Marcos 10:2-16
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
2 May ilang Pariseong gustong subukin si Jesus; kaya't lumapit sila at nagtanong, “Naaayon po ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?”
3 Sumagot siya, “Ano ba ang utos ni Moises sa inyo?”
4 Sumagot(A) naman sila, “Ipinahintulot po ni Moises na ang lalaki ay gumawa ng kasulatan ng paghihiwalay bago niya hiwalayan at palayasin ang kanyang asawa.”
5 Ngunit sinabi ni Jesus, “Ginawa ni Moises ang utos na iyon dahil sa katigasan ng inyong ulo. 6 Subalit(B) simula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, nilalang niya ang tao na lalaki at babae. 7 ‘Dahil(C) dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, [magsasama sila ng kanyang asawa][a] 8 at ang dalawa'y magiging isa.’ Hindi na sila dalawa kundi isa. 9 Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”
10 Pagdating sa bahay, ang mga alagad naman ang nagtanong kay Jesus tungkol sa bagay na ito. 11 Sinabi(D) niya sa kanila, “Kapag hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa at mag-asawa ng iba, siya ay nagkakasala ng pangangalunya sa kanyang asawa. 12 Gayon din naman, ang babaing humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa ng iba ay nagkakasala rin ng pangangalunya.”
Binasbasan ni Jesus ang Maliliit na Bata(E)
13 May mga taong nagdala ng mga bata kay Jesus upang hilinging ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay, ngunit sinaway sila ng mga alagad. 14 Nagalit si Jesus nang makita ito at sinabi sa kanila, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, at huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng Diyos. 15 Tandaan(F) ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos, tulad sa pagtanggap ng isang bata, ay hinding-hindi makakapasok sa kaharian ng Diyos.” 16 Kinalong ni Jesus ang mga bata, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila.
Read full chapterFootnotes
- 7 magsasama sila ng kanyang asawa: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito.