Add parallel Print Page Options

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)

Ito ang simula ng Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo, [ang Anak ng Diyos].[a] Tulad(B) ng nakasulat sa aklat ni propeta Isaias,

“Narito ang sugo ko na aking ipadadalang mauuna sa iyo;
    ihahanda niya ang iyong daraanan.
Ito(C) ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang:
    ‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon,
    gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!’”

At dumating nga sa ilang si Juan na Tagapagbautismo na nangangaral,[b] “Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at pabautismo kayo, upang kayo'y patawarin ng Diyos.” Halos lahat ng taga-Judea at taga-Jerusalem ay pumunta kay Juan. Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y binautismuhan niya sa Ilog Jordan.

Ang(D) damit ni Juan ay yari sa balahibo ng kamelyo, at balat naman ng hayop ang kanyang sinturon. Ang kanya namang pagkain ay balang at pulot-pukyutan. Ito ang ipinapahayag niya sa mga tao, “Ang darating na kasunod ko ay higit na makapangyarihan kaysa sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat yumukod at magkalas man lamang ng tali ng kanyang sandalyas.[c] Binautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babautismuhan niya kayo sa Espiritu Santo.”

Ang Pagbautismo kay Jesus(E)

Nang panahong iyon, dumating si Jesus mula sa Nazaret sa Galilea, at siya'y binautismuhan ni Juan sa Ilog Jordan. 10 Pagkaahung-pagkaahon ni Jesus