Add parallel Print Page Options

24 Pero nang marinig ito ng mga Pariseo, sinabi nila, “Si Satanas[a] na pinuno ng masasamang espiritu ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu!” 25 Alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya sinabi niya sa kanila, “Kung ang mga mamamayan ng isang kaharian ay nagkakahati-hati at nag-aaway-away, mawawasak ang kahariang iyon. Ganito rin ang mangyayari sa isang lungsod o tahanan na ang mga nakatira ay nag-aaway-away. 26 Kaya kung si Satanas mismo ang nagpapalayas sa kanyang mga kampon, nagpapakita lang ito na nagkakahati-hati sila at nag-aaway-away. Kung ganoon, paano mananatili ang kanyang kaharian? 27 At kung si Satanas nga ang nagbigay sa akin ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, sino naman ang nagbigay ng kapangyarihan sa mga tagasunod ninyo na nagpapalayas din ng masasamang espiritu? Sila na rin ang nagpapatunay na mali kayo. 28 Ngayon, kung nagpapalayas ako ng masasamang espiritu sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios, nangangahulugan ito na dumating na sa inyo ang paghahari ng Dios.

29 “Hindi maaaring pasukin ng magnanakaw ang bahay ng malakas na tao kung hindi muna niya ito gagapusin. Ngunit kapag naigapos na niya, maaari na niyang nakawan ang bahay nito.[b]

30 “Ang hindi kampi sa akin ay laban sa akin, at ang hindi tumutulong sa aking pagtitipon ay nagkakalat. 31 Sinasabi ko sa inyo na ang lahat ng kasalanan, pati na ang paglapastangan sa Dios ay mapapatawad, ngunit ang paglapastangan sa Banal na Espiritu ay hindi mapapatawad. 32 Ang sinumang magsalita ng masama laban sa akin na Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit ang sinumang magsalita ng masama laban sa Banal na Espiritu ay hindi mapapatawad kailanman.”

Nakikilala ang Puno sa Bunga Nito(A)

33 “Nakikilala ang puno sa bunga nito. Kung mabuti ang puno, mabuti rin ang bunga nito. Kung masama ang puno, masama rin ang bunga nito. 34 Mga lahi kayo ng ahas! Paano kayo makakapagsalita ng mabuti gayong masasama kayo? Sapagkat kung ano ang laman ng puso ng isang tao, ito ang lumalabas sa kanyang bibig. 35 Ang mabuting tao ay nagsasalita ng mabuti, dahil puno ng kabutihan ang kanyang puso. Pero ang masamang tao ay nagsasalita ng masama, dahil puno ng kasamaan ang kanyang puso. 36 Tinitiyak ko sa inyo na sa Araw ng Paghuhukom, mananagot ang bawat isa sa mga walang kwentang salitang binitiwan niya. 37 Sapagkat ibabatay sa mga salita mo kung paparusahan ka o hindi.”

Humingi ng Himala ang mga Tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo(B)

38 May ilang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na nagsabi kay Jesus, “Guro, pakitaan nʼyo kami ng isang himalang magpapatunay na sugo nga kayo ng Dios.” 39 Sumagot si Jesus, “Kayong henerasyon ng masasama at hindi tapat sa Dios! Humihingi kayo ng himala, pero walang ipapakita sa inyo maliban sa himalang katulad ng nangyari kay Propeta Jonas. 40 Kung paanong nasa tiyan ng dambuhalang isda si Jonas sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi, ganoon din naman ang mangyayari sa akin na Anak ng Tao. Tatlong araw at tatlong gabi rin ako sa ilalim ng lupa. 41 Sa Araw ng Paghuhukom, tatayo[c] ang mga taga-Nineve at kokondenahin ang henerasyong ito, dahil nagsisi sila nang mangaral sa kanila si Jonas. At ngayon, narito ang higit pa kay Jonas, na nangangaral sa inyo, pero ayaw nʼyong magsisi. 42 Maging ang Reyna ng Timog ay tatayo rin at kokondenahin ang henerasyong ito. Sapagkat nanggaling pa siya sa napakalayong lugar para makinig sa karunungan ni Solomon. At ngayon, narito ang higit pa kay Solomon, pero ayaw ninyong makinig sa kanya.”

Ang Pagbabalik ng Masamang Espiritu(C)

43 “Kapag lumabas ang masamang espiritu sa tao, gumagala ito sa mga tuyong lugar upang maghanap ng mapagpapahingahan. At kung wala siyang matagpuan, 44 iisipin na lang niyang bumalik sa kanyang pinanggalingan. At kung sa kanyang pagbabalik ay makita niya itong walang naninirahan, malinis at maayos ang lahat, 45 aalis siya at tatawag ng pito pang espiritu na mas masama kaysa sa kanya. Papasok sila sa taong iyon at doon maninirahan. Kaya lalo pang sasama ang kalagayan ng taong iyon kaysa sa dati. Ganyan din ang mangyayari sa masamang henerasyong ito.”

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(D)

46 Habang nagsasalita pa si Jesus sa mga tao, dumating ang ina niya at mga kapatid. Naghihintay sila sa labas at gusto nila siyang makausap. 47 May nagsabi sa kanya, “Nasa labas ang po ang inyong ina at mga kapatid, at gusto kayong makausap.” 48 Sumagot si Jesus, “Sino ang aking ina at mga kapatid?” 49 Itinuro niya ang mga tagasunod niya at sinabi, “Ito ang aking ina at mga kapatid. 50 Sapagkat ang sinumang sumusunod sa kalooban ng aking Ama sa langit ang siya kong ina at mga kapatid.”

Read full chapter

Footnotes

  1. 12:24 Satanas: sa Griego, Beelzebul. Ganito rin sa talatang 27.
  2. 12:29 Ang ibig sabihin ni Jesus, nilupig na niya si Satanas at kaya na niyang palayasin ang mga sakop nito.
  3. 12:41 tatayo: o, muling mabubuhay.