Mateo 1
Ang Salita ng Diyos
Ang Talaan ng mga Ninuno ni Jesucristo
1 Ang aklat ng talaan ng angkan ni Jesucristo, na anak ni David, na anak ni Abraham.
2 Naging anak ni Abraham si Isaac at naging anak ni Isaac si Jacob. Naging anak naman ni Jacob si Juda at ang kaniyang mga kapatid. 3 Naging anak ni Juda kay Tamar sina Fares at Zara. Naging anak naman ni Fares si Esrom at naging anak ni Esrom si Aram. 4 Naging anak ni Aram si Abinadab at naging anak ni Abinadab si Naason. Naging anak naman ni Naason si Salmon. 5 Naging anak ni Salmon kay Rahab si Booz at naging anak ni Booz kay Ruth si Obed. Naging anak naman ni Obed si Jesse.
6 Naging anak ni Jesse si haring David at naging anak ni haring David si Solomon sa naging asawa ni Urias. 7 Naging anak ni Solomon si Rehoboam at naging anak ni Rehoboam si Abias. Naging anak naman ni Abias si Asa. 8 Naging anak ni Asa si Jehosafat at naging anak naman ni Jehosafat si Joram. Naging anak naman ni Joram si Uzia. 9 Naging anak ni Uzia si Jotam at naging anak ni Jotam si Acas. Naging anak naman ni Acas si Hezekia. 10 Naging anak ni Hezekia si Manase at naging anak naman ni Manase si Amon. Naging anak naman ni Amon si Josia. 11 Naging anak naman ni Josia si Jeconia at ang kaniyang mga kapatid. Ito ay noong ang mga taga-Israel ay dinalang bihag sa Babilonia.
12 Nang sila ay dinala sa Babilonia, naging anak ni Jeconia si Shealtiel. Naging anak ni Shealtiel si Zerubabel. 13 Naging anak ni Zerubabel si Abiud at naging anak ni Abiud si Eliaquim. Naging anak naman ni Eliaquim si Azor. 14 Naging anak ni Azor si Sadoc at naging anak ni Sadoc si Aquim. Naging anak naman ni Aquim si Eliud. 15 Naging anak ni Eliud si Eleazar at naging anak ni Eleazar si Matan. Naging anak naman ni Matan si Jacob. 16 Naging anak naman ni Jacob si Jose na asawa ni Maria. Si Maria ang nanganak kay Jesus na tinatawag na Cristo.
17 Samakatuwid, ang lahat ng sali’t saling lahi mula kay Abraham hanggang kay David ay labing-apat na lahi. Mula naman kay David hanggang sa panahon ng pagkabihag sa Babilonia ay labing-apat na sali’t saling lahi. Mula naman sa panahon ng pagkabihag sa Babilonia hanggang kay Cristo ay labing-apat na sali’t saling lahi.
Ipinanganak si Jesus
18 Ganito ang naging kapanganakan ni Jesucristo. Ang kaniyang inang si Maria ay nakatakdang mapangasawa ni Jose. Ngunit bago pa sila nagsama, si Maria ay natagpuang nagdadalang-tao na sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.
19 Si Jose na kaniyang asawa ay lalaking matuwid at hindi niya ginusto na mapahiya sa madla si Maria, kaya nagpasiya siyang paalisin nang lihim si Maria.
20 Samantalang iniisip niya ang mga bagay na ito, narito, isang anghel ng Panginoon ang nagpakita sa kaniya sa isang panaginip. Sinabi ng anghel: Jose, ikaw na nagmula sa angkan ni David, huwag kang mangambang tanggapin si Maria na iyong asawa. Ito ay dahil ang dinadala niya sa kaniyang sinapupunan ay sa Banal na Espiritu. 21 Siya ay manganganak ng isang lalaki. Ang ipangangalan mo sa kaniya ay Jesus sapagkat ililigtas niya ang kaniyang mga tao sa kanilang kasalanan.
22 Ang lahat ng ito ay naganap upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng mga propeta. 23 Sinabi nila: Narito, isang dalagang birhen ang magdadalang-tao at manganganak ng isang lalaki. Tatawagin nila siyang Emmanuel na ang ibig sabihin ay: Ang Diyos ay sumasaatin.
24 Sa pagbangon ni Jose mula sa pagkakatulog, ginawa niya ang ayon sa ipinag-utos sa kaniya ng anghel ng Panginoon. Tinanggap niya si Maria upang maging asawa. 25 Hindi niya sinipingan ang kaniyang asawa hanggang sa maipanganak niya ang kaniyang panganay na anak na lalaki. Pinangalanan siya ni Jose na Jesus.
Copyright © 1998 by Bibles International