Marcos 14:54-72
Ang Salita ng Diyos
54 Samantala, si Pedro ay sumusunod sa kaniya sa may di-kalayuan hanggang sa patyo ng pinakapunong-saserdote. Siya ay nakiupo kasama ng mga tanod at nagpapainit sa apoy.
55 Ang mga pinunong-saserdote at ang buong Sanhedrin ay humanap ng saksi laban kay Jesus. Ito ay upang mapatay nila si Jesus. Ngunit wala silang nahanap. 56 Ito ay sapagkat maraming nagbigay ng maling patotoo laban sa kaniya ngunit ang kanilang mga patotoo ay hindi magkakatugma.
57 May ilang tumayo at nagbigay ng maling patotoo laban sa kaniya. 58 Sinabi nila: Narinig namin siyang nagsasabi: Gigibain ko ang banal na dakong ito na gawa ng mga kamay. Sa loob ng tatlong araw, magtatayo ako ng iba na hindi gawa ng mga kamay. 59 Ngunit maging ang patotoo nilang ito ay hindi magkakatugma.
60 Ang pinunong-saserdote ay tumayo sa gitna at tinanong si Jesus. Sinabi niya: Wala ka bang isasagot? Ano itong mga paratang na laban sa iyo? 61 Siya ay nanatiling tahimik at walang isinagot. Muli siyang tinanong ng pinunong-saserdote.
Sinabi nito sa kaniya: Ikaw ba ang Mesiyas na pinahiran, ang Anak ng Pinagpala?
62 Sinabi ni Jesus: Ako nga. Makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanang kamay ng makapangyarihan. Makikita ninyo siya na dumarating sa mga ulap ng langit.
63 Pinunit ng pinunong-saserdote ang kaniyang mga damit. Sinabi niya: Kailangan pa ba natin ang mga saksi? 64 Narinig ninyo ang kaniyang pamumusong. Ano sa palagay ninyo?
Silang lahat ay nagbigay hatol patungkol sa kaniya na siya ay nararapat mamatay.
65 Ang ilan ay nagsimulang duraan siya. Piniringan nila siya at pinagsusuntok at sinabi sa kaniya: Maghayag kang tulad ng isang propeta. Pinagsasampal siya ng mga tanod.
Ipinagkaila ni Pedro si Jesus
66 Nang si Pedro ay nasa patyo sa ibaba, isang utusang babae ng pinunong-saserdote ang dumating.
67 Nakita ng lingkod na babae si Pedro na nagpapainit. Pagkatapos niyang pagmasdang mabuti si Pedro, sinabi niya: Ikaw ay nakasama ni Jesus na taga-Nazaret.
68 Nagkaila si Pedro. Kaniyang sinabi: Hindi ko alam ni nauunawaan ang sinasabi mo. Siya ay lumabas patungong portiko at isang tandang ang tumilaok.
69 Nakita siyang muli ng isang utusang babae. Nagsimula siyang magsabi sa mga nakatayo: Siya ay isa sa kanila. 70 Muling nagkaila si Pedro.
Pagkatapos ng maikling sandali, ang mga nakatayo roon ay muling nagsabi kay Pedro: Totoong ikaw ay isa sa kanila sapagkat ikaw ay isang taga-Galilea at ang punto mo ay tulad sa isang taga-Galilea.
71 Sinimulan niyang sabihin: Sumpain man ako ng Diyos. At nanumpa siya: Hindi ko kilala ang lalaking ito na sinasabi ninyo.
72 Sa ikalawang pagkakataon tumilaok ang isang tandang. Naala-ala ni Pedro ang sinabi ni Jesus sa kaniya: Bago tumilaok nang dalawang ulit ang tandang, ikakaila mo ako nang tatlong ulit. Nang maisip niya ito, siya ay tumangis.
Read full chapterCopyright © 1998 by Bibles International