, at nanalangin bilang ikatlo, na sinabing muli ang gayon ding mga salita.

45 Nang magkagayo'y lumapit siya sa mga alagad, at sinabi sa kanila, Mangatulog na kayo, at mangagpahinga: narito, malapit na ang oras, at ang Anak ng tao ay ipinagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan.

46 Magsitindig kayo, hayo na tayo: narito, malapit na ang nagkakanulo sa akin.

47 At samantalang nagsasalita pa siya, narito, dumating si Judas, na isa sa labingdalawa, at kasama niya ang lubhang maraming taong may mga tabak at mga panghampas, mula sa mga pangulong saserdote at sa matatanda sa bayan.

48 Ang nagkanulo nga sa kaniya ay nagbigay sa kanila ng isang hudyat, na sinasabi, Ang aking hagkan, ay yaon nga: hulihin ninyo siya.

49 At pagdaka'y lumapit siya kay Jesus, at nagsabi, Magalak, Rabi; at siya'y hinagkan.

50 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Gawin mo ang dahil ng pagparito mo. Nang magkagayon ay nagsilapit sila at kanilang sinunggaban si Jesus, at siya'y kanilang dinakip.

51 At narito, ang isa sa mga kasama ni Jesus ay iniunat ang kaniyang kamay at binunot ang kaniyang tabak, at sinugatan ang alipin ng dakilang saserdote, at tinagpas ang kaniyang tainga.

52 Nang magkagayo'y sinabi sa kaniya ni Jesus, Isauli mo ang iyong tabak sa kaniyang lalagyan: sapagka't ang lahat ng nangagtatangan ng tabak ay sa tabak mangamamatay.

53 O inaakala mo baga na hindi ako makapamamanhik sa aking Ama, at padadalhan niya ako ngayon din ng mahigit sa labingdalawang pulutong na mga anghel?

54 Kung gayo'y paano bagang mangatutupad ang mga kasulatan, na ganyan ang nauukol na mangyari?

55 Sa oras na yaon ay sinabi ni Jesus sa mga karamihan, Kayo baga'y nangagsilabas na waring laban sa isang tulisan, na may mga tabak at mga panghampas upang dakpin ako? Araw-araw ay nauupo ako sa templo na nagtuturo, at hindi ninyo ako dinakip.

56 Datapuwa't nangyari ang lahat ng ito, upang mangatupad ang mga kasulatan ng mga propeta. Nang magkagayo'y iniwan siya ng lahat ng mga alagad, at nagsitakas.

57 At si Jesus ay dinala ng nagsihuli sa kaniya sa dakilang saserdoteng si Caifas, na doo'y nangagkakapisan ang mga eskriba at matatanda.

58 Datapuwa't si Pedro'y sumunod sa kaniya sa malayo, hanggang sa looban ng dakilang saserdote, at siya'y pumasok, at nakiumpok sa mga punong kawal, upang makita niya ang wakas.

59 Ang mga pangulong saserdote nga at ang buong Sanedrin ay nagsisihanap ng patotoong kabulaanan laban kay Jesus, upang siya'y kanilang maipapatay;

60 At yao'y hindi nila nangasumpungan, bagaman maraming nagsiharap na mga saksing bulaan. Nguni't pagkatapos ay nagsidating ang dalawa,

61 At nangagsabi, Sinabi ng taong ito, Maigigiba ko ang templo ng Dios, at muling itatayo ko sa tatlong araw.

62 At nagtindig ang dakilang saserdote, at sinabi sa kaniya, Wala kang isinasagot na anoman? Ano itong sinasaksihan ng mga ito laban sa iyo?

63 Datapuwa't hindi umimik si Jesus. At sinabi ng dakilang saserdote sa kaniya, Kita'y pinapanunumpa alangalang sa Dios na buhay, na sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, ang Anak ng Dios.

64 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Ikaw ang nagsabi: gayon ma'y sinasabi ko sa inyo, Buhat ngayon ay inyong makikita ang Anak ng tao na nakaupo sa kanan ng Kapangyarihan, at pumaparitong nasa mga alapaap ng langit.

