Add parallel Print Page Options

Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(A)

Nang mga araw na iyon, muling nagkatipon ang napakaraming tao. Wala nang makain ang mga ito kaya't tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Naaawa ako sa mga taong ito sapagkat tatlong araw na ngayong kasama ko sila at wala na silang makain. Kung pauuwiin ko sila nang gutom, mahihilo sila sa daan; malayo pa naman ang pinanggalingan ng ilan sa kanila.”

“Ito po ay isang liblib na lugar. Saan po tayo kukuha ng pagkain para sa ganito karaming tao?” tanong ng mga alagad.

“Ilan ang tinapay ninyo riyan?” tanong ni Jesus.

“Pito po,” sagot nila.

Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao at kinuha ang pitong tinapay. Nagpasalamat siya sa Diyos, hinati-hati ang mga tinapay at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Ganoon nga ang ginawa ng mga alagad. Mayroon din silang ilang maliliit na isda. Muli siyang nagpasalamat sa Diyos at pagkatapos ay iniutos niyang ipamahagi din iyon sa mga tao. Kumain ang lahat at nabusog. Nang tipunin nila ang lumabis, nakapuno pa sila ng pitong kaing. May apat na libong tao ang kumain. Matapos pauwiin ang mga tao, 10 sumakay si Jesus sa bangka, kasama ang kanyang mga alagad, at nagtungo sila sa lupain ng Dalmanuta.

Humingi ng Palatandaan ang mga Pariseo(B)

11 May(C) dumating na mga Pariseo at nakipagtalo kay Jesus. Nais nilang subukin siya kaya't hiniling nilang magpakita siya ng isang himala mula sa langit. 12 Napabuntong-hininga(D) si Jesus at sinabi sa kanila, “Bakit naghahanap ng himala ang mga tao sa panahong ito? Pakatandaan ninyo: hindi sila bibigyan ng hinihingi nilang himala.” 13 At sila'y iniwan niya. Muli siyang sumakay sa bangka at tumawid sa ibayo.

Ang Pampaalsang Ginagamit ng mga Pariseo at ni Herodes(E)

14 Nakalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay; iisa lang ang kanilang tinapay sa bangka. 15 Sinabi(F) ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsang kinakalat ng mga Pariseo at ni Herodes.” 16 Sabi nila sa isa't isa, “Wala kasi tayong dalang tinapay kaya sinabi niya iyon.”

17 Dahil alam ni Jesus ang kanilang pinag-uusapan, sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo pinag-uusapang kayo'y walang dalang tinapay? Hindi pa ba kayo nakakaintindi? Hindi pa ba ito abot ng inyong isip? 18 Wala(G) ba kayong mata? Bakit hindi kayo makakita? Wala ba kayong tainga? Bakit hindi kayo makarinig? Hindi ba ninyo naaalala 19 nang paghati-hatiin ko ang limang tinapay para sa limanlibong tao? Ilang kaing ang napuno ninyo ng lumabis na pagkain?”

“Labindalawa po,” tugon nila.

20 “At nang paghati-hatiin ko ang pitong tinapay para sa apat na libong tao, ilang kaing ang napuno ninyo?” tanong niya.

“Pito po,” muli nilang sagot.

21 “At hindi pa rin ba ninyo nauunawaan ito?” tanong niya.

Pinagaling ang Isang Lalaking Bulag

22 Pagdating nila sa Bethsaida, dinala ng ilang tao kay Jesus ang isang bulag at pinakiusapan nilang hipuin niya ang taong ito. 23 Inakay niya ang bulag at dinala ito sa labas ng bayan. Matapos duraan at takpan ang mga mata nito ng kanyang kamay, tinanong ni Jesus, “May nakikita ka ba?”

24 Tumingin ang lalaki at sumagot, “Nakakakita po ako ng mga tao, ngunit para silang mga punongkahoy na naglalakad.”

25 Muling inilagay ni Jesus ang kanyang mga kamay sa mga mata ng bulag. Sa pagkakataong ito, tuminging mabuti ang bulag. Nanumbalik ang kanyang paningin at nakakita na siya nang malinaw. 26 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Maaari ka nang umuwi. Huwag ka nang bumalik sa bayan.”

Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(H)

27 Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa mga nayon ng Cesarea na sakop ng Filipos. Habang sila'y naglalakbay, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin?”

