Mateo 5
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang mga Mapalad
5 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, umakyat siya sa bundok at naupo roon. Lumapit sa kanya ang mga tagasunod niya, 2 at nagsimula siyang mangaral. Sinabi niya,
3 “Mapalad ang mga taong inaaming nagkulang sila sa Dios,
dahil makakasama sila sa kaharian ng Dios.
4 Mapalad ang mga naghihinagpis,
dahil aaliwin sila ng Dios.
5 Mapalad ang mga mapagpakumbaba,
dahil mamanahin nila ang mundo.[a]
6 Mapalad ang mga taong ang hangad ay matupad ang kalooban ng Dios,
dahil tutulungan sila ng Dios na matupad iyon.
7 Mapalad ang mga maawain,
dahil kaaawaan din sila ng Dios,
8 Mapalad ang mga taong may malinis na puso,
dahil makikita nila ang Dios.
9 Mapalad ang mga taong nagtataguyod ng kapayapaan,
dahil tatawagin silang mga anak ng Dios.
10 Mapalad ang mga dumaranas ng pag-uusig dahil sa pagsunod nila sa kalooban ng Dios,
dahil makakasama sila sa kaharian ng Dios.
11 “Mapalad kayo kung dahil sa pagsunod ninyo sa akin ay iniinsulto kayo, inuusig at pinaparatangan ng masama. 12 Ganoon din ang ginawa nila sa mga propeta noong una. Kaya magalak kayo dahil malaki ang gantimpala ninyo sa langit.”
Ang Asin at Ilaw(A)
13 “Kayong mga tagasunod ko ang nagsisilbing asin sa mundo. Ngunit kung mag-iba ang lasa[b] ng asin, wala nang magagawa para ibalik ang lasa nito. Wala na itong pakinabang kaya itinatapon na lang at tinatapak-tapakan ng mga tao.
14 “Kayo ang nagsisilbing ilaw sa mundo. At ito ay makikita nga tulad ng lungsod na itinayo sa ibabaw ng isang burol na hindi maitago. 15 Walang taong nagsindi ng ilaw at pagkatapos ay tatakpan ng takalan. Sa halip, inilalagay ang ilaw sa patungan upang magbigay-liwanag sa lahat ng nasa bahay. 16 Ganoon din ang dapat ninyong gawin. Pagliwanagin ninyo ang inyong ilaw sa mga tao, upang makita nila ang mabubuting gawa ninyo at pupurihin nila ang inyong Amang nasa langit.”
Ang Turo tungkol sa Kautusan
17 “Huwag ninyong isipin na naparito ako upang ipawalang-saysay ang Kautusan ni Moises at ang isinulat ng mga propeta. Naparito ako upang tuparin ang mga ito. 18 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hanggaʼt may langit at may lupa, kahit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan ay hindi mawawalan ng kabuluhan hanggaʼt hindi natutupad ang lahat.[c] 19 Kaya ang sinumang lumabag sa pinakamaliit na bahagi ng Kautusan, at magturo sa iba na lumabag din ay ituturing na pinakamababa sa kaharian ng Dios. Ngunit ang sinumang sumusunod sa Kautusan, at nagtuturo sa iba na sumunod din ay ituturing na dakila sa kaharian ng Dios. 20 Kaya tandaan ninyo: kung hindi ninyo mahihigitan ang pagsunod ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga Pariseo sa kalooban ng Dios, hindi kayo makakapasok sa kaharian ng Dios.”
Ang Turo tungkol sa Galit
21 Sinabi pa ni Jesus, “Narinig ninyo na sinabi noong una sa ating mga ninuno, ‘Huwag kayong papatay,[d] dahil ang sinumang pumatay ay parurusahan.’ 22 Ngunit sinasabi ko sa inyo na ang may galit sa kanyang kapatid ay parurusahan din. At ang humamak sa kanyang kapatid at magsabi sa kanya, ‘Wala kang silbi!’ ay dadalhin sa mataas na hukuman. At ang sinumang magsabi ng ‘Ulol ka!’ sa kanyang kapatid ay mapupunta sa apoy ng impyerno. 23 Kaya kung nasa altar ka at nag-aalay ng iyong handog sa Dios, at maalala mong may hinanakit sa iyo ang iyong kapatid, 24 iwanan mo muna ang handog mo sa harap ng altar. Makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid at saka ka bumalik at maghandog sa Dios.”
25 “Kapag may nagdedemanda sa iyo, makipag-ayos ka kaagad sa kanya habang papunta pa lang kayo sa hukuman. Dahil kapag nasa hukuman na kayo, ibibigay kayo ng hukom sa alagad ng batas upang ipabilanggo. 26 Tinitiyak ko sa iyo, hindi ka makakalabas ng bilangguan hanggaʼt hindi mo nababayaran ang kabuuan ng utang mo.”[e]
Ang Turo tungkol sa Pangangalunya
27 “Narinig ninyo na sinabi noong una, ‘Huwag kang mangangalunya.’[f] 28 Ngunit sinasabi ko sa inyo na ang tumingin lang sa isang babae nang may masamang pagnanasa ay nagkasala na ng pangangalunya sa kanyang isip. 29 Kaya kung ang kanang mata mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mas mabuti pang mawalan ka ng isang parte ng iyong katawan kaysa sa buo ang katawan mo pero itatapon ka naman sa impyerno. 30 At kung ang kanang kamay mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon! Mas mabuti pang mawalan ka ng isang parte ng katawan kaysa sa buo ang katawan mo pero itatapon ka naman sa impyerno.”