65 Nang magkagayo'y hinapak ng dakilang saserdote ang kaniyang mga damit, na sinasabi, Nagsalita siya ng kapusungan: ano pa ang kailangan natin ng mga saksi? narito, ngayo'y narinig ninyo ang kapusungan:

66 Ano ang akala ninyo? Nagsisagot sila at kanilang sinabi, Karapatdapat siya sa kamatayan.

67 Nang magkagayo'y niluraan nila ang kaniyang mukha at siya'y kanilang pinagsusuntok: at tinatampal siya ng mga iba,

68 Na nangagsasabi, Hulaan mo sa amin, ikaw Cristo: sino ang sa iyo'y bumubugbog?

69 Nakaupo nga si Pedro sa labas ng looban: at lumapit sa kaniya ang isang alilang babae, na nagsasabi, Ikaw man ay kasama ng taga Galileang si Jesus.

70 Datapuwa't siya'y kumaila sa harap nilang lahat, na sinasabi, Hindi ko nalalaman ang sinasabi mo.

71 At paglabas niya sa portiko ay nakita siya ng ibang alila, at sinabi sa nangaroon, Ang taong ito ay kasama rin ni Jesus na taga Nazaret.

72 At muling kumailang may sumpa, Hindi ko nakikilala ang tao.

73 At pagkaraan ng sandali ay nagsilapit ang nangakatayo roon at kanilang sinabi kay Pedro, Sa katotohanang ikaw man ay isa rin sa kanila; sapagka't ipinakikilala ka ng iyong pananalita.

74 Nang magkagayo'y nagpasimula siyang manungayaw at manumpa, Hindi ko nakikilala ang tao. At pagdaka'y tumilaok ang manok.

75 At naalaala ni Pedro ang salitang sinabi ni Jesus, Bago tumilaok ang manok, ay ikakaila mo akong makaitlo. At siya'y lumabas at nanangis na mainam.

27 Pagka umaga nga, ang lahat ng mga pangulong saserdote at ang matatanda sa bayan ay nangagsanggunian laban kay Jesus upang siya'y ipapatay:

At siya'y ginapos nila, at siya'y inilabas, at kanilang ibinigay siya kay Pilato na gobernador.

Nang magkagayo'y si Judas, na nagkanulo sa kaniya, pagkakitang siya'y nahatulan na, ay nagsisi, at isinauli ang tatlongpung putol na pilak sa mga pangulong saserdote at sa matatanda,

Na sinasabi, Nagkasala ako sa aking pagkakanulo sa dugong walang kasalanan. Datapuwa't kanilang sinabi, Ano sa amin? ikaw ang bahala niyan.

At kaniyang ibinulaksak sa santuario ang mga putol na pilak, at umalis; at siya'y yumaon at nagbigti.

At kinuha ng mga pangulong saserdote ang mga putol na pilak, at sinabi, Hindi matuwid na ilagay ang pilak na iyan sa kabang-yaman, sapagka't halaga ng dugo.

At sila'y nangagsanggunian, at ibinili nila ang mga yaon ng bukid ng magpapalyok, upang paglibingan ng mga taga ibang bayan.

Dahil dito'y tinawag ang bukid na yaon, ang bukid ng dugo, hanggang ngayon.

Nang magkagayo'y natupad ang sinalita sa pamamagitan ng propeta Jeremias, na nagsasabi, At kinuha nila ang tatlongpung putol na pilak, halaga noong hinalagahan, na inihalaga ng mga anak ng Israel;

10 At kanilang ibinigay ang mga yaon na pinakabayad sa bukid ng magpapalyok, ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.

11 Si Jesus nga ay nakatayo sa harap ng gobernador: at tinanong siya ng gobernador, na nagsasabi, Ikaw baga ang Hari ng mga Judio? At sinabi sa kaniya ni Jesus, Ikaw ang nagsasabi.

12 At nang siya'y isakdal ng mga pangulong saserdote at ng matatanda, ay hindi siya sumagot ng anoman.

13 Nang magkagayo'y sinabi sa kaniya ni Pilato, Hindi mo baga naririnig kung gaano karaming bagay ang kanilang sinasaksihang laban sa iyo?

