Mateo 19
Magandang Balita Biblia
Katuruan tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(A)
19 Pagkatapos niyang ipangaral ang mga bagay na ito, umalis si Jesus sa Galilea at nagtungo sa lupain ng Judea, sa kabila ng Ilog Jordan. 2 Sinundan siya ng napakaraming tao, at doo'y pinagaling niya ang mga maysakit.
3 May ilang Pariseong lumapit sa kanya na humanap ng maipaparatang sa kanya. Tanong nila, “Naaayon ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa sa kahit anong dahilan?” 4 Sumagot(B) si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa na sa pasimula'y nilalang ng Diyos ang tao na lalaki at babae? 5 At(C) siya rin ang nagsabi, ‘Dahil dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina, at magsasama sila ng kanyang asawa at sila'y magiging isa.’ 6 Hindi na sila dalawa kundi iisa, kaya't ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”
7 Tinanong(D) siya ng mga Pariseo, “Kung gayon, bakit iniutos ni Moises na bigyan ng lalaki ang kanyang asawa ng isang kasulatan ng paghihiwalay bago niya ito palayasin?”
8 Sumagot si Jesus, “Ipinahintulot ni Moises na hiwalayan ninyo ang inyong asawa dahil sa katigasan ng inyong ulo. Subalit hindi ganoon sa pasimula. 9 Ito(E) ang sinasabi ko sa inyo, sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa, maliban kung ang asawa niya'y nakikiapid, [itinutulak niya ang kanyang asawa na mangalunya][a] at siya'y mag-asawa ng iba ay nagkakasala ng pangangalunya [at ang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya].”[b]
10 Sinabi naman ng mga alagad, “Kung ganyan po ang kalagayan ng lalaki sa kanyang asawa, mabuti pang huwag nang mag-asawa.”
11 Sumagot si Jesus, “Hindi lahat ay kayang tumanggap ng aral na ito kundi sila lamang na pinagkalooban ng Diyos. 12 Sapagkat may iba't ibang dahilan kung bakit may mga lalaking hindi makapag-asawa: ang ilan ay isinilang na may ganitong kapansanan; ang iba nama'y dahil sa kagagawan ng ibang tao; mayroon namang hindi nag-aasawa alang-alang sa kaharian ng langit. Hayaang tanggapin ang aral na ito ng may kakayahang tumanggap nito.”
Ipinanalangin ni Jesus ang mga Bata(F)
13 May nagdala ng mga bata kay Jesus upang ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay at sila'y ipanalangin. Ngunit pinagalitan sila ng mga alagad. 14 Sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng langit.” 15 Ipinatong nga niya sa mga bata ang kanyang kamay, at pagkatapos, siya'y umalis.
Ang Binatang Mayaman(G)
16 May isa namang lalaking lumapit kay Jesus at nagtanong, “Guro, anong mabuting bagay ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?”
17 Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatanong kung ano ang mabuti? Iisa lang ang mabuti. Ngunit kung nais mong magkamit ng buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos ng Diyos.”
18 “Alin(H) sa mga iyon?” tanong niya.
Sumagot si Jesus, “Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; 19 igalang(I) mo ang iyong ama at ina; at ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.”
20 Sinabi ng binata, “Sinunod ko na po ang lahat ng iyan. Ano pa po ang dapat kong gawin?”
21 Sumagot si Jesus, “Kung ibig mong maging ganap, ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi sa mga mahihirap. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” 22 Pagkarinig nito, malungkot na umalis ang binata sapagkat siya'y napakayaman.
23 Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Tandaan ninyo: napakahirap sa isang mayaman ang makapasok sa kaharian ng langit! 24 Sinasabi ko rin sa inyo: mas madali pang makadaan sa butas ng karayom ang isang kamelyo, kaysa makapasok sa kaharian ng Diyos ang isang mayaman.”
25 Lubhang nagtaka ang mga alagad sa kanilang narinig kaya't nagtanong sila, “Kung gayon, sino po ang maliligtas?” 26 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.”
27 Nagsalita naman si Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan namin ang lahat at kami'y sumunod sa inyo. Ano po naman ang para sa amin?”
28 Sinabi(J) sa kanila ni Jesus, “Tandaan ninyo: kapag naghahari na ang Anak ng Tao sa kanyang trono ng kaluwalhatian sa bagong daigdig, kayong sumunod sa akin ay uupo din sa labindalawang trono upang mamuno sa labindalawang lipi ng Israel. 29 Kapag iniwan ninuman ang kanyang tahanan, mga kapatid na lalaki at babae, ama, ina, [asawa,][c] mga anak, o mga lupain alang-alang sa akin ay tatanggap siya ng sandaang ibayo at pagkakalooban siya ng buhay na walang hanggan. 30 Ngunit(K) maraming nauuna na magiging huli, at maraming nahúhulí na mauuna.”
Footnotes
- Mateo 19:9 itinutulak niya...na mangalunya: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito.
- Mateo 19:9 at ang mag-asawa...ng pangangalunya: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito.
- Mateo 19:29 asawa: Sa ibang manuskrito’y hindi nakasulat ang salitang ito.
Mateo 19
Ang Biblia (1978)
19 At nangyari na nang (A)matapos ni Jesus ang mga salitang ito, ay umalis siya sa (B)Galilea at napasa (C)mga hangganan ng Judea sa dako pa roon ng Jordan;
2 At nagsisunod sa kaniya ang lubhang maraming tao, at sila'y pinagaling niya doon.
3 At nagsilapit sa kaniya ang mga Fariseo, na siya'y tinutukso nila, at kanilang sinasabi, Naaayon baga sa kautusan na (D)ihiwalay ng isang lalake ang kaniyang asawa sa bawa't kadahilanan?
4 At siya'y sumagot at sinabi, Hindi baga ninyo nabasa, na ang lumalang sa kanila buhat sa pasimula, ay sila'y nilalang niya na lalake at babae,
5 At sinabi, (E)Dahil dito'y iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ina, at makikisama sa kaniyang asawa; at ang dalawa ay (F)magiging isang laman?
6 Kaya nga hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Ang pinapagsama nga ng Dios, ay huwag papaghiwalayin ng tao.
7 Sinabi nila sa kaniya, (G)Bakit nga ipinagutos ni Moises na magbigay ng kasulatan sa paghihiwalay, at ihiwalay ang babae?
8 Sinabi niya sa kanila, Dahil sa katigasan ng inyong puso ay ipinaubaya sa inyo ni Moises na inyong hiwalayan ang inyong mga asawa: datapuwa't buhat sa pasimula ay hindi gayon.
9 At sinasabi ko sa inyo, Sinomang ihiwalay ang kaniyang asawang babae, liban na kung sa pakikiapid, at magasawa sa iba, ay nagkakasala ng pangangalunya: at ang magasawa sa babaing yaon na hiniwalayan ay nagkakasala ng pangangalunya.
10 Ang mga alagad ay nangagsasabi sa kaniya, Kung ganyan ang kalagayan ng lalake sa kaniyang asawa, ay hindi nararapat magasawa.
11 Datapuwa't sinabi niya sa kanila, (H)Hindi matatanggap ng lahat ng mga tao ang pananalitang ito, kundi niyaong mga (I)pinagkalooban.
12 Sapagka't may mga bating, na ipinanganak na gayon mula sa tiyan ng kanilang mga ina: at may mga bating, na ginagawang bating ng mga tao: at (J)may mga bating, na nangagpapakabating sa kanilang sarili dahil sa kaharian ng langit. Ang makakatanggap nito, ay pabayaang tumanggap.
13 Nang magkagayon ay dinala (K)sa kaniya ang maliliit na bata, upang ipatong niya ang kaniyang mga kamay sa kanila, at ipanalangin: at sinaway sila ng mga alagad.
14 Datapuwa't sinabi ni Jesus, Pabayaan ninyo ang maliliit na bata, at huwag ninyong pagbawalan silang magsilapit sa akin: sapagka't (L)sa mga ganito ang kaharian ng langit.
15 At ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa kanila, at umalis doon.
16 At narito, lumapit sa kaniya ang (M)isa, at nagsabi, (N)Guro, ano ang mabuting bagay na gagawin ko upang ako'y magkaroon ng buhay na walang hanggan?
17 At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa mabuti? May isa, na siyang mabuti: datapuwa't (O)kung ibig mong pumasok sa buhay, ingatan mo ang mga utos.
18 Sinabi niya sa kaniya, Alin-alin? At sinabi ni Jesus, (P)Huwag kang papatay, Huwag kang mangangalunya, Huwag kang magnanakaw, Huwag sasaksi sa di katotohanan,
19 Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, (Q)Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.
20 Sinabi sa kaniya ng binata, Ang lahat ng mga bagay na ito ay ginanap ko: ano pa ang kulang sa akin?
21 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Kung ibig mong maging (R)sakdal, (S)humayo ka, ipagbili mo ang tinatangkilik mo, at ibigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin.
22 Datapuwa't nang marinig ng binata ang ganitong pananalita, ay yumaon siyang namamanglaw; sapagka't siya'y isang may maraming pagaari.
23 At sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Mahirap na makapasok ang (T)isang taong mayaman sa kaharian ng langit.
24 (U)At muling sinasabi ko sa inyo, Magaan pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom, kay sa isang taong mayaman ang pumasok sa kaharian ng Dios.
25 At nang marinig ito ng mga alagad, ay lubhang nangagtaka, na nagsisipagsabi, Sino nga kaya ang makaliligtas?
26 At pagtingin ni Jesus ay sinabi sa kanila, Hindi mangyayari ito sa mga tao; datapuwa't (V)sa Dios ang lahat ng mga bagay ay mangyayari.
27 Nang magkagayo'y sumagot si Pedro at sinabi sa kaniya, Narito, (W)iniwan namin ang lahat, at nagsisunod sa iyo: ano nga baga ang kakamtin namin?
28 At sinabi ni Jesus sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kayong nagsisunod sa akin, sa (X)pagbabagong lahi pagka uupo na ang Anak ng tao sa luklukan ng kaniyang kaluwalhatian, (Y)kayo nama'y magsisiupo sa labingdalawang luklukan, (Z)upang magsihukom sa labingdalawang angkan ng Israel.
29 At ang bawa't magiwan ng mga bahay, o mga kapatid na lalake, o mga kapatid na babae, o ama, o ina, o mga anak, o mga lupa, dahil sa aking pangalan, ay tatanggap ng tigisang daan, at magsisipagmana ng walang hanggang buhay.
30 Datapuwa't maraming mga una na (AA)mangahuhuli; at (AB)mga huli na mangauuna.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978