Marcos 4
Ang Biblia (1978)
4 At siya'y (A)muling nagpasimulang magturo sa tabi ng dagat. At nagpipisan sa kaniya ang lubhang maraming tao, ano pa't siya'y lumulan sa (B)isang daong, at siya'y naupo sa dagat; at ang buong karamihan ay nasa lupa sa tabi ng dagat.
2 At sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa mga talinghaga, at sinabi sa kanila sa kaniyang pagtuturo,
3 Pakinggan ninyo: Narito, ang manghahasik ay yumaon upang maghasik:
4 At nangyari, sa kaniyang paghahasik, na ang ilang binhi ay nangahulog sa tabi ng daan, at nagsidating ang mga ibon at kinain ito.
5 At ang mga iba'y nangahulog sa batuhan, na doo'y walang maraming lupa; at pagdaka'y sumibol, sapagka't hindi malalim ang lupa:
6 At nang sumikat ang araw, ay nangainitan; at dahil sa walang ugat, ay nangatuyo.
7 At ang mga iba'y nangahulog sa dawagan, at nagsilaki ang mga dawag, at ininis ang mga pananim, at ito'y hindi nangamunga.
8 At ang mga iba'y nangahulog sa mabuting lupa, at nangamunga, na nagsitaas at nagsilago; at may namunga ng tigtatatlongpu, at tiganim na pu, at tigisang daan.
9 At sinabi niya, Ang may mga pakinig na ipakikinig, ay makinig.
10 At nang siya'y magisa na, ang nangasa palibot niya na kasama ang labingdalawa ay nangagtanong sa kaniya tungkol sa mga talinghaga.
11 At sinabi niya sa kanila, Sa inyo ay ipinagkaloob ang makaalam ng hiwaga ng kaharian ng Dios: datapuwa't sa kanilang (C)nangasa labas, ang lahat ng mga bagay ay ginagawa sa pamamagitan ng mga talinghaga:
12 (D)Upang kung magsitingin sila'y mangakakita, at huwag mamalas; at kung mangakinig sila'y mangakarinig, at huwag mangakaunawa; baka sakaling sila'y mangagbalikloob, at patawarin sila.
13 (E)At sinabi niya sa kanila, Hindi baga ninyo nalalaman ang talinghagang ito? at paanong malalaman ninyo ang lahat ng mga talinghaga?
14 Ang manghahasik ay naghahasik ng salita.
15 At ang mga ito'y yaong nangasa tabi ng daan, na doon nahahasik ang salita; at nang kanilang mapakinggan, pagdaka'y pinaroroonan ni Satanas, at inaalis ang salita na inihasik sa kanila.
16 At gayon din naman itong mga nahasik sa batuhan, na, pagkarinig nila ng salita, pagdaka'y nagsisitanggap na may galak;
17 At hindi nangaguugat sa kanilang sarili, kundi sangdaling tumatagal; kaya't pagkakaroon ng kapighatian o ng mga paguusig dahil sa salita, pagdaka'y nangatisod sila.
18 At ang mga iba'y yaong nangahasik sa dawagan; ang mga ito'y yaong nangakinig ng salita,
19 At ang mga pagsusumakit na ukol sa sanglibutan, at ang daya ng mga kayamanan, at ang mga pita sa ibang mga bagay na nagsisipasok, ang nagsisiinis sa salita, at ito'y nagiging walang bunga.
20 At yaon ang nangahasik sa mabuting lupa; na nangakikinig ng salita, at tinatanggap ito, at namumunga ng tigtatatlongpu, at tigaanim na pu, at tigiisang daan.
21 At sinabi niya sa kanila, (F)Dinadala baga ang ilaw upang ilagay sa ilalim ng takalan, o sa ilalim ng higaan, at hindi baga upang ilagay sa talagang lalagayan ng ilaw?
22 Sapagka't walang (G)anomang bagay na natatago, kundi upang mahayag; ni nalilihim, kundi yao'y upang mapasa liwanag.
23 Kung ang sinoman ay may mga pakinig na ipakikinig, ay makinig.
24 At sinabi niya sa kanila, (H)Ingatan ninyo kung ano ang inyong pinakikinggan: (I)sa panukat na inyong isinusukat ay kayo'y susukatin; at higit pa ang sa inyo'y ibibigay.
25 Sapagka't ang mayroon, ay (J)bibigyan pa; at ang wala, pati ng nasa kaniya ay aalisin pa sa kaniya.
26 At sinabi niya, (K)Ganyan ang kaharian ng Dios, na gaya ng isang taong naghahasik ng binhi sa lupa;
27 At natutulog at nagbabangon sa gabi at araw, at sumisibol at lumalaki ang binhi na di niya nalalaman kung paano.
28 Sa kaniyang sarili ay nagbubunga ang lupa; una-una'y usbong, saka uhay, pagkatapos ay butil na humihitik sa uhay.
29 Datapuwa't pagka hinog na ang bunga, ay ginagamit (L)agad ang panggapas, sapagka't dumating na ang pagaani.
30 At kaniyang sinabi, (M)Sa ano natin itutulad ang kaharian ng Dios? o sa anong talinghaga isasaysay natin ito?
31 Ito'y tulad sa butil ng binhi ng mostasa, na pagkahasik sa lupa, bagama't siyang lalong pinakamaliit sa lahat ng mga binhi na nangasa lupa,
32 Gayon ma'y pagkatanim, ay tumataas, at lumalaki (N)ng higit kay sa lahat ng mga gulay, at nagsasanga ng malalabay; ano pa't ang mga ibon sa langit ay mangakasisilong sa kaniyang lilim.
33 At sa pamamagitan ng gayong maraming talinghaga ay sinasaysay niya sa kanila ang salita, (O)ayon sa makakaya ng kanilang pakinig;
34 At hindi sila kinakausap kundi sa talinghaga: datapuwa't sa kaniyang sariling mga alagad ay (P)bukod na ipinaliliwanag ang lahat ng mga bagay.
35 At nang araw ding yaon, nang (Q)gabi na, ay sinabi niya sa kanila, Tumawid tayo sa kabilang ibayo.
36 (R)At pagkaiwan sa karamihan, ay kanilang dinala siya sa daong, ayon sa kaniyang kalagayan. At mayroon siyang kasamang ibang mga daong.
37 At nagbangon ang isang malakas na bagyo, at sinasalpukan ang daong ng mga alon, na ano pa't ang daong ay halos natitigib.
38 At siya'y natutulog sa hulihan sa ibabaw ng kutson; at siya'y ginising nila, at sinabi sa kaniya, Guro, wala bagang anoman sa iyo na mapahamak tayo?
39 At gumising siya, at sinaway ang hangin, at sinabi sa dagat, Pumayapa, tumahimik ka. At humimpil ang hangin, at humusay na totoo ang panahon,
40 At sinabi niya sa kanila, Bakit kayo nangatakot? wala pa baga kayong pananampalataya?
41 At sila'y nangatakot na lubha, at sila-sila'y nangagsasabihan, Sino nga ito, na pati ng hangin at ng dagat ay tumatalima sa kaniya?
Marcos 4
Ang Biblia, 2001
Ang Talinghaga ng Manghahasik(A)
4 Siya'y(B) muling nagpasimulang magturo sa tabi ng dagat. At nagtipon sa palibot niya ang napakaraming tao, kaya't siya'y sumakay sa isang bangkang nasa lawa at naupo roon. Ang lahat ng tao ay nasa dalampasigan.
2 Sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga at sa kanyang pagtuturo ay sinabi niya sa kanila,
3 “Makinig kayo. Ang isang manghahasik ay lumabas upang maghasik.
4 At nangyari, sa kanyang paghahasik, ang ilang binhi ay nahulog sa tabi ng daan at nagdatingan ang mga ibon at kinain ito.
5 Ang iba ay nahulog sa batuhan na doo'y walang maraming lupa. Agad itong sumibol sapagkat hindi malalim ang lupa.
6 Nang sumikat ang araw, nainitan ito at dahil sa walang ugat, ito'y natuyo.
7 Ang iba ay nahulog sa tinikan at lumaki ang mga tinik at sinakal ito, at ito'y hindi namunga.
8 Ang iba ay nahulog sa mabuting lupa at namunga, na tumataas, lumalago at namumunga ng tatlumpu, animnapu, at isandaan.”
9 At sinabi niya, “Ang may taingang pandinig ay makinig.”
Ang Layunin ng mga Talinghaga(C)
10 Nang siya'y mag-isa na, ang mga nasa palibot niya kasama ang labindalawa ay nagtanong sa kanya tungkol sa mga talinghaga.
11 At sinabi niya sa kanila, “Sa inyo ipinagkaloob ang hiwaga ng kaharian ng Diyos, ngunit sa kanilang nasa labas, ang lahat ng mga bagay ay ginagawa sa mga talinghaga;
12 upang(D) kung sa pagtingin ay hindi sila makakita; at sa pakikinig ay hindi sila makaunawa, baka sila'y magbalik-loob at mapatawad.”
13 At sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo nalalaman ang talinghagang ito? Paano nga ninyo mauunawaan ang lahat ng mga talinghaga?
14 Ang manghahasik ay naghahasik ng salita.
15 Ito ang mga nasa tabi ng daan na nahasikan ng salita. Nang kanilang mapakinggan ito, agad dumating si Satanas at inagaw ang salitang inihasik sa kanila.
16 Gayundin naman ang mga nahasik sa batuhan, nang marinig nila ang salita, agad nila itong tinanggap na may galak;
17 at hindi ito nagkaugat sa kanilang sarili, kundi panandalian lamang. Kaya't nang dumating ang kapighatian o ang mga pag-uusig dahil sa salita, kaagad silang tumatalikod.[a]
18 Ang iba'y nahasik sa tinikan. Ang mga ito ang nakinig ng salita,
19 ngunit ang mga alalahanin ng sanlibutan, ang pang-akit ng mga kayamanan, at ang mga pagnanasa sa ibang bagay ay pumasok at sinakal ang salita at ito'y hindi nakapamunga.
20 Ang mga ito ang nahasik sa mabuting lupa: narinig nila ang salita, tinanggap ito at namumunga ng tatlumpu, animnapu at isandaan.”
Ang Ilawan sa Ilalim ng Takalan(E)
21 At(F) sinabi niya sa kanila, “Inilalabas ba ang ilawan upang ilagay sa ilalim ng takalan, o sa ilalim ng higaan, at hindi sa talagang lalagyan ng ilawan?
22 Sapagkat(G) walang bagay na nakatago na hindi ihahayag; o walang nalilihim na hindi ilalantad sa liwanag.
23 Kung ang sinuman ay may taingang ipandirinig, hayaan siyang makinig.”
24 At(H) sinabi niya sa kanila, “Pag-ingatan ninyo kung ano ang inyong pinapakinggan: sa panukat na inyong isinusukat, kayo'y susukatin; at higit pa ang sa inyo'y ibibigay.
25 Sapagkat(I) ang mayroon ay lalo pang bibigyan; at ang wala, pati na ang nasa kanya ay kukunin pa.”
Ang Binhing Tumutubo
26 Sinabi niya, “Ang kaharian ng Diyos ay gaya ng isang taong naghahasik ng binhi sa lupa,
27 at natutulog at bumabangon siya sa gabi at araw. Sumisibol at lumalaki ang binhi na hindi niya nalalaman kung paano.
28 Ang lupa mismo ang nagpapasibol sa halaman,[b] una ang usbong, saka ang uhay, pagkatapos ay ang uhay na hitik sa butil.
29 Ngunit(J) kapag hinog na ang bunga, agad niyang kinukuha ang karit, sapagkat dumating na ang pag-aani.”
Ang Butil ng Mustasa(K)
30 Kanyang sinabi, “Sa ano natin maihahambing ang kaharian ng Diyos; o anong talinghaga ang gagamitin natin para dito?
31 Ito'y tulad sa butil ng binhi ng mustasa na kapag naihasik sa lupa, bagama't siyang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi na nasa lupa,
32 ngunit kapag ito'y naihasik ay tumutubo, nagiging mas malaki kaysa lahat ng mga halaman, at nagsasanga ng malalaki, anupa't ang mga ibon sa himpapawid ay nakakagawa ng mga pugad sa lilim nito.”
Ang mga Talinghaga ni Jesus
33 Sa pamamagitan ng gayong maraming talinghaga, sinabi niya sa kanila ang salita, ayon sa kakayahan nilang makinig.
34 At hindi siya nagsalita sa kanila maliban sa talinghaga ngunit sa kanyang sariling mga alagad ay sarilinan niyang ipinapaliwanag ang lahat ng mga bagay.
Pinatigil ni Jesus ang Unos(L)
35 Nang araw ding iyon, nang sumapit na ang gabi ay sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.”
36 Pagkaiwan sa maraming tao, siya'y kanilang isinama sa bangka, ayon sa kanyang kalagayan. At may iba pang mga bangka na kasama niya.
37 At nagkaroon ng isang malakas na unos, sumalpok ang mga alon sa bangka, anupa't ang bangka ay halos napupuno na ng tubig.
38 Ngunit siya'y nasa hulihan ng bangka at natutulog na may inuunan. Siya'y ginising nila, at sinabi sa kanya, “Guro, hindi ka ba nababahala na mapapahamak tayo?”