14 At hindi siya sinagot niya, ng kahit isang salita man lamang: ano pa't nanggilalas na mainam ang gobernador.

15 Sa kapistahan nga ay pinagkaugalian ng gobernador na pawalan sa karamihan ang isang bilanggo, na sinoman ang kanilang ibigin.

16 At noo'y sila'y may isang bilanggong bantog, na tinatawag na Barrabas.

17 Nang sila'y mangagkatipon nga, ay sinabi sa kanila ni Pilato, Sino ang ibig ninyong sa inyo'y aking pawalan? si Barrabas, o si Jesus na tinatawag na Cristo?

18 Sapagka't natatalastas niya na dahil sa kapanaghilian ay ibinigay siya nila sa kaniya.

19 At samantalang nakaupo siya sa luklukan ng pagkahukom, ay nagsugo sa kaniya ang kaniyang asawa, na nagsasabi, Huwag kang makialam sa matuwid na taong iyan; sapagka't ngayong araw na ito'y naghirap ako ng maraming bagay sa panaginip dahil sa kaniya.

20 Inudyukan ng mga pangulong saserdote at ng matatanda ang mga karamihan na hingin nila si Barrabas, at puksain si Jesus.

21 Datapuwa't sumagot ang gobernador at sa kanila'y sinabi, Alin sa dalawa ang ibig ninyong sa inyo'y aking pawalan? At sinabi nila, Si Barrabas.

22 Sinabi sa kanila ni Pilato, Ano ang gagawin kay Jesus na tinatawag na Cristo? Sinabi nilang lahat, Mapako siya sa krus.

23 At sinabi niya, Bakit, anong kasamaan ang kaniyang ginawa? Datapuwa't sila'y lalong nangagsigawan, na nangagsasabi, Mapako siya sa krus.

24 Kaya't nang makita ni Pilato na wala siyang magawa, kundi bagkus pa ngang lumalala ang kaguluhan, siya'y kumuha ng tubig, at naghugas ng kaniyang mga kamay sa harap ng karamihan, na sinasabi, Wala akong kasalanan sa dugo nitong matuwid na tao; kayo ang bahala niyan.

25 At sumagot ang buong bayan at nagsabi, Mapasa amin ang kaniyang dugo, at sa aming mga anak.

26 Nang magkagayo'y pinawalan niya sa kanila si Barrabas; nguni't si Jesus ay hinampas at ibinigay upang ipako sa krus.

27 Nang magkagayo'y dinala si Jesus ng mga kawal ng gobernador sa Pretorio, at nagkatipon sa kaniya ang buong pulutong.

28 At siya'y kanilang hinubdan, at dinamtan siya ng isang balabal na kulay-ube.

29 At sila'y nangagkamakama ng isang putong na tinik, at ipinutong sa kaniyang ulo, at inilagay sa kanang kamay niya ang isang tambo; at sila'y nagsiluhod sa harap niya at siya'y kanilang nilibak, na nagsisipagsabi, Magalak, Hari ng mga Judio!

30 At siya'y kanilang niluluraan, at kinuha nila ang tambo at sinaktan siya sa ulo.

31 At nang siya'y kanilang malibak, ay hinubdan nila siya ng balabal, at isinuot sa kaniya ang kaniyang mga damit, at kanilang inilabas siya upang ipako sa krus.

32 At paglabas nila'y kanilang nasalubong ang isang taong taga Cirene, na ang pangala'y Simon: ito'y kanilang pinilit na sumama sa kanila, upang pasanin niya ang kaniyang krus.

33 At nang sila'y magsirating sa isang dakong tinatawag na Golgota, sa makatuwid baga'y, Ang dako ng bungo,

34 Ay pinainom nila siya ng alak na may kahalong apdo: at nang kaniyang matikman, ay ayaw niyang inumin.

35 At nang siya'y kanilang maipako sa krus ay kanilang binahagi ang kaniyang mga damit, na kanilang pinagsapalaran;

36 At sila'y nangagsiupo at binantayan siya roon.

37 At inilagay nila sa kaniyang ulunan ang pamagat sa kaniya, na nasusulat: ITO'Y SI JESUS, ANG HARI NG MGA JUDIO.

38 Nang magkagayo'y ipinakong kasama niya ang dalawang tulisan, isa sa kanan at isa sa kaliwa.

39 At siya'y nililibak ng nangagdaraan, na iginagalaw ang kanilang mga ulo,

40 At nangagsasabi, Ikaw na igigiba mo ang templo, at sa tatlong araw ay iyong itatayo, iyong iligtas ang sarili mo: kung ikaw ay Anak ng Dios, ay bumaba ka sa krus.

