Mateo 13:1-30
Ang Salita ng Diyos
Ang Talinghaga Patungkol sa Manghahasik
13 Nang araw ring iyon, lumabas ng bahay si Jesusat umupo sa tabing-lawa.
2 Pinalibutan siya ng napakaraming tao, kaya pumunta siya sa isang bangka. Doon siya umupo habang ang buong karamihan naman ay nakatayo sa tabing-lawa. 3 Maraming bagay ang sinabi niya sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga.Sinabi niya: Narito, lumabas ang isang manghahasik upang maghasik. 4 Sa kaniyang paghahasik, may ilang binhing nahulog sa tabing-daan. Dumating ang mga ibon at kinain ang mga ito. 5 Ang ilan naman ay nahulog sa mga mabatong lugar at doon ay walang sapat na lupa. Tumubo agad ang mga ito, palibhasa hindi malalim ang lupa. 6 Pagsikat ng araw, nalanta ang mga ito, at dahil sa walang ugat, tuluyan nang nanuyot. 7 Ang ilan naman ay nahulog sa dawagan. Lumago ang mga dawag at siniksik ang mga ito. 8 Ngunit ang ilan ay nahulog sa matabang lupa at nagbunga. Ang ilan ay nagbunga ng tig-iisangdaan, ang ilan ay tig-aanimnapu at ang ilan naman ay tig-tatatlumpu. 9 Ang mga may pandinig ay makinig.
10 Dumating ang mga alagad at sinabi nila sa kaniya: Bakit ka nagsasalita sa kanila sa mga talinghaga?
11 Sumagot siya sa kanila: Ito ay sapagkat ipinagkaloob sa inyo na makaalam ng mga hiwaga ng paghahari ng langit. Ngunit hindi ito ipinagkaloob sa kanila. 12 Ito ay sapagkat ang sinumang mayroon ay bibigyan pa, at magkakaroon ng sagana.Ngunit ang sinumang wala, aalisin pa ang nasa kaniya. 13 Kaya nga, nagsasabi ako sa kanila sa mga talinghaga.
Ito ay sapagkat tumitingin sila at hindi nakakakita. May pinapakinggan sila ngunit hindi sila totoong nakikinig at hindi sila nakakaunawa.
14 Natupad sa kanila ang isinulat ni propeta Isaias na sinasabi:
Sa pamamagitan ng pakikinig ay makakarinig kayo ngunit hindi kayo makakaunawa. Sa pagtingin ay makakakita kayo, ngunit hindi kayo makakatalos.
15 Ito ay sapagkat ang mga puso ng mga taong ito ay matigas na. Nahihirapan nang makinig ang kanilang tainga. Ipinikit na nila ang kanilang mga mata. Kung hindi ay baka makakita pa ang kanilang mga mata at makarinig ang kanilang mga tainga. Baka makaunawa pa ang kanilang mga puso at manumbalik sila, at aking pagagalingin.
16 Pinagpala ang inyong mga mata sapagkat ang mga ito ay nakakakita. Pinagpala ang iyong mga tainga sapagkat ang mga ito ay nakakarinig. 17 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Maraming propeta at mga taong matuwid ang mahigpit na naghangad na makita ang mga bagay na inyong nakikita, ngunit hindi nila nakita. Hinangad nilang marinig ang mga bagay na inyong naririnig ngunit hindi nila narinig.
18 Kaya nga, pakinggan ninyo ang talinghaga patungkol sa manghahasik. 19 Ang sinumang nakikinig sa salita ng paghahari ng Diyos at hindi ito nauunawaan ay pinupuntahan ng masama.Inaagaw nito ang salitang naihasik na sa kaniyang puso. Siya itong nahasikan ng binhi sa tabing-daan. 20 Ang mga naihasik na binhi sa mabatong lupa ay ang mga nakikinig ng salita, at agad-agad itong tinanggap nang buong galak. 21 Ngunit wala itong ugat sa kaniyang sarili kaya hindi ito nagtagal. Kapag dumating ang paghihirap o pag-uusig dahil sa salita, kaagad itong natitisod. 22 Ang mga naihasik sa mga dawagan ay ang nakikinig ng salita. Ngunit ang kabalisahan ng kapanahunang ito at ang daya ng kayamanan ang dumaig sa salita, at hindi ito nagbunga. 23 Ang mga naihasik sa matabang lupa ay ang nakikinig ng salita at nauunawaan ito. Kaya naman, ito ay nagbubunga, ang ilan ay tig-iisangdaan, ang ilan ay tig-aanimnapu at ang ilan ay tig-tatatlumpu.
Ang Talinghaga Ukol sa Masamang Damo
24 Isinalaysay niya ang isa pang talinghaga sa kanila na sinasabi: Ang paghahari ng langit ay natutulad sa isang lalaki na naghasik ng mabuting binhi sa kaniyang bukirin.
25 Ngunit habang natutulog ang mga tao, dumating ang kaniyang kaaway. Naghasik siya ng masamang damo sa pagitan ng mga trigo at umalis. 26 Nang sumibol na ang mga usbong ng trigo at namunga, lumitaw rin ang mga masamang damo.
27 Kaya ang mga alipin ng may-ari ng sambahayan ay lumapit sa kaniya at sinabi: Ginoo, hindi ba mabubuting binhi ang iyong inihasik sa iyong bukid? Kung gayon, saan nanggaling ang masasamang damong ito?
28 Sinabi niya: Isang kaaway ang may kagagawan nito.
Sinabi ng mga alipin sa kaniya: Kung gayon, ibig mo bang tipunin namin ang mga ito?
29 Ngunit sinabi niya: Huwag. Ito ay sapagkat baka sa pagtipon ninyo ng masasamang damo ay mabunot din ninyo ang mga trigo. 30 Pabayaan ninyong kapwa silang tumubo hanggang sa anihan. Sa panahon ng anihan, sasabihin ko sa mang-aani: Tipunin muna ninyo ang masasamang damo at inyong pagbigkis-bigkisin upang sunugin. Ngunit ang mga trigo ay tipunin sa aking bangan.
Read full chapterCopyright © 1998 by Bibles International