39 Paggising niya ay sinaway niya ang hangin at sinabi sa dagat, “Pumayapa ka. Tumahimik ka!” Tumigil nga ang hangin at nagkaroon ng katahimikan.
40 Sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natakot? Wala ba kayong pananampalataya?”
41 Sila'y sinidlan ng malaking takot at sinabi sa isa't isa, “Sino nga ito, na pati ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kanya?”
Footnotes
- Marcos 4:17 o natitisod .
- Marcos 4:28 Sa Griyego ay walang sa halaman .
Marcos 4
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(A)
4 Muling nagturo si Jesus sa tabi ng lawa ng Galilea. At dahil sa dami ng taong nakapalibot sa kanya, sumakay siya sa isang bangka at doon umupo, habang ang mga tao namaʼy nasa dalampasigan. 2 Marami siyang itinuro sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya, 3 “Makinig kayo! May isang magsasakang naghasik ng binhi. 4 Sa kanyang paghahasik, may mga binhing nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga binhing iyon. 5 May mga binhi namang nahulog sa mabatong lugar, kung saan walang gaanong lupa. Mabilis na tumubo ang binhi dahil mababaw ang lupa. 6 Ngunit natuyo rin ito nang masikatan ng araw, at dahil hindi malalim ang ugat, namatay ito. 7 May mga binhi namang nahulog sa lupang may matitinik na damo. Lumago ang mga damo at natakpan ang mga tumubong binhi kaya hindi namunga. 8 Ang iba namaʼy nahulog sa mabuting lupa. Tumubo at lumago ang mga ito, at namunga. Ang ibaʼy katamtaman lang ang bunga; ang ibaʼy marami, at ang iba namaʼy napakarami.”[a] 9 Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan.”[b]
Ang Layunin ng mga Talinghaga(B)
10 Nang nakauwi na ang mga tao, tinanong siya ng 12 apostol at ng iba pang mga tagasunod niya kung ano ang kahulugan ng talinghagang iyon. 11 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ipinagkaloob sa inyo na malaman ang mga lihim tungkol sa paghahari ng Dios, ngunit sa iba[c] ay ipinapahayag ito sa pamamagitan ng talinghaga, 12 upang matupad ang nakasulat sa Kasulatan,
‘Tumingin man sila nang tumingin, hindi sila makakakita.
Makinig man sila nang makinig, hindi sila makakaunawa.
Dahil kung makakaunawa sila, magsisisi sila sa kanilang kasalanan at patatawarin sila ng Dios.’[d]”
Ang Kahulugan ng Talinghaga tungkol sa Manghahasik(C)
13 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung hindi ninyo nauunawaan ang talinghaga na ito, paano ninyo mauunawaan ang iba ko pang mga talinghaga? 14 Ang inihahasik ng manghahasik ay ang salita ng Dios. 15 Ang tabi ng daan, kung saan nahulog ang ilang binhi ay ang mga taong nakinig sa salita ng Dios. Ngunit dumating agad si Satanas at inagaw ang salita ng Dios na narinig nila. 16 Ang mabatong lugar, kung saan nahulog ang ibang binhi, ay ang mga taong nakinig sa salita ng Dios at masaya itong tinanggap kaagad. 17 Ngunit hindi taimtim sa puso ang pagtanggap nila, kaya hindi tumatagal ang kanilang pananampalataya. Pagdating ng kahirapan o pag-uusig dahil sa salita ng Dios na tinanggap nila, tumatalikod sila kaagad sa kanilang pananampalataya. 18 Ang lupang may matitinik na damo, kung saan nahulog ang iba pang binhi ay ang mga taong nakinig sa salita ng Dios. 19 Ngunit dahil sa mga alalahanin dito sa mundo, paghahangad na yumaman, at paghahabol sa marami pang mga bagay, nakakalimutan nila ang salita ng Dios, kaya hindi namumunga ang salita sa kanilang buhay. 20 Ngunit ang mabuting lupa na hinasikan ng binhi ay ang mga taong nakikinig ng salita ng Dios at tumanggap nito. Kaya namumunga ito sa kanilang buhay. Ang ibaʼy katamtaman lang ang bunga; ang ibaʼy marami, at ang iba namaʼy napakarami.”[e]
Ang Talinghaga tungkol sa Ilaw(D)
21 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Walang taong nagsindi ng ilaw at pagkatapos ay tatakpan ng takalan o ilalagay sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay ang ilaw sa patungan. 22 Ganoon din naman, walang nakatagong hindi malalantad, at walang lihim na hindi mabubunyag.[f] 23 Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan.”[g] 24 Sinabi pa niya, “Makinig kayong mabuti sa sinasabi ko. Bibigyan kayo ng Dios ng pang-unawa ayon sa inyong pakikinig,[h] at dadagdagan pa niya ito. 25 Sapagkat ang taong sumusunod sa narinig niyang katotohanan ay bibigyan pa ng pang-unawa. Ngunit ang taong hindi sumusunod sa katotohanan, kahit ang kaunti niyang naunawaan ay kukunin pa sa kanya.”
Ang Paghahalintulad sa Binhing Tumutubo
26 Sinabi pa ni Jesus, “Ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: May isang taong naghasik ng binhi sa kanyang bukid. 27 Habang nagtatrabaho siya sa araw at natutulog sa gabi, ang mga binhing inihasik niya ay tumutubo at lumalago kahit na hindi niya alam kung paano. 28 Ang lupa ang nagpapatubo at nagpapabunga sa tanim. Sisibol muna ang mga dahon, saka ang uhay, at pagkatapos ay ang mga butil. 29 At kapag hinog na, inaani ito ng may-ari, dahil panahon na para anihin.”
Ang Paghahalintulad sa Buto ng Mustasa(E)
30 Sinabi pa ni Jesus, “Sa ano kaya maitutulad ang paghahari ng Dios? Sa ano ko kaya ito maihahambing? 31 Katulad ito ng isang buto ng mustasa[i] na siyang pinakamaliit sa lahat ng buto. 32 Ngunit kapag naitanim na at tumubo, nagiging mas mataas ito kaysa sa ibang mga halaman, at kahit ang mga ibon ay nakakapamugad sa lilim ng mga sanga nito.”
33 Marami pang mga talinghaga o mga paghahalintulad na gaya ng mga ito ang ginamit ni Jesus sa pagtuturo sa mga tao ayon sa makakaya ng kanilang pang-unawa. 34 Hindi siya nangangaral sa mga tao nang hindi gumagamit ng talinghaga, pero ipinapaliwanag naman niya sa mga tagasunod niya kapag sila-sila na lang.
Pinatigil ni Jesus ang Malakas na Hangin at Alon(F)
35 Kinagabihan, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Tumawid tayo sa kabila ng lawa.” 36 Kaya iniwan ng mga tagasunod niya ang mga tao at sumakay na rin sila sa bangkang sinasakyan ni Jesus. May mga bangka ring sumunod sa kanila. 37 Habang naglalayag sila, biglang lumakas ang hangin. Hinampas ng malalaking alon ang bangka nila at halos mapuno na ito ng tubig. 38 Si Jesus ay nasa hulihan ng bangka at natutulog ng nakaunan. Ginising siya ng mga tagasunod niya, “Guro, malulunod na tayo! Balewala lang ba ito sa inyo?” 39 Kaya bumangon si Jesus at pinatigil ang hangin at mga alon. Sinabi niya, “Tigil! Kumalma kayo!” Tumigil nga ang hangin at kumalma ang dagat. 40 Tinanong niya ang mga tagasunod niya, “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananampalataya sa akin?” 41 Takot na takot sila at nag-usap-usap, “Sino kaya ang taong ito na kahit ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kanya?”
Footnotes
- 4:8 Ang ibaʼy … napakarami: sa literal, Ang ibaʼy 30, ang ibaʼy 60, at ang iba namaʼy 100.
- 4:9 Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan: sa literal, Ang may taingang nakakarinig ay dapat makinig.
- 4:11 sa iba: sa literal, sa mga nasa labas. Maaaring ang mga tinutukoy dito ay ang mga nasa labas ng kanilang grupo o ang mga hindi sumasampalataya kay Jesus.
- 4:12 Isa. 6:9-10.
- 4:20 Ang ibaʼy … napakarami: sa literal, Ang ibaʼy 30, ang ibaʼy 60, at ang iba namaʼy 100.
- 4:22 Maaaring ang lihim na tinutukoy dito ay ang tungkol sa paghahari ng Dios na kailangang ihayag.
- 4:23 Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan: sa literal, Ang may taingang nakakarinig ay dapat makinig.
- 4:24 Bibigyan … pakikinig: sa literal, Ang panukat na ginamit ninyo ay siya ring gagamitin sa inyo.
- 4:31 mustasa: Itoʼy isang uri ng mustasa na mataas.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