41 Gayon din naman ang paglibak sa kaniya ng mga pangulong saserdote, pati ng mga eskriba at ng matatanda, na nagsipagsabi,

42 Nagligtas siya sa mga iba; sa kaniyang sarili ay hindi makapagligtas. Siya ang Hari ng Israel; bumaba siya ngayon sa krus, at tayo'y magsisisampalataya sa kaniya.

43 Nananalig siya sa Dios; iligtas niya siya ngayon, kung siya'y iniibig: sapagka't sinabi niya, Ako'y Anak ng Dios.

44 At minumura din naman siya ng mga tulisang kasama niyang nangapapako sa krus.

45 Mula nga nang oras na ikaanim ay nagdilim sa ibabaw ng buong sangkalupaan hanggang sa oras na ikasiyam.

46 At nang malapit na ang oras na ikasiyam ay sumigaw si Jesus ng malakas na tinig, na sinasabi: Eli, Eli, lama sabachthani? sa makatuwid baga'y, Dios ko, Dios ko bakit mo ako pinabayaan?

47 At nang marinig ito ng ilan sa nangakatayo roon, ay sinabi, Tinatawag ng taong ito si Elias.

48 At pagkaraka'y tumakbo ang isa sa kanila, at kumuha ng isang espongha, at binasa ng suka, saka inilagay sa isang tambo, at ipinainom sa kaniya.

49 At sinabi ng mga iba, Pabayaan ninyo; tingnan natin kung paririto si Elias upang siya'y iligtas.

50 At muling sumigaw si Jesus ng malakas na tinig, at nalagot ang kaniyang hininga.

51 At narito, ang tabing ng templo'y nahapak na nagkadalawa buhat sa itaas hanggang sa ibaba; at nayanig ang lupa; at nangabaak ang mga bato;

52 At nangabuksan ang mga libingan; at maraming katawan ng mga banal na nangakatulog ay nangagbangon;

53 At paglabas sa mga libingan pagkatapos na siya'y mabuhay na maguli ay nagsipasok sila sa bayang banal at nangapakita sa marami.

54 Ang senturion nga, at ang mga kasamahan niya sa pagbabantay kay Jesus, nang mangakita nila ang lindol, at ang mga bagay na nangyari, ay lubhang nangatakot, na nangagsasabi, Tunay na ito ang Anak ng Dios.

55 At nangaroroon ang maraming babae na nagsisipanood buhat sa malayo, na nagsisunod kay Jesus buhat sa Galilea, na siya'y kanilang pinaglilingkuran:

56 Na sa mga yaon ay si Maria Magdalena, at si Maria na ina ni Santiago at ni Jose, at ang ina ng mga anak ni Zebedeo.

57 At nang hapon na ay dumating ang isang mayamang mula sa Arimatea, na nagngangalang Jose, na ito'y naging alagad din naman ni Jesus;

58 Ang taong ito'y naparoon kay Pilato, at hiningi ang bangkay ni Jesus. Nang magkagayo'y ipinagutos ni Pilato na ibigay yaon.

59 At kinuha ni Jose ang bangkay at binalot niya ng isang malinis na kayong lino,

60 At inilagay sa kaniyang sariling bagong libingan, na kaniyang hinukay sa bato: at iginulong niya ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan, at umalis.

61 At nangaroon si Maria Magdalena, at ang isang Maria, at nangakaupo sa tapat ng libingan.

62 Nang kinabukasan nga, na siyang araw pagkatapos ng Paghahanda, ay nangagkatipon kay Pilato ang mga pangulong saserdote at ang mga Fariseo,

63 Na nagsisipagsabi, Ginoo, naaalaala namin na sinabi ng magdarayang yaon nang nabubuhay pa, Pagkaraan ng tatlong araw ay magbabangon akong muli.

