Add parallel Print Page Options

54 Sumunod din doon si Pedro, pero malayu-layo siya kay Jesus. Pumasok siya sa bakuran ng bahay ng punong pari at nakiupo sa mga guwardya na nagpapainit sa tabi ng apoy. 55 Doon sa loob, ang mga namamahalang pari at ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio ay nagsisikap na makakuha ng mga ebidensya laban kay Jesus upang mahatulan siya ng kamatayan. Pero wala silang makuha. 56 Marami ang sumasaksi ng kasinungalingan laban kay Jesus, pero magkakasalungat naman ang mga sinasabi nila.

57 May ilang sumasaksi ng kasinungalingang ito laban kay Jesus. Sinabi nila, 58 “Narinig po naming sinabi niya, ‘Gigibain ko ang templong ito na gawa ng tao, at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng ibang templo na hindi gawa ng tao!’ ” 59 Pero hindi rin magkakatugma ang sinasabi nila.

60 Tumayo sa gitna ang punong pari at tinanong si Jesus, “Wala ka bang maisasagot sa mga paratang na ito laban sa iyo?” 61 Hindi sumagot si Jesus. Kaya tinanong siyang muli ng punong pari, “Ikaw ba ang Cristo na Anak ng Kapuri-puring Dios?” 62 Sumagot si Jesus, “Ako nga, at ako na Anak ng Tao ay makikita ninyong nakaupo sa kanan ng makapangyarihang Dios. At makikita rin ninyo ako sa mga ulap na paparating dito sa mundo.” 63 Nang marinig ito ng punong pari, pinunit niya ang kanyang damit sa galit at sinabi, “Hindi na natin kailangan ng mga saksi! 64 Narinig ninyo ang paglapastangan niya sa Dios. Ano ngayon ang hatol ninyo?” At hinatulan nila si Jesus ng kamatayan.

65 Dinuraan siya ng ilang naroon. Piniringan din siya at sinuntok, at tinanong, “Sige nga, hulaan mo kung sino ang sumuntok sa iyo?” Pagkatapos, kinuha siya ng mga guwardya at pinagbubugbog.

Ipinagkaila ni Pedro na Kilala Niya si Jesus(A)

66 Nang si Pedro ay nasa loob pa ng bakuran, dumaan ang isang babaeng utusan ng punong pari. 67 Nang makita niya si Pedro na nagpapainit malapit sa apoy, tinitigan niya ito at sinabi, “Kasama ka rin ni Jesus na taga-Nazaret, hindi ba?” 68 Pero itinanggi ito ni Pedro, “Hindi ko alam ang sinasabi mo.” Pagkatapos, umalis siya roon at pumunta sa may labasan, at noon din ay tumilaok ang manok. 69 Nakita na naman siya roon ng babaeng utusan, kaya sinabi ng babae sa mga taong naroon, “Ang taong iyan ay isa rin sa mga kasamahan ni Jesus.” 70 Pero muling itinanggi ito ni Pedro. Maya-maya, sinabi ng mga taong naroon, “Isa ka nga sa mga kasamahan niya, dahil taga-Galilea ka rin!” 71 Pero sumumpa si Pedro, “Kahit mamatay man ako, hindi ko talaga kilala ang taong sinasabi ninyo.” 72 Noon din ay muling tumilaok ang manok, at naalala ni Pedro ang sinabi sa kanya ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok ng dalawang beses, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” At humagulgol siya.

Read full chapter