Add parallel Print Page Options

Ang Talinghaga tungkol sa Ilaw(A)

21 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Walang taong nagsindi ng ilaw at pagkatapos ay tatakpan ng takalan o ilalagay sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay ang ilaw sa patungan. 22 Ganoon din naman, walang nakatagong hindi malalantad, at walang lihim na hindi mabubunyag.[a] 23 Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan.”[b] 24 Sinabi pa niya, “Makinig kayong mabuti sa sinasabi ko. Bibigyan kayo ng Dios ng pang-unawa ayon sa inyong pakikinig,[c] at dadagdagan pa niya ito. 25 Sapagkat ang taong sumusunod sa narinig niyang katotohanan ay bibigyan pa ng pang-unawa. Ngunit ang taong hindi sumusunod sa katotohanan, kahit ang kaunti niyang naunawaan ay kukunin pa sa kanya.”

Ang Paghahalintulad sa Binhing Tumutubo

26 Sinabi pa ni Jesus, “Ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: May isang taong naghasik ng binhi sa kanyang bukid. 27 Habang nagtatrabaho siya sa araw at natutulog sa gabi, ang mga binhing inihasik niya ay tumutubo at lumalago kahit na hindi niya alam kung paano. 28 Ang lupa ang nagpapatubo at nagpapabunga sa tanim. Sisibol muna ang mga dahon, saka ang uhay, at pagkatapos ay ang mga butil. 29 At kapag hinog na, inaani ito ng may-ari, dahil panahon na para anihin.”

Ang Paghahalintulad sa Buto ng Mustasa(B)

30 Sinabi pa ni Jesus, “Sa ano kaya maitutulad ang paghahari ng Dios? Sa ano ko kaya ito maihahambing? 31 Katulad ito ng isang buto ng mustasa[d] na siyang pinakamaliit sa lahat ng buto. 32 Ngunit kapag naitanim na at tumubo, nagiging mas mataas ito kaysa sa ibang mga halaman, at kahit ang mga ibon ay nakakapamugad sa lilim ng mga sanga nito.”

33 Marami pang mga talinghaga o mga paghahalintulad na gaya ng mga ito ang ginamit ni Jesus sa pagtuturo sa mga tao ayon sa makakaya ng kanilang pang-unawa. 34 Hindi siya nangangaral sa mga tao nang hindi gumagamit ng talinghaga, pero ipinapaliwanag naman niya sa mga tagasunod niya kapag sila-sila na lang.

Pinatigil ni Jesus ang Malakas na Hangin at Alon(C)

35 Kinagabihan, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Tumawid tayo sa kabila ng lawa.” 36 Kaya iniwan ng mga tagasunod niya ang mga tao at sumakay na rin sila sa bangkang sinasakyan ni Jesus. May mga bangka ring sumunod sa kanila. 37 Habang naglalayag sila, biglang lumakas ang hangin. Hinampas ng malalaking alon ang bangka nila at halos mapuno na ito ng tubig. 38 Si Jesus ay nasa hulihan ng bangka at natutulog ng nakaunan. Ginising siya ng mga tagasunod niya, “Guro, malulunod na tayo! Balewala lang ba ito sa inyo?” 39 Kaya bumangon si Jesus at pinatigil ang hangin at mga alon. Sinabi niya, “Tigil! Kumalma kayo!” Tumigil nga ang hangin at kumalma ang dagat. 40 Tinanong niya ang mga tagasunod niya, “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananampalataya sa akin?” 41 Takot na takot sila at nag-usap-usap, “Sino kaya ang taong ito na kahit ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kanya?”

Read full chapter

Footnotes

  1. 4:22 Maaaring ang lihim na tinutukoy dito ay ang tungkol sa paghahari ng Dios na kailangang ihayag.
  2. 4:23 Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan: sa literal, Ang may taingang nakakarinig ay dapat makinig.
  3. 4:24 Bibigyan … pakikinig: sa literal, Ang panukat na ginamit ninyo ay siya ring gagamitin sa inyo.
  4. 4:31 mustasa: Itoʼy isang uri ng mustasa na mataas.