64 Ipagutos mo nga na ingatan ang libingan hanggang sa ikatlong araw, baka sakaling magsiparoon ang kaniyang mga alagad at siya'y nakawin, at sabihin sa bayan, Siya'y nagbangon sa gitna ng mga patay: at lalong sasama ang huling kamalian.

65 Sinabi sa kanila ni Pilato, Mayroon kayong bantay: magsiparoon kayo, inyong ingatan ayon sa inyong makakaya.

66 Kaya't sila'y nagsiparoon, at iningatan nila ang libingan, tinatakan ang bato, na kasama nila ang bantay.

19 At nangyari na nang matapos ni Jesus ang mga salitang ito, ay umalis siya sa Galilea at napasa mga hangganan ng Judea sa dako pa roon ng Jordan;

At nagsisunod sa kaniya ang lubhang maraming tao, at sila'y pinagaling niya doon.

At nagsilapit sa kaniya ang mga Fariseo, na siya'y tinutukso nila, at kanilang sinasabi, Naaayon baga sa kautusan na ihiwalay ng isang lalake ang kaniyang asawa sa bawa't kadahilanan?

At siya'y sumagot at sinabi, Hindi baga ninyo nabasa, na ang lumalang sa kanila buhat sa pasimula, ay sila'y nilalang niya na lalake at babae,

At sinabi, Dahil dito'y iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ina, at makikisama sa kaniyang asawa; at ang dalawa ay magiging isang laman?

Kaya nga hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Ang pinapagsama nga ng Dios, ay huwag papaghiwalayin ng tao.

Sinabi nila sa kaniya, Bakit nga ipinagutos ni Moises na magbigay ng kasulatan sa paghihiwalay, at ihiwalay ang babae?

Sinabi niya sa kanila, Dahil sa katigasan ng inyong puso ay ipinaubaya sa inyo ni Moises na inyong hiwalayan ang inyong mga asawa: datapuwa't buhat sa pasimula ay hindi gayon.

At sinasabi ko sa inyo, Sinomang ihiwalay ang kaniyang asawang babae, liban na kung sa pakikiapid, at magasawa sa iba, ay nagkakasala ng pangangalunya: at ang magasawa sa babaing yaon na hiniwalayan ay nagkakasala ng pangangalunya.

10 Ang mga alagad ay nangagsasabi sa kaniya, Kung ganyan ang kalagayan ng lalake sa kaniyang asawa, ay hindi nararapat magasawa.

11 Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Hindi matatanggap ng lahat ng mga tao ang pananalitang ito, kundi niyaong mga pinagkalooban.

12 Sapagka't may mga bating, na ipinanganak na gayon mula sa tiyan ng kanilang mga ina: at may mga bating, na ginagawang bating ng mga tao: at may mga bating, na nangagpapakabating sa kanilang sarili dahil sa kaharian ng langit. Ang makakatanggap nito, ay pabayaang tumanggap.

13 Nang magkagayon ay dinala sa kaniya ang maliliit na bata, upang ipatong niya ang kaniyang mga kamay sa kanila, at ipanalangin: at sinaway sila ng mga alagad.

14 Datapuwa't sinabi ni Jesus, Pabayaan ninyo ang maliliit na bata, at huwag ninyong pagbawalan silang magsilapit sa akin: sapagka't sa mga ganito ang kaharian ng langit.

15 At ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa kanila, at umalis doon.

16 At narito, lumapit sa kaniya ang isa, at nagsabi, Guro, ano ang mabuting bagay na gagawin ko upang ako'y magkaroon ng buhay na walang hanggan?

17 At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa mabuti? May isa, na siyang mabuti: datapuwa't kung ibig mong pumasok sa buhay, ingatan mo ang mga utos.

18 Sinabi niya sa kaniya, Alin-alin? At sinabi ni Jesus, Huwag kang papatay, Huwag kang mangangalunya, Huwag kang magnanakaw, Huwag sasaksi sa di katotohanan,

19 Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.

20 Sinabi sa kaniya ng binata, Ang lahat ng mga bagay na ito ay ginanap ko: ano pa ang kulang sa akin?

21 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Kung ibig mong maging sakdal, humayo ka, ipagbili mo ang tinatangkilik mo, at ibigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin.

22 Datapuwa't nang marinig ng binata ang ganitong pananalita, ay yumaon siyang namamanglaw; sapagka't siya'y isang may maraming pag-aari.

23 At sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Mahirap na makapasok ang isang taong mayaman sa kaharian ng langit.

24 At muling sinasabi ko sa inyo, Magaan pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom, kay sa isang taong mayaman ang pumasok sa kaharian ng Dios.

25 At nang marinig ito ng mga alagad, ay lubhang nangagtaka, na nagsisipagsabi, Sino nga kaya ang makaliligtas?

26 At pagtingin ni Jesus ay sinabi sa kanila, Hindi mangyayari ito sa mga tao; datapuwa't sa Dios ang lahat ng mga bagay ay mangyayari.

27 Nang magkagayo'y sumagot si Pedro at sinabi sa kaniya, Narito, iniwan namin ang lahat, at nagsisunod sa iyo: ano nga baga ang kakamtin namin?

28 At sinabi ni Jesus sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kayong nagsisunod sa akin, sa pagbabagong lahi pagka uupo na ang Anak ng tao sa luklukan ng kaniyang kaluwalhatian, kayo nama'y magsisiupo sa labingdalawang luklukan, upang magsihukom sa labingdalawang angkan ng Israel.

29 At ang bawa't magiwan ng mga bahay, o mga kapatid na lalake, o mga kapatid na babae, o ama, o ina, o mga anak, o mga lupa, dahil sa aking pangalan, ay tatanggap ng tigisang daan, at magsisipagmana ng walang hanggang buhay.

30 Datapuwa't maraming mga una na mangahuhuli; at mga huli na mangauuna.

20 Sapagka't ang kaharian ng langit ay tulad sa isang tao na puno ng sangbahayan, na lumabas pagkaumagang-umaga, upang umupa ng manggagawa sa kaniyang ubasan.

At nang makipagkasundo na siya sa mga manggagawa sa isang denario sa bawa't araw, ay isinugo niya sila sa kaniyang ubasan.

At siya'y lumabas nang malapit na ang ikatlong oras, at nakita ang mga iba sa pamilihan na nangakatayong walang ginagawa;

At sinabi niya sa kanila, Magsiparoon din naman kayo sa ubasan, at bibigyan ko kayo ng nasa katuwiran. At nagsiyaon ng kanilang lakad sa ubasan.

Lumabas siyang muli nang malapit na ang mga oras na ikaanim at ikasiyam, at gayon din ang ginawa.

At lumabas siya nang malapit na ang ikalabingisang oras at nakasumpong siya ng mga iba na nangakatayo; at sinabi niya sa kanila, Bakit kayo'y nangakatayo rito sa buong maghapon na walang ginagawa?

At sinabi nila sa kaniya, Sapagka't sinoma'y walang umupa sa amin. Sinabi niya sa kanila, Magsiparito din naman kayo sa ubasan.

At nang dumating ang hapon, sinabi ng panginoon ng ubasan sa kaniyang katiwala, Tawagin mo ang mga manggagawa, at bayaran mo sila ng kaupahan sa kanila, na mula sa mga huli hanggang sa mga una.

At paglapit ng mga inupahan nang malapit na ang ikalabingisang oras ay tumanggap bawa't tao ng isang denario.

10 At nang magsilapit ang mga nauna, ang isip nila'y magsisitanggap sila ng higit; at sila'y nagsitanggap din bawa't tao ng isang denario.

11 At nang kanilang tanggapin ay nangagbulongbulong laban sa puno ng sangbahayan,

12 Na nangagsasabi, Isa lamang oras ang ginugol nitong mga huli, sila'y ipinantay mo sa amin, na aming binata ang hirap sa maghapon at ang init na nakasusunog.

13 Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi sa isa sa kanila, Kaibigan, hindi kita iniiring: hindi baga nakipagkayari ka sa akin sa isang denario?

