Mateo 19-21
Ang Salita ng Diyos
Ang Pagpapalayas ng Lalaki sa Asawang Babae
19 Nangyari, na nang matapos na ni Jesus ang mga pananalitang ito, nilisan niya ang Galilea at pumaroon siya sa mga hangganan ng Judea sa kabilang ibayo ng Jordan.
2 Sinundan siya ng napakaraming tao at pinagaling niya sila roon.
3 Nilapitan din siya ng mga Fariseo upang subukin siya.Sinabi nila sa kaniya: Naaayon ba sa kautusan na palayasin ng isang lalaki ang kaniyang asawa sa anumang dahilan?
4 Sumagot siya sa kanila: Hindi ba ninyo nabasa na siya na lumalang sa kanila sa pasimula pa ay nilalang sila na lalaki at babae? 5 Sinabi pa niya: Dahil dito, iiwanan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at makikisama sa kaniyang asawa. Silang dalawa ay magiging isang laman. 6 Kung gayon, hindi na sila dalawa kundi isang laman. Ang pinagsama nga ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.
7 Sinabi nila sa kaniya: Kung gayon, bakit ipinag-utos ni Moises na magbigay ng isang kasulatan ng paghihiwalay bago palayasin ang babae?
8 Sinabi niya sa kanila: Dahil sa katigasan ng inyong mga puso kaya ipinahintulot ni Moises na palayasin ninyo ang inyong mga asawa. Ngunit hindi gayon sa pasimula. 9 Sinasabi ko sa inyo na ang sinumang magpalayas sa kaniyang asawang babae maliban sa pakikiapid nito at mag-aasawa ng iba ay magkakasala ng pangangalunya. Ang sinumang magpakasal sa babaeng pinalayas ng kaniyang asawa ay nagkakasala ng kasalanang sekswal.
10 Sinabi ng kaniyang mga alagad sa kaniya: Kung ganyan ang kalalagayan ng lalaki at ng kaniyang asawa, makakabuti pang huwag nang mag-asawa.
11 Ngunit sinabi niya sa kanila: Hindi matatanggap ng lahat ng mga tao ang pananalitang ito kundi doon lamang sa pinagkalooban. 12 Ito ay sapagkat may mga ipinanganak na bating. Sila ay gayon na mula pa sa sinapupunan ng kanilang ina. May mga bating naman na ginagawang bating ng mga tao. May mga bating din na sinadya nilang maging mga bating alang-alang sa paghahari ng langit. Ang makakatanggap nito ay hayaang tumanggap nito.
Si Jesus at ang Maliliit na Bata
13 Pagkatapos, may dinala sa kaniya na maliliit na mga bata upang ipatong niya ang kaniyang kamay sa kanila at sila ay ipanalangin. Ngunit sinaway sila ng mga alagad.
14 Ngunit sinabi ni Jesus: Pahintulutan ninyo ang maliliit na bata na lumapit sa akin at huwag ninyo silang hadlangan sapagkat sa mga katulad nila nauukol ang paghahari ng langit. 15 Ipinatong niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at siya ay umalis doon.
Ang Mayamang Pinuno
16 Narito, may isang lalaking lumapit sa kaniya at sinabi: Mabuting guro, anong mabuting bagay na dapat kong gawin upang magkaroon ako ng buhay na walang hanggan?
17 Sinabi niya sa kaniya: Bakit tinatawag mo akong mabuti? Walang mabuti kundi isa lamang at iyon ay ang Diyos. Ngunit yamang ibig mong pumasok sa buhay, sundin mo ang mga utos.
18 Sinabi niya sa kaniya: Alin sa mga kautusan?
Sinabi ni Jesus: Huwag kang papatay. Huwag kang mangalunya. Huwag kang magnakaw at huwag kang sasaksi sa hindi totoo.
19 Igalang mo ang iyong ama at ina. Ibigin mo ang iyong kapwa katulad ng iyong sarili.
20 Sinabi ng binata sa kaniya: Ang lahat ng mga bagay na ito ay nasunod ko na simula pa sa aking pagkabata. Ano pa ang kulang sa akin?
21 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Kung ibig mong maging ganap, humayo ka, ipagbili mo ang iyong tinatangkilik, at ibigay mo sa mga dukha at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, halika at sumunod sa akin.
