Mateo 12
Ang Salita ng Diyos
Panginoon ng Sabat
12 Nang panahong iyon, sa araw ng Sabat, naglakad si Jesus sa triguhan. Kasama niya ang kaniyang mga alagad, at sila ay nagutom. Nagsimula silang pumigtal ng uhay ng trigo at kinain nila.
2 Ngunit nang makita ito ng mga Fariseo, sinabi nila sa kaniya: Narito, ang iyong mga alagad ay gumagawa ng gawaing labag sa kautusan sa araw ng Sabat.
3 Ngunit sinabi niya sa kanila: Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David noong siya at ang kaniyang mga kasama ay nagutom? 4 Pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinain ang mga tinapay na inihandog. Subalit labag sa kautusan na siya at ang mga kasama niya na kumain nito, dahil ito ay para sa mga saserdote lamang. 5 O, hindi ba ninyo nabasa sa Kautusan, kung paanong sa mga araw ng Sabat, na ang mga saserdote sa templo ay lumabag sa araw ng Sabat, at hindi sila nagkasala? 6 Ngunit sinasabi ko sa inyo na naririto ang isang lalo pang dakila kaysa sa templo. 7 Ngunit kung alam lamang ninyo kung ano ang kahulugan nito: Habag ang ibig ko at hindi hain, hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang kasalanan. 8 Ito ay sapagkat ang Anak ng Tao ay Panginoon ng araw ng Sabat.
9 Pagkaalis niya roon, pumasok siya sa kanilang sinagoga. 10 Narito, may isang lalaking naroroon na tuyot ang kamay. Tinanong nila siya na sinabi: Naaayon ba sa kautusan ang magpagaling sa araw ng Sabat? Tinanong nila siya upang may maiparatang sila sa kaniya.
11 Sinabi niya sa kanila: Kung ang sinuman sa inyo ay may isang tupa at nahulog ito sa malalim na hukay sa araw na Sabat, hindi ba ninyo ito kukunin at iaahon? 12 Ang isang tao ay higit na mahalaga kaysa sa tupa. Kaya naaayon sa kautusan ang gumawa ng mabuti sa araw ng Sabat.
13 Nang magkagayon, sinabi niya sa lalaki: Iunat mo ang iyong kamay. Iniunat niya ito at gumaling ito at naging katulad ng isa. 14 Nang magkagayon, umalis ang mga Fariseo at nagpulong sila nang laban sa kaniya, kung papaano nila siya papatayin.
Ang Lingkod na Hinirang ng Diyos
15 Ngunit alam ito ni Jesus. At lumayo siya roon. Napakaraming tao ang sumunod sa kaniya at pinagaling niya silang lahat.
16 Ipinagbilin niya sa kanila na huwag nilang ihayag kung sino siya. 17 Ito ay upang matupad ang sinabi ni propeta Isaias, na sinasabi:
18 Masdan ninyo ang lingkod ko na aking hinirang. Minahal ko siya at labis na kinalulugdan ng aking kaluluwa. Ibibigay ko ang aking Espiritu sa kaniya at ihahayag niya ang paghatol sa mga Gentil. 19 Hindi siya makikipagtalo o sisigaw man, ni walang makakarinig ng kaniyang tinig sa mga lansangan. 20 Hindi niya babaliin ang gapok na tambo. Hindi rin niya papatayin ang mitsang umuusok, hanggang hindi niya napagtatagumpay ang paghatol. 21 Sa kaniyang pangalan aasa ang mga Gentil.
Paanong Mapapalabas ni Satanas si Satanas?
22 Pagkatapos, dinala nila sa kaniya ang isang inaalihan ng demonyo. Ito ay bulag at pipi. Pinagaling niya ito, at siya ay nakapagsalita at nakakita.
23 Nanggilalas ang lahat ng mga tao na sinabi: Hindi ba ito ang Anak ni David?
24 Ngunit nang marinig ito ng mga Fariseo, sinabi nila:Ang taong ito ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub na pinuno ng mga demonyo.
25 Ngunit alam ni Jesus ang kanilang mga kaisipan. Sinabi niya sa kanila: Ang bawat paghaharing nagkakabaha-bahagi sa kaniyang sarili ay mawawasak. Ang bawat lungsod o sambahayan na nagkakabaha-bahagi sa kaniyang sarili ay hindi makakatayo. 26 Kung si Satanas ay nagpapalayas kay Satanas, nahahati siya laban sa kaniyang sarili. Kung gayon, papaano pa makakatayo ang kaniyang paghahari? 27 Kung ako ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub, sa pamamagitan nino nagpapalayas ng mga demonyo ang inyong mga anak? Kaya nga, sila ang magiging mga tagahatol ninyo. 28 Ngunit yamang ako ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos, dumating na nga sa inyo ang paghahari ng Diyos.
29 O, paano ba mapapasok ng isang tao ang bahay ng isang malakas na tao at masamsam ang kaniyang mga ari-arian? Hindi ba kailangang gapusin muna niya ang malakas na tao? Pagkatapos, masasamsam na niya ang kaniyang bahay.
30 Ang hindi pumapanig sa akin ay laban sa akin. Ang hindi sumasama sa akin ay mangangalat. 31 Kaya nga, sinasabi ko sa inyo: Lahat ng uri ng kasalanan at pamumusong ay ipatatawad sa mga tao. Ngunit ang pamumusong laban sa Banal na Espiritu ay hindi ipatatawad sa mga tao. 32 Ang sinumang mamusong laban sa Anak ng Tao ay ipatatawad sa kaniya. Ngunit ang sinumang magsalita laban sa Banal na Espiritu ay hindi siya mapapatawad sa kapanahunang ito, maging sa darating pa.
33 Gawin ninyong mabuti ang punong-kahoy at mabuti ang magiging bunga nito. O kaya naman, pasamain ninyo ang punong-kahoy at masama ang magiging bunga nito. Ito ay sapagkat ang punong-kahoy ay nakikilala sa pamamagitan ng kaniyang bunga. 34 O, kayong anak ng mga ulupong! Papaano kayo makakapagsalita ng mabubuting bagay gayong napakasama ninyo? Ito ay sapagkat mula sa kasaganaan ng puso nagsasalita ang bibig. 35 Ang isang mabuting tao ay nagbubunga ng mabubuting bagay mula sa mabuting kayamanan ng kaniyang puso. Ang masamang tao ay kumukuha ng masasamang bagay mula sa masamang kayamanan ng kaniyang puso. 36 Ngunit sinasabi ko sa inyo: Sa bawat salitang walang kabuluhan na sabihin ng mga tao, magbibigay-sulit nga sila sa araw ng paghuhukom. 37 Ito ay sapagkat sa iyong mga salita ikaw ay mapapaging-matuwid, at sa iyong mga salita ay hahatulan ka.
Si Jonas Bilang Isang Tanda
38 Nang magkagayon, ang ilan sa mga guro ng kautusan at mga Fariseo ay sumagot sa kaniya: Ibig naming makakita ng isang tanda mula sa iyo.
39 Ngunit sinabi niya sa kanila: Kayo ay isang lahing masama at mapangalunya. Mahigpit kayong naghahangad ng isang tanda. Walang tanda na ibibigay sa inyo kundi ang tanda ni Jonas na propeta. 40 Ito ay sapagkat kung paanong si Jonas ay nasa loob ng tiyan ng balyena sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi, gayundin naman ang Anak ng Tao. Siya ay pupunta sa kailaliman ng lupa sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi. 41 Ang mga lalaki sa Nineve ay titindig sa araw ng paghuhukom na kasama ng lahing ito. Sila ang hahatol sa lahing ito sapagkat nagsisi sila sa pangangaral ni Jonas. At narito, ang isang higit na dakila kaysa kay Jonas. 42 Ang Reyna ng Timog ay titindig sa araw ng paghuhukom kasama ng lahing ito. Siya ang hahatol sa lahing ito sapagkat nanggaling pa siya sa dulo ng daigdig upang pakinggan ang karunungan ni Solomon. At narito, ang isang higit na dakila kaysa kay Solomon.
43 Kapag ang karumal-dumal na espiritu ay lumabas sa isang tao, gumagala siya sa mga tuyong dako. Naghahanap siya ng mapagpapahingahan ngunit wala siyang matagpuan. 44 Kaya sasabihin niya: Babalik ako sa bahay na pinanggalingan ko. At sa pagbalik niya, matatagpuan niya itong walang laman, nawalisan at nagayakan na. 45 Kung magkagayon, paroroon siya at magsasama ng pito pang espiritu,[a] na higit pang masama kaysa sa kaniya. Papasok sila roon at doon maninirahan. Kaya ang sasapitin ng lalaking iyon ay masahol pa kaysa rati. Gayundin naman ang mangyayari sa masamang lahing ito.
Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus
46 Samantalang nagsasalita pa siya sa mga tao, narito, ang kaniyang ina at kaniyang mga nakakabatang kapatid na lalaki ay nakatayo sa labas. Ibig nila siyang makausap.
47 At may nagsabi sa kaniya: Narito ang iyong ina at iyong mga nakakabatang kapatid na lalaki, na nakatayo sa labas. Ibig ka nilang makausap.
48 Ngunit si Jesus ay sumagot sa kaniya: Sino ang aking ina at sino ang aking mga kapatid na lalaki? 49 Iniunat niya ang kaniyang kamay at itinuro ang kaniyang mga alagad na sinabi: Narito ang aking ina at mga kapatid na lalaki. 50 Ito ay sapagkat ang sinumang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit ay siyang aking kapatid na lalaki at kapatid na babae at ina.
Footnotes
- Mateo 12:45 O demonyo.
Copyright © 1998 by Bibles International