Marcos 6:30-56
Ang Salita ng Diyos
Pinakain ni Jesus ang Limang Libong Lalaki
30 Ang mga apostol ay magkakasamang nagkatipun-tipon kay Jesus at iniulat sa kaniya ang lahat ng mga bagay na kanilang ginawa at itinuro.
31 Sinabi ni Jesus sa kanila: Sumama kayo sa akin sa isang ilang na dako at mamahinga sandali. Dahil marami ang pumaparoon at pumaparito, wala na silang panahong kumain.
32 Kaya umalis silang lulan ng bangka patungo sa isang ilang na dako. 33 Nakita sila ng napakaraming tao sa kanilang pag-alis, at marami ang nakakilala kay Jesus. Nagtakbuhan sila mula sa lahat ng mga lungsod at nauna pang dumating sa kanila. Sama-sama silang lumapit kay Jesus. 34 Pagkalunsad ni Jesus, nakita niya ang napakaraming tao at nahabag siya sa kanila sapagkat sila ay parang mga tupang walang pastol. Sinimulan niyang turuan sila ng maraming bagay.
35 Nang palubog na ang araw, lumapit kay Jesus ang kaniyang mga alagad. Kanilang sinabi: Ang lugar na ito ay ilang at gumagabi na. 36 Paalisin ninyo ang mga tao upang pumunta sa mga karatig pook at nayon upang makabili sila ng kanilang makakain sapagkat sila ay walang makakain.
37 Subalit sinabi ni Jesus sa kanila: Bigyan ninyo sila ng makakain.
At sinabi nila sa kaniya: Aalis ba kami at bibili ng halagang dalawang daang denariong tinapay at ipapakain sa kanila?
38 At sinabi niya sa kanila: Ilang tinapay mayroon tayo? Lumakad kayo at tingnan ninyo.
Nang kanilang malaman sinabi nila: Limang tinapay at dalawang isda.
39 Inutusan sila ni Jesus na paupuin nang pangkat-pangkat sa luntiang damo ang lahat ng mga tao. 40 Kayat sila ay umupo nang pangkat-pangkat na tig-iisangdaan at tiglilimampu. 41 Nang kunin niya ang limang tinapay at dalawang isda, tuminginsiya sa langit at pinagpala niya ito. Pinagputul-putol niya ang tinapay at ibinigay sa kaniyang mga alagad upang idulotnaman nila sa mga tao. Gayundin, ipinamahagi niya sa kanilanglahat ang dalawang isda. 42 Nakakain silang lahat at nabusog. 43 Kanilang kinuha ang mga lumabis na pira-pirasong tinapay at isda, at nakapuno sila ng labindalawang bakol. 44 Ang mga nakakain ng tinapay ay halos limang libong lalaki.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig
45 Agad na inutusan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na sumakay sa bangka at pinauna sa kabilang ibayo patungong Betsaida. Siya ay nagpaiwan upang pauwiin ang napakaraming tao.
46 Nang makagpaalam si Jesus sa mga tao, siya ay umahon sa bundok upang manalangin.
47 Nang gumabi na, ang bangka na sinasakyan ng mga alagad ay nasa gitna na ng lawa, at si Jesus ay nag-iisa sa lupa. 48 Nakita niyang nahihirapan sila sa paggaod sapagkat pasalungat ang hangin sa kanila. Nang madaling-araw na, pumunta sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng lawa na tila lalampasan sila. 49 Pagkakita nila sa kaniya na lumalakad sa ibabaw ng lawa ay inakala nilang siya ay multo, kaya napasigaw sila. 50 Ito ay sapagkat nakita siya ng lahat at sila ay lubhang natakot.
Subalit kaagad niyang sinabi sa kanila: Lakasan ninyo ang inyong loob. Ako ito, huwag kayong matakot.
51 Sumakay siya sa bangka at humupa ang hangin. Lubos silang nanggilalas at namangha. 52 Ang dahilan nito ay hindi nila maunawaan ang nangyari sa tinapay dahil sa katigasan ng kanilang mga puso.
53 Nang sila ay nakatawid na ng lawa, dumating sila sa lupain ng Genesaret at dumaong sa dalampasigan. 54 Sa kanilang paglunsad mula sa bangka kaagad na nakilala ng mga tao si Jesus. 55 Sa paglibot ng mga tao sa paligid, sinimulan nilang dalhin ang mga maysakit na nakaratay sa higaan. Dinadala nila ang mga maysakit saan man nila mabalitaang naroroon siya. 56 Saan man pumasok si Jesus, maging sa nayon, o lungsod o karatig pook ay inilalagay nila sa mga pamilihang dako ang mga maysakit. Ipinamamanhik nila sa kaniya na payagan silang mahipo man lamang ang laylayan ng kaniyang damit. Lahat ng nakahipo sa kaniya ay gumaling.
Read full chapterCopyright © 1998 by Bibles International