Marcos 3:20-30
Ang Salita ng Diyos
Paanong Napalabas ni Satanas si Satanas
20 Muling nagkatipon ang napakaraming tao na anupa’t si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay hindi man lamang makakain ng tinapay.
21 Nang marinig ito ng kaniyang mga kamag-anak, sila ay pumaroon upang hulihin siya sapagkat sinasabi ng mga tao: Nasisiraan siya ng bait.
22 Ang mga guro ng kautusan na dumating mula sa Jerusalem ay nagsabi naman: Nasa kaniya si Beelzebul. Sa pamamagitan ng pinakapinuno ng mga demonyo ay nagpapalayas siya ng mga demonyo.
23 Pinalapit ni Jesus ang mga tao sa kaniya at nangusap sa kanila sa mga talinghaga. Paanong mapapalabas ni Satanas si Satanas? 24 Kapag ang isang paghahari ay mahati laban sa kaniyang sarili, ang paghaharing iyon ay hindi makakatayo. 25 At kapag ang isang sambahayan ay mahati laban sa kaniyang sarili, ang sambahayang iyon ay hindi makakatayo. 26 Gayundin, kung si Satanas ay maghimagsik laban sa kaniyang sarili at mahati, hindi siya makakatayo kundi iyon na ang kaniyang wakas. 27 Walang makakapasok sa anumang paraan sa bahay ng isang taong malakas at magnakaw at manira ng kaniyang ari-arian. Malibang magapos muna niya ang taong malakas saka pa lamang niya mananakawan at masisira ang bahay na iyon. 28 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, lahat ng kasalanan ay ipapatawad sa mga anak ng tao at ang anuman pamumusong. 29 Ngunit ang sinumang mamusong laban sa Banal na Espiritu ay hindi patatawarin kailanman. Nanganganib siya sa walang hanggang kahatulan.
30 Sinabi ito ni Jesus sapagkat sinasabi nila: Mayroon siyang karumal-dumal na espiritu.
Read full chapterCopyright © 1998 by Bibles International