14 Kunin mo ang ganang iyo, at humayo ka sa iyong lakad; ibig kong bigyan itong huli, nang gaya rin sa iyo.

15 Hindi baga matuwid sa aking gawin ang ibig ko sa aking pag-aari? o masama ang mata mo, sapagka't ako'y mabuti?

16 Kaya't ang mga una'y mangahuhuli, at ang mga huli ay mangauuna.

17 Samantalang umaahon si Jesus, ay bukod niyang isinama ang labingdalawang alagad, at sa daa'y sinabi niya sa kanila,

18 Narito, nagsisiahon tayo sa Jerusalem; at ibibigay ang Anak ng tao sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba; at kanilang hahatulang siya'y patayin,

19 At ibibigay siya sa mga Gentil upang siya'y kanilang alimurahin, at hampasin, at ipako sa krus: at sa ikatlong araw siya'y ibabangon.

20 Nang magkagayo'y lumapit sa kaniya ang ina ng mga anak na lalake ni Zebedeo, na kasama ang kaniyang mga anak na lalake na siya'y sinamba, at may hinihinging isang bagay sa kaniya.

21 At sinabi niya sa kaniya, Ano ang ibig mo? Sinabi niya sa kaniya, Ipagutos mo na itong aking dalawang anak ay magsiupo, ang isa sa iyong kanan, at ang isa sa iyong kaliwa, sa iyong kaharian.

22 Nguni't sumagot si Jesus at sinabi, Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Mangyayari bagang inuman ninyo ang sarong malapit nang aking iinuman? Sa kaniya'y sinabi nila, Mangyayari.

23 Sinabi niya sa kanila, Katotohanang iinuman ninyo ang aking saro: datapuwa't ang maupo sa aking kanan, at sa aking kaliwa, ay hindi sa akin ang pagbibigay; datapuwa't yaon ay para sa kanila na mga pinaghandaan ng aking Ama.

24 At nang marinig ito ng sangpu, ay nangagalit laban sa dalawang magkapatid.

25 Datapuwa't sila'y pinalapit ni Jesus sa kaniya, at sinabi, Nalaman ninyo na ang mga pinuno ng mga Gentil ay nangapapapanginoon sa kanila, at ang kanilang mga dakila ay nagsisigamit ng kapamahalaan sa kanila.

26 Sa inyo'y hindi magkakagayon: kundi ang sinomang magibig na dumakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo;

27 At sinomang magibig na maging una sa inyo ay magiging alipin ninyo:

28 Gayon din naman ang Anak ng tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ibigay ang kaniyang buhay na pangtubos sa marami.

29 At nang sila'y magsialis sa Jerico, ay sumunod sa kaniya ang lubhang maraming tao.

30 At narito, ang dalawang lalaking bulag na nangakaupo sa tabi ng daan, pagkarinig nilang nagdaraan si Jesus, ay nangagsisigaw, na nagsisipagsabi, Panginoon, mahabag ka sa amin, ikaw na Anak ni David.

31 At pinagwikaan sila ng karamihan, upang sila'y magsitahimik: datapuwa't sila'y lalong nangagsisigaw, na nagsisipagsabi, Panginoon, mahabag ka sa amin, ikaw na Anak ni David.

32 At tumigil si Jesus, at sila'y tinawag, at sinabi, Ano ang ibig ninyong gawin ko sa inyo?

33 Sinabi nila sa kaniya, Panginoon, na mangadilat ang mga mata namin.

34 At si Jesus, sa pagkahabag, ay hinipo ang kanilang mga mata, at pagdaka'y nagsitanggap sila ng kanilang paningin; at nagsisunod sa kaniya.

21 At nang malapit na sila sa Jerusalem, at magsidating sa Betfage, sa bundok ng mga Olivo, ay nagsugo nga si Jesus ng dalawang alagad,

Na sinasabi sa kanila, Magsiparoon kayo sa nayong nasa tapat ninyo, at pagdaka'y masusumpungan ninyo ang isang nakatali na babaing asno, na may kasamang isang batang asno: kalagin ninyo, at dalhin ninyo sa akin.

At kung ang sinoman ay magsabi ng anoman sa inyo, ay sasabihin ninyo, Kinakailangan sila ng Panginoon; at pagdaka'y kaniyang ipadadala sila.