Ang Turo tungkol sa Paghihiwalay(B)
31 “Sinabi rin noong una, ‘Kung nais ng isang lalaki na hiwalayan ang kanyang asawa, kinakailangang bigyan niya ito ng kasulatan ng paghihiwalay.’[g] 32 Ngunit sinasabi ko sa inyo na kapag hiniwalayan ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan maliban sa sekswal na imoralidad, siya na rin ang nagtulak sa kanyang asawa na mangalunya kapag nag-asawa itong muli. At ang sinumang mag-asawa ng babaeng hiniwalayan ay nagkasala rin ng pangangalunya.”
Ang Turo tungkol sa Panunumpa
33 “Narinig din ninyo na sinabi noong una sa ating mga ninuno, ‘Kapag ang tao ay nangako at nanumpa pa sa pangalan ng Panginoon, kailangang tuparin niya ito.’[h] 34 Ngunit sinasabi ko sa inyo na kung mangangako kayo, huwag kayong susumpa. Huwag ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang langit,’ dahil naroon ang trono ng Dios, 35 o ‘Saksi ko ang lupa,’ dahil ito ang tuntungan ng kanyang paa. At huwag din ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang Jerusalem,’ dahil ito ang lungsod ng dakilang hari. 36 At huwag din ninyong sasabihing, ‘Kahit mamatay pa ako,’ dahil ni isang buhok mo ay hindi mo kayang paputiin o paitimin. 37 Sabihin mo na lang na ‘Oo’ kung oo, at ‘Hindi’ kung hindi; dahil kung manunumpa pa kayo, galing na iyan sa diyablo.”
Huwag Maghiganti(C)
38 “Narinig ninyo na sinabi noong una, ‘Mata sa mata, ngipin sa ngipin.’ 39 Ngunit sinasabi ko sa inyo na huwag ninyong gantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama. Kung sampalin ka sa kanang pisngi, iharap mo pa ang kaliwa. 40 Kung ihabla ka ng sinuman at kunin ang iyong damit, ibigay mo na rin pati ang iyong balabal. 41 Kung sapilitang ipapasan sa iyo ng isang sundalo ang dala niya ng isang kilometro, dalhin mo ito ng dalawang kilometro. 42 Bigyan mo ang nanghihingi sa iyo, at huwag mong tanggihan ang nanghihiram sa iyo.”
Mahalin Ninyo ang Inyong Kaaway(D)
43 “Narinig ninyo na sinabi noong una, ‘Mahalin mo ang iyong kaibigan, at kapootan mo ang iyong kaaway.’ 44 Ngunit sinasabi ko sa inyo na mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo. 45 Kung gagawin ninyo ito, magiging tunay na anak kayo ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat hindi lang sa mabubuting tao niya pinapasikat ang araw kundi pati na rin sa masasama. At hindi lang ang matutuwid ang binibigyan niya ng ulan kundi pati na rin ang mga hindi matuwid. 46 Kung ang mamahalin lang ninyo ay ang mga nagmamahal sa inyo, anong gantimpala ang matatanggap ninyo mula sa Dios? Hindi baʼt ginagawa rin iyan ng mga maniningil ng buwis na itinuturing na masasama? 47 At kung ang binabati lang ninyo ay ang mga kaibigan[i] ninyo, ano ang ginawa ninyo na nakakahigit sa iba? Hindi baʼt ginagawa rin iyan ng mga taong hindi kumikilala sa Dios? 48 Kaya dapat kayong maging ganap,[j] tulad ng inyong Amang nasa langit.”
Footnotes
- 5:5 mundo: Ang ibig sabihin, ang bagong mundo sa hinaharap.
- 5:13 mag-iba ang lasa: o, mawalan ng lasa.
- 5:18 hanggaʼt hindi natutupad ang lahat ng layunin ng Kautusan: o, hanggaʼt hindi natutupad ang lahat ng mangyayari sa hinaharap.
- 5:21 Exo. 20:13; Deu. 5:17.
- 5:26 utang: o, multa.
- 5:27 Deu. 5:18.
- 5:31 Deu. 24:1.
- 5:33 Lev. 19:12; Bil. 30:2; Deu. 23:21.
- 5:47 kaibigan: o, kapwa Judio; o, kapatid sa pananampalataya.
- 5:48 ganap: Maaaring ang ibig sabihin ay walang kapintasan sa kanilang pakikitungo sa iba.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®