28 Sumagot(I) sila, “Ang sabi po ng ilan, kayo daw po si Juan na Tagapagbautismo; sabi naman ng iba, si Elias daw kayo; may nagsasabi ring isa raw kayo sa mga propeta.”

29 “Ngunit(J) kayo naman, ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?” tanong niya.

Sumagot si Pedro, “Kayo po ang Cristo.”

30 “Huwag ninyong sasabihin kaninuman kung sino ako,” mahigpit na utos niya sa kanila.

Unang Pagpapahayag tungkol sa Kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Jesus(K)

31 Mula noon, itinuro ni Jesus sa mga alagad ang mangyayari sa kanya. Sinabi niya, “Ang Anak ng Tao ay kailangang magdanas ng matinding hirap. Siya'y itatakwil ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y ipapapatay ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.” 32 Malinaw na sinabi niya ito sa kanila at dahil dito'y dinala siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan. 33 Ngunit tumalikod si Jesus, tumingin sa mga alagad, at sinabi kay Pedro, “Umalis ka sa harap ko, Satanas! Ang iniisip mo'y hindi galing sa Diyos kundi sa tao.”

34 Pinalapit(L) ni Jesus ang mga tao at ang kanyang mga alagad, at sinabi sa kanila, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay dapat itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 35 Ang(M) sinumang nagnanais na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Magandang Balita ay magkakamit nito. 36 Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? 37 Ano ba ang maibabayad ng isang tao para mabawi niya ang kanyang buhay? 38 Kapag ikinahiya ninyo ako at ang aking mga salita sa harap ng mga taksil at makasalanang mga tao sa panahong ito, ikakahiya rin kayo ng Anak ng Tao pagparito niya na taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama, at kasama ang mga banal na anghel.”

Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(A)

Nang mga araw na iyon, nang magkaroong muli ng napakaraming tao na walang makain, tinawag niya ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila,

“Nahahabag ako sa maraming tao sapagkat tatlong araw ko na silang kasama at walang makain.

Kung sila'y pauuwiin kong nagugutom sa kanilang mga bahay, mahihilo sila sa daan at ang iba sa kanila ay nanggaling pa sa malayo.”

Sumagot ang kanyang mga alagad, “Paanong mapapakain ninuman ang mga taong ito ng tinapay dito sa ilang?”

At sila'y tinanong niya, “Ilang tinapay mayroon kayo?” Sinabi nila, “Pito.”

Inutusan niya ang maraming tao na umupo sa lupa. Kinuha niya ang pitong tinapay at pagkatapos magpasalamat, pinagputul-putol niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ihain. At inihain nila ang mga ito sa maraming tao.

Mayroon din silang ilang maliliit na isda at nang mabasbasan ang mga ito, sinabi niya na ihain din ang mga ito.

Sila'y kumain at nabusog. At may lumabis na mga piraso, pitong kaing na puno.

Sila'y may mga apat na libo; at kanyang pinaalis na sila.

10 At agad siyang sumakay sa bangka kasama ang kanyang mga alagad at pumunta siya sa lupain ng Dalmanuta.

11 Dumating(B) ang mga Fariseo at nagsimulang makipagtalo sa kanya na hinahanapan siya ng isang tanda mula sa langit, upang subukin siya.

12 At(C) nagbuntong-hininga siya nang malalim sa kanyang espiritu at sinabi, “Bakit humahanap ng tanda ang salinlahing ito? Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, walang tanda na ibibigay sa salinlahing ito.”

13 Sila'y iniwan niya at sa muling pagsakay sa bangka, tumawid siya sa kabilang ibayo.

Ang Lebadura ng mga Fariseo at ni Herodes(D)

14 Noon ay nakalimutan ng mga alagad[a] na magdala ng tinapay maliban sa iisang tinapay na nasa bangka.

15 Kanyang(E) binalaan sila na sinabi, “Mag-ingat kayo, iwasan ninyo ang lebadura ng mga Fariseo at ang lebadura ni Herodes.”

16 At sinabi nila sa isa't isa, “Ito ay sapagkat wala tayong tinapay.”

17 Yamang batid ito ni Jesus, ay sinabi sa kanila, “Bakit ninyo pinag-uusapan na wala kayong tinapay? Hindi pa ba ninyo nalalaman ni nauunawaan man? Tumigas na ba ang inyong mga puso?

