Marcos 12:13-44
Magandang Balita Biblia
Ang Pagbabayad ng Buwis(A)
13 Ilang Pariseo at ilan sa mga tagasunod ni Herodes ang pinapunta kay Jesus upang siluin siya sa kanyang pananalita. 14 Kaya lumapit sila sa kanya at sinabi, “Guro, nalalaman po naming kayo'y tapat at walang kinikilingan. Pantay-pantay ang pagtingin ninyo sa lahat ng tao at itinuturo ninyo ang tunay na kalooban ng Diyos para sa tao. Nais po naming itanong kung labag sa Kautusan ang magbayad ng buwis sa Emperador. Dapat po ba kaming magbayad ng buwis o hindi?”
15 Alam ni Jesus na sila'y nagkukunwari lamang, kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit ba ninyo ako sinusubok? Bigyan ninyo ako ng isang salaping pilak.[a]”
16 At siya nga ay binigyan nila ng salaping pilak. “Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit dito?” tanong ni Jesus sa kanila.
“Sa Emperador po,” tugon nila.
17 Sinabi ni Jesus, “Ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Diyos ang para sa Diyos.”
At sila'y labis na namangha sa kanya.
Ang Tanong tungkol sa Muling Pagkabuhay(B)
18 May(C) ilang Saduseo na lumapit kay Jesus upang magtanong. Ang mga ito ay nagtuturo na hindi muling mabubuhay ang mga patay. Sinabi nila, 19 “Guro,(D) isinulat po ni Moises para sa atin, ‘Kapag namatay ang isang lalaki at naiwang walang anak ang kanyang asawa, ang kapatid ng lalaki ay dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.’ 20 Mayroon pong pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, subalit siya'y namatay na walang anak. 21 Pinakasalan ng pangalawang kapatid ang biyuda subalit namatay rin ang lalaki na walang anak. Ganoon din ang nangyari sa pangatlo. 22 Isa-isang napangasawa ng babae ang pitong magkakapatid at silang lahat ay namatay na walang anak. Sa kahuli-huliha'y ang babae naman ang namatay. 23 [Kapag binuhay na muli ang mga patay][b] sa araw ng muling pagkabuhay, sino po ba sa pitong magkakapatid ang kikilalaning asawa ng babaing iyon, sapagkat silang lahat ay napangasawa niya?”
24 Sumagot si Jesus, “Maling-mali kayo dahil hindi ninyo nauunawaan ang itinuturo ng Kasulatan at ang kapangyarihan ng Diyos. 25 Sa muling pagkabuhay, ang mga tao'y hindi na mag-aasawa; sila'y magiging katulad na ng mga anghel sa langit. 26 Tungkol(E) naman sa muling pagkabuhay, hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises, sa kasaysayan ng nagliliyab na mababang puno, ang sinabi ng Diyos sa kanya? Ito ang sinabi niya, ‘Ako ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.’ 27 Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay; siya ang Diyos ng mga buháy. Talagang maling-mali kayo!”
Ang Dalawang Pinakamahalagang Utos(F)
28 Ang(G) kanilang pagtatalo ay narinig ng isa sa mga tagapagturo ng Kautusan na naroon. Nakita niyang mahusay ang pagkasagot ni Jesus sa mga Saduseo kaya siya naman ang lumapit upang magtanong, “Alin po ba ang pinakamahalagang utos?”
29 Sumagot(H) si Jesus, “Ito ang pinakamahalagang utos: ‘Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon na ating Diyos—siya lamang ang Panginoon. 30 Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, buong pag-iisip mo at buong lakas mo.’ 31 Ito(I) naman ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito.”
32 Wika(J) ng tagapagturo ng Kautusan, “Tama po, Guro! Totoo ang sinabi ninyo. Iisa nga ang Diyos at wala nang iba liban sa kanya. 33 At(K) higit na mahalaga ang umibig sa kanya nang buong puso, buong pag-iisip at buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng pag-ibig sa sarili, kaysa magdala ng lahat ng handog na susunugin at iba pang mga alay.”
34 Nakita ni Jesus na maganda ang sagot nito kaya't sinabi niya, “Hindi ka na nalalayo sa kaharian ng Diyos.” At mula noon ay wala nang nangahas na magtanong kay Jesus.
Ang Tanong ni Jesus tungkol sa Anak ni David(L)
35 Habang si Jesus ay nagtuturo sa Templo, sinabi niya, “Bakit sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na ang Cristo ay anak ni David? 36 Hindi(M) ba't si David na rin ang nagpahayag ng ganito nang siya'y gabayan ng Espiritu Santo:
“Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
‘Maupo ka sa kanan ko,
hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.’”
37 Si David na rin ang tumawag sa kanya ng Panginoon; paano siya magiging anak ni David?”
Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan(N)
Napakaraming tao ang malugod na nakikinig sa kanya. 38 Sa kanyang pagtuturo, sinabi ni Jesus, “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan na mahilig magpalakad-lakad na suot ang kanilang mahahabang damit at gustung-gustong binabati nang may paggalang sa mga pamilihan. 39 Ang gusto nila ay ang mga natatanging upuan sa mga sinagoga at ang mga upuang pandangal sa mga handaan. 40 Inuubos nila ang kabuhayan ng mga biyuda at ang mahahaba nilang dasal ay mga pagkukunwari lamang. Dahil diyan, mas mabigat na parusa ang igagawad sa kanila.”
Ang Kaloob ng Biyuda(O)
41 Naupo si Jesus sa tapat ng hulugan ng mga kaloob sa Templo, at pinagmasdan ang mga naghuhulog ng salapi. Napansin niyang maraming mayayaman ang naghuhulog ng malalaking halaga. 42 Lumapit naman ang isang biyudang dukha at naghulog ng dalawang salaping tanso. 43 Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo, ang inihandog ng biyudang iyon ay higit na marami kaysa sa inihulog nilang lahat. 44 Sapagkat ang lahat ay nagkaloob ng bahagi lamang ng kanilang kayamanan, ngunit ang ibinigay ng babaing iyon, bagama't siya'y dukha, ay ang buo niyang ikinabubuhay.”
Read full chapterFootnotes
- Marcos 12:15 isang salaping pilak: Sa Griego ay dinaryo .
- Marcos 12:23 Kapag binuhay na muli ang mga patay: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.