22 Ngunit nang marinig ng binata ang pananalitang ito, namimighati siyang umalis sapagkat napakarami ng kaniyang ari-arian.
23 Kaya sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Napakahirap sa isang mayaman ang pumasok sa paghahari ng langit. 24 Muli kong sinasabi sa inyo: Madali pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng karayom kaysa sa isang mayaman ang pumasok sa paghahari ng Diyos.
25 Nang marinig ito ng kaniyang mga alagad, lubha silang nanggilalas na sinabi: Kung gayon, sino ang maliligtas?
26 Ngunit tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila: Para sa mga tao, hindi ito maaring mangyayari, ngunit sa Diyos ang lahat ng mga bagay ay maaaring mangyari.
27 Kaya sumagot sa kaniya si Pedro: Narito, iniwan namin ang lahat at sumunod sa iyo. Ano nga ang aming makakamtan?
28 Sinabi ni Jesus sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Sa pagbabago ng lahat ng mga bagay kapag umupo na ang Anak ng Tao sa trono ng kaniyang kaluwalhatian, kayong sumunod sa akin ay uupo rin sa labindalawang trono. Uupo kayo upang hukuman ang labindalawang lipi ng Israel. 29 Iyan ang mangyayari sa bawat isang nag-iwan ng bahay, o ng mga kapatid na lalaki, o ng mga kapatid na babae, o ng ama, o ng ina, o mga anak o mga lupain alang-alang sa aking pangalan. Siya ay tatanggap ng isangdaang ulit. Magmamana rin siya ng buhay na walang hanggan. 30 Ngunit maraming nauuna na mahuhuli at nahuhuli na mauuna.
Ang Talinghaga Patungkol sa mga Manggagawa sa Ubasan
20 Ito ay sapagkat ang paghahari ng langit ay katulad sa isang may-ari ng sambahayan na lumabas nang maagang-maaga upang umupa ng mga manggagawa sa kaniyang ubasan.
2 Nang nakipagkasundo na siya sa mga manggagawa sa isang denaryo sa bawat araw, sinugo na niya sila sa kaniyang ubasan.
3 Lumabas siya nang mag-iikatlong oras na at nakita niya ang iba na nakatayo sa pamilihang dako na walang ginagawa. 4 Sinabi niya sa kanila: Pumunta rin naman kayo sa ubasan at kung ano ang nararapat, ibibigay ko sa inyo. Pumunta ngasila.
5 Lumabas siyang muli nang mag-iikaanim at mag-iikasiyam na ang oras at gayundin ang ginawa. 6 Nang mag-ikalabing-isang oras na, lumabas siya at natagpuan ang iba na nakatayo at walang ginagawa. Sinabi niya sa kanila: Bakit nakatayo kayo rito sa buong maghapon na walang ginagawa?
7 Sinabi nila sa kaniya: Ito ay sapagkat walang sinumang umupa sa amin.
Sinabi niya sa kanila:Pumunta rin naman kayo sa aking ubasan.Anuman ang nararapat, iyon ang tatanggapin ninyo.
8 Nang magtatakip-silim na, sinabi ng panginoon ng ubasan sa kaniyang katiwala: Tawagin mo ang mga manggagawa. Ibigay mo sa kanila ang kanilang mga upa, mula sa mga huli hanggang sa mga una.
9 Paglapit ng mga dumating ng mag-iikalabing-isang oras, tumanggap ng isang denaryo ang bawat isa. 10 Nang lumapit ang mga nauna, inakala nilang sila ay tatanggap ng higit pa. Ngunit sila ay tumanggap din ng tig-iisang denaryo. 11 Nang matanggap na nila ito, nagbulung-bulungan sila laban sa may-ari ng sambahayan. 12 Sinabi nila: Ang mga huling ito ay isang oras lamang gumawa at ipinantay mo sa amin na nagbata ng hirap at init sa maghapon.
13 Sumagot siya sa isa sa kanila: Kaibigan, wala akong ginawang kamalian sa iyo. Hindi ba nakipagkasundo ka sa akin sa isang denaryo? 14 Kunin mo ang ganang sa iyo at lumakad ka na. Ibig kong bigyan itong huli nang gaya ng ibinigay ko sa iyo. 15 Hindi ba nararapat lamang na gawin ko ang ibig kong gawin sa aking ari-arian?Tinitingnan ba ninyo ako nang masama dahil ako ay mabuti?
16 Kaya nga, ang mga huli ay mauuna at ang mga una ay mahuhuli sapagkat marami ang mga tinawag ngunit kakaunti ang mga pinili.
Binanggit Muli ni Jesus ang Kaniyang Kamatayan
17 Nang umaahon si Jesus patungong Jerusalem, isinama niya ang labindalawang alagad. Sa daan, ibinukod niya sila at sinabi:
18 Narito, tayo ay aahon sa Jerusalem at ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga pinunong-saserdote at sa mga guro ng kautusan. Hahatulan nila siya ng kamatayan. 19 Ibibigay siya sa mga Gentil upang kutyain, hagupitin at ipako sa krus. Ngunit sa ikatlong araw ay muli siyang mabubuhay.
Ang Kahilingan ng Isang Ina
20 Nang magkagayon, lumapit kay Jesus ang ina ng mga anak ni Zebedeo kasama ang kaniyang mga anak na lalaki, na sumasamba at may hinihingi sa kaniya.
21 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ano ang ibig mo?
Sinabi niya sa kaniya: Sabihin mo na ang dalawang kong anak ay maupo sa iyong kanan at sa iyong kaliwa, sa iyong paghahari.
22 Ngunit sumagot si Jesus: Hindi mo nalalaman kung ano ang iyong hinihingi. Kaya ba ninyong inuman ang sarong malapit ko nang iinuman? Mababawtismuhan ba kayo ng bawtismong ibabawtismo sa akin?
Sinabi nila sa kaniya: Kaya namin.
23 Sinabi niya sa kanila: Makakainom kayo sa aking saro at mababawtismuhan ng bawtismong ibinawtismo sa akin. Ngunit ang pag-upo sa aking kanan at sa aking kaliwa ay hindi sa akin ang pagkakaloob. Ito ay ipagkakaloob sa kanila na mga pinaghandaan ng aking Ama.
24 Nang marinig ito ng sampu, lubha silang nagalit sa magkapatid. 25 Ngunit tinawag sila ni Jesus at sinabi: Nalalaman ninyo na ang mga namumuno sa mga Gentil ay namumuno na may pagkapanginoon sa kanila. Sila na mga dakila ang may malaking kapamahalaan sa kanila. 26 Ngunit hindi dapat maging gayon sa inyo. Sa halip, ang sinumang ibig maging dakila sa inyo ay magiging tagapaglingkod ninyo. 27 Sinumang ibig na maging una sa inyo ay magiging alipin ninyo. 28 Maging katulad siya ng Anak ng Tao na naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at magbigay ng kaniyang buhay na pantubos sa marami.
Nakakita ang Dalawang Bulag
29 Nang sila ay papalabas sa Jerico, sumunod sa kaniya ang napakaraming tao.
30 Narito, may dalawang lalaking bulag ang nakaupo sa tabi ng daan. Nang narinig nilang dumadaan si Jesus, sumigaw sila na sinasabi: O Panginoon, ikaw na Anak ni David, mahabag ka sa amin!
31 Sinaway sila ng napakaraming tao upang tumahimik ngunit lalo pa silang sumigaw na sinasabi: O Panginoon, ikaw na Anak ni David, mahabag ka sa amin!
32 Huminto si Jesus, at tinawag sila at sinabi: Ano ang ibig ninyong gawin ko sa inyo?
33 Sinabi nila sa kaniya: Panginoon, ibig naming makakita.
34 Kaya, nahabag si Jesus at hinipo ang kanilang mga mata. Kaagad silang nakakita at sumunod sa kaniya.
Pumasok si Jesus sa Jerusalem na Gaya ng Hari
21 Pagdating sa Betfage, na malapit sa Jerusalem, sa may bundok ng mga Olibo, nagsugo si Jesus ng dalawang alagad.
2 Sinabi niya sa kanila: Pumaroon kayo sa nayong nasa unahan ninyo. Kaagad kayong makakatagpo ng isang nakataling asno na may kasamang isang bisirong asno. Kalagan sila at dalhin sa akin. 3 Kapag may magsabi sa inyo, ito ang sabihin ninyo: Kailangan sila ng Panginoon. At kaagad niyang ipadadala ang mga ito.