18 Mayroon(F) kayong mga mata, ngunit hindi nakakakita? Mayroon kayong mga tainga, ngunit hindi nakakarinig? Hindi ba ninyo natatandaan?

19 Nang aking pagputul-putulin ang limang tinapay para sa limang libo, ilang kaing na punô ng mga pinagputul-putol ang inyong pinulot?” Sinabi nila sa kanya, “Labindalawa.”

20 “Nang pagputul-putulin ang pitong tinapay para sa apat na libo, ilang kaing na punô ng mga pinagputul-putol ang pinulot ninyo?” Sinabi nila sa kanya, “Pito.”

21 Sinabi naman niya sa kanila, “Hindi pa ba ninyo nauunawaan?”

Pinagaling ni Jesus ang Isang Lalaking Bulag

22 Dumating sila sa Bethsaida. At dinala nila sa kanya ang isang lalaking bulag at ipinakiusap sa kanyang hipuin siya.

23 Hinawakan niya sa kamay ang lalaking bulag at dinala niya sa labas ng nayon. Nang maduraan ang kanyang mga mata at maipatong ang kanyang mga kamay sa kanya, kanyang tinanong siya, “May nakikita ka bang anuman?”

24 Tumingala ang lalaki at nagsabi, “Nakakakita ako ng mga tao, na parang mga punungkahoy na naglalakad.”

25 Saka ipinatong na muli sa kanyang mga mata ang kanyang mga kamay; siya'y tumitig at bumalik ang kanyang paningin. Nakita niya ang lahat ng bagay na maliwanag.

26 At pinauwi niya siya sa kanyang bahay na sinasabi, “Huwag kang pumasok kahit sa nayon.”

Ang Pagpapahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(G)

27 Nagtungo si Jesus at ang kanyang mga alagad sa mga nayon ng Cesarea sa Filipos at sa daan ay tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ako ayon sa sinasabi ng mga tao?”

28 At(H) sinabi nila sa kanya, “Si Juan na Tagapagbautismo; at sabi ng iba, si Elias; at ng iba pa, isa sa mga propeta.”

29 At(I) tinanong niya sila, “Ngunit, sino ako ayon sa sinasabi ninyo?” Sumagot si Pedro at sinabi sa kanya, “Ikaw ang Cristo.”[b]

30 Mahigpit na iniutos niya sa kanila na huwag nilang sasabihin kaninuman ang tungkol sa kanya.

Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(J)

31 Pagkatapos ay pinasimulan niyang ituro sa kanila na ang Anak ng Tao ay kinakailangang magdusa ng maraming bagay at itakuwil ng matatanda, ng mga punong pari, at ng mga eskriba, at patayin at pagkaraan ng tatlong araw ay muling mabubuhay.

32 At maliwanag na sinabi niya ang salitang ito. Inilayo siya ni Pedro at pinasimulang siya'y sawayin.

33 Subalit paglingon niya at pagtingin sa kanyang mga alagad, sinaway niya si Pedro at sinabi, “Umalis ka diyan,[c] Satanas! Sapagkat hindi mo iniisip ang mga bagay na ukol sa Diyos, kundi ang mga bagay na ukol sa tao.”

34 Tinawag(K) niya ang maraming tao pati ang kanyang mga alagad, at sa kanila'y sinabi, “Kung ang sinuman ay nagnanais sumunod sa akin, siya ay tumanggi sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.

35 Sapagkat(L) ang sinumang nagnanais iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito at ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin at sa ebanghelyo ay maililigtas iyon.

36 Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao na makamtan ang buong sanlibutan, at mapahamak ang kanyang buhay?

37 Sapagkat anong maibibigay ng tao na kapalit ng kanyang buhay?

38 Sapagkat ang sinumang ikinahihiya ako at ang aking mga salita sa mapangalunya at makasalanang salinlahing ito ay ikahihiya rin naman siya ng Anak ng Tao, pagdating niyang nasa kaluwalhatian ng kanyang Ama na kasama ng mga banal na anghel.”

Footnotes

  1. Marcos 8:14 Sa Griyego ay nila .
  2. Marcos 8:29 o ang Mesiyas .
  3. Marcos 8:33 Sa Griyego ay diyan ka sa likuran ko .