Añadir traducción en paralelo Imprimir Opciones de la página

Dinala si Jesus kay Pilato(A)

15 Kinaumagahan, nagpulong agad ang mga namamahalang pari, mga pinuno ng mga Judio, mga tagapagturo ng Kautusan at ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio. Ginapos nila si Jesus at dinala kay Gobernador Pilato. Nang naroon na sila, tinanong siya ni Pilato, “Ikaw nga ba ang hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus, “Kayo na ang nagsasabi.” Maraming paratang ang mga namamahalang pari laban kay Jesus. Kaya tinanong siyang muli ni Pilato, “Wala ka bang sagot sa paratang ng mga ito? Marami silang paratang laban sa iyo!” Pero hindi pa rin sumagot si Jesus, kaya nagtaka si Pilato.

Hinatulan si Jesus ng Kamatayan(B)

Tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel, nakaugalian na ni Pilato na magpalaya ng isang bilanggo na gustong palayain ng mga tao. May isang bilanggo roon na ang pangalan ay Barabas. Nabilanggo siya dahil kabilang siya sa mga nakapatay noong naghimagsik sila laban sa pamahalaan. Marami ang lumapit kay Pilato at hiniling na gawin muli ang nakaugaliang pagpapalaya ng bilanggo. Kaya tinanong sila ni Pilato, “Gusto ba ninyo na palayain ko ang Hari ng mga Judio?” 10 Alam ni Pilato na pagkainggit ang nagtulak sa mga namamahalang pari na dalhin sa kanya si Jesus. 11 Sinulsulan ng mga namamahalang pari ang mga tao na si Barabas ang hilinging palayain at hindi si Jesus. 12 Nagtanong ulit si Pilato sa mga tao, “Ano ngayon ang gagawin ko sa taong tinatawag nʼyong Hari ng mga Judio?” 13 Sumigaw sila, “Ipako siya sa krus!” 14 Sinabi ni Pilato sa kanila, “Bakit, ano ba ang ginawa niyang kasalanan?” Pero lalo pang sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” 15 Dahil gustong pagbigyan ni Pilato ang mga tao, pinalaya niya si Barabas. Ipinahagupit naman niya si Jesus at saka ibinigay sa mga sundalo upang ipako sa krus.

Pinahirapan ng mga Sundalo si Jesus(C)

16 Dinala ng mga sundalo si Jesus sa loob ng palasyo ng gobernador at tinipon nila roon ang buong batalyon ng mga sundalo. 17 Sinuotan nila si Jesus ng kapa na kulay ube at gumawa sila ng koronang tinik at ipinutong sa kanya. 18 Pagkatapos, pakutya silang nagsisigaw, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 19 At paulit-ulit nilang pinaghahampas ng tungkod ang kanyang ulo, at pinagduduraan nila siya. Lumuluhod sila sa kanya na kunwari ay sumasamba sa kanya. 20 Matapos nilang kutyain si Jesus, hinubad nila ang kulay ubeng kapa at ipinasuot ang kanyang damit. Pagkatapos, dinala nila siya sa labas ng lungsod upang ipako sa krus.

Ipinako sa Krus si Jesus(D)

21 Habang naglalakad sila, nasalubong nila ang isang tao na galing sa bukid. Siyaʼy si Simon na taga-Cyrene, na ama ni Alexander at ni Rufus. Sapilitan nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. 22 Pagkatapos, dinala nila si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgota, na ang ibig sabihin ay “lugar ng bungo.” 23 Pagdating nila roon, binigyan nila si Jesus ng alak na may halong mira,[a] pero hindi niya ito ininom. 24 Ipinako nila sa krus si Jesus at pinaghati-hatian nila ang mga damit niya sa pamamagitan ng palabunutan para malaman nila ang bahaging mapupunta sa bawat isa. 25 Alas nuwebe noon ng umaga nang ipako siya sa krus.

Read full chapter

Notas al pie

  1. 15:23 mira: Maaaring itoʼy panlunas sa sakit at hapdi.