4 Ang lahat ng ito ay nangyari upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta na sinasabi:
5 Sabihin ninyo sa anak na babae ng Sion, narito, dumarating ang iyong hari. Siya ay maamo at nakasakay sa isang bisirong asno na anak ng isang hayop na nahirati sa hirap.
6 Lumakad ang mga alagad at ginawa ang ayon sa iniutos ni Jesus sa kanila. 7 Kinuha nila ang asnong babae at ang batang asno.Pagkatapos, ipinatong nila sa likod ng mga ito ang kanilang mga damit at siya ay umupo sa mga ito. 8 Ang napakaraming tao ay naglatag ng kanilang mga damit sa daan. Ang iba naman ay pumutol ng mga sanga ng mga punong-kahoy at inilatag sa daan. 9 Ang napakaraming tao na nasa kaniyang unahan at ang mga sumusunod sa kaniya ay sumigaw na sinasabi:
Hosana sa Anak ni David! Papuri sa kaniya na pumaparito sa pangalan ng Panginoon! Hosana sa kataas-taasan!
10 Pagpasok niya sa Jerusalem, nagulo ang buong lungsod na sinasabi: Sino ito?
11 Sinabi ng napakaraming tao: Siya ay si Jesus, ang propeta na taga-Nazaret ng Galilea.
Nilinis ni Jesus ang Templo
12 Pumasok si Jesus sa templo ng Diyos at itinaboy niya ang lahat ng nagtitinda at namimili sa templo. Itinumba niya ang mga mesa ng mga mamamalit-salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati.
13 Sinabi niya sa kanila: Nasusulat:
Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan ngunit ginawa ninyong yungib ng mga tulisan.
14 Lumapit kay Jesus sa templo ang mga bulag at mga pilay.Pinagaling niya sila. 15 Nang makita ng mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan ang mga kamangha-manghang bagay na ginawa niya, lubha silang nagalit. Lubha rin silang nagalit dahil sa nakita nila sa templo ang mga batang sumisigaw na sinasabi: Hosana sa Anak ni David!
16 Kaya sinabi nila kay Jesus: Naririnig mo ba ang sinasabi ng mga ito?
Sinabi ni Jesus sa kanila: Oo, hindi ba ninyo nabasa:
Mula sa bibig ng mga bata at mga sanggol ay inihanda mo ang wagas na pagpupuri sa iyo?
17 Iniwan niya sila roon at pumunta siya sa lungsod ng Betania. Doon siya nagpalipas ng gabi.
Natuyo ang Puno ng Igos
18 Kinaumagahan, nang siya ay pabalik na sa lungsod, nagutom siya.
19 Pagkakita niya sa isang puno ng igos sa tabing-daan, nilapitan niya ito. Ngunit wala siyang nakita rito kundi mga dahon lamang kaya sinabi niya rito: Kailanman ay hindi ka na mamumunga. Kaagad na natuyo ang puno ng igos.
20 Nang makita ito ng mga alagad, namangha sila na sinabi: Bakit natuyo kaagad ang puno ng igos?
21 Sumagot si Jesus sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Kung kayo ay may pananampalataya at hindi mag-aalinlangan, hindi lamang ang nangyari sa puno ng igos ang magagawa ninyo. Ngunit magagawa rin ninyong sabihin sa bundok na ito: Umalis ka riyan at bumulusok ka sa dagat at mangyayari ito. 22 Makakamit ninyo ang lahat ng inyong hingin sa panalangin kung kayo ay may pananampalataya.
Tinanong si Jesus Patungkol sa Kaniyang Kapangyarihan
23 Pagpasok niya sa templo, nilapitan siya ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda ng bayan habang siya ay nagtuturo. Sinabi nila sa kaniya: Sa anong kapamahalaan ginagawa mo ang mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng kapamahalaang ito?
24 Sumagot si Jesus sa kanila: Isang bagay lang ang itatanong ko sa inyo. Kung masasagot ninyo ako ay sasabihin ko rin sa inyo kung sa anong kapamahalaan mayroon ako upang gawin ang mga bagay na ito. 25 Saan nanggaling ang bawtismo ni Juan, ito ba ay mula sa langit o mula sa mga tao?
Sila ay nangatwiranan sa isa’t isa na sinasabi: Kapag sabihin nating mula sa langit, sasabihin niya sa atin: Kung gayon bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?
26 Ngunit kung sabihin nating mula sa mga tao, dapat tayong matakot sa mga tao sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta.
27 Sinagot nila si Jesus: Hindi namin alam.
Sinabi niya sa kanila:Kung gayon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ko ginagawa ang mga bagay na ito.
Ang Talinghaga Patungkol sa Dalawang Anak
28 Ngunit ano sa palagay ninyo? May isang tao na may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa una at sinabi: Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at gumawa ka roon.
29 Sumagot siya: Ayaw ko. Ngunit nagsisi siya at pumunta rin pagkatapos.
30 Lumapit siya sa pangalawang anak at gayundin ang sinabi. Sumagot siya: Pupunta ako. Ngunit hindi siya pumunta.
31 Sino sa kanilang dalawa ang gumanap ng kalooban ng ama?
Sinabi nila sa kaniya: Ang una.
Sinabi ni Jesus sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang mga maniningil ng buwis at mga patutot ay mauuna sa inyo sa pagpasok sa paghahari ng Diyos.
32 Ito ay sapagkat dumating sa inyo si Juan sa daan ng katuwiran at hindi ninyo siya pinaniwalaan. Ngunit pinaniwalaan siya ng mga maniningil ng buwis at ng mga patutot. Samantalang kayo, nakita ninyo ito ngunit hindi pa rin kayo nagsisi at naniwala sa kaniya.
Ang Talinghaga Patungkol sa mga Magsasaka
33 Narito ang isa pang talinghaga. May isang may-ari ng sambahayan na nagtanim ng ubasan. Binakuran niya ang palibot nito. Humukay siya roon ng isang pisaang-ubas at nagtayo ng isang mataas na bahay bantayan. Pagkatapos, ipinaupahan niya iyon sa mga magsasaka at pumunta sa malayong lupain.
34 Nang dumating na ang panahon ng pag-aani, sinugo niya ang kaniyang mga alipin sa mga magsasaka upang kunin ang kaniyang bahaging ani.
35 Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang kaniyang mga alipin. Hinagupit ang isa, pinatay ang iba pa at ang isa ay binato. 36 Muli siyang nagsugo ng mga alipin na higit na marami kaysa sa mga nauna. Gayundin ang ginawa sa kanila ng mga magsasaka. 37 Sa huli, ang kaniyang anak na lalaki ang kaniyang sinugo sa kanila na sinasabi: Igagalang nila ang aking anak.
38 Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang kaniyang anak, sinabi nila sa isa’t isa: Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya at kunin natin ang kaniyang mamanahin. 39 Sinunggaban nila siya. Itinapon nila siya sa labas ng ubasan at pinatay.
40 Sa pagbabalik nga ng panginoon ng ubasan, ano ang kaniyang gagawin sa mga magasasakang iyon?
41 Sinabi nila sa kaniya: Walang awa niyang pupuksain ang lahat ng mga tampalasang iyon. Ang ubasan naman ay ipauupahan niya sa ibang magsasaka na magbibigay sa kaniya ng mga bahaging ani pagdating ng panahon.
42 Sinabi ni Jesus sa kanila: Hindi ba ninyo kailanman nabasa sa kasulatan:
Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ay siya ring naging batong panulok. Ginawa ito ng Panginoon at kahanga-hanga sa ating mga paningin.
43 Kaya nga, sinasabi ko sa inyo: Ang paghahari ng Diyos ay aalisin sa inyo at ibibigay sa bansang nagbubunga nang nararapat sa paghahari dito. 44 Ang sinumang bumagsak sa ibabaw ng batong ito ay magkakapira-piraso at ang sinumang mabagsakan nito ay madudurog.
45 Nang marinig ng mga pinunong-saserdote at ng mga Fariseo ang talinghagang ito, naunawaan nila na sila ang tinutukoy niya. 46 Huhulihin sana nila siya ngunit natakot sila sa napakaraming tao sapagkat kinikilala nila siya na isang propeta.
Copyright © 1998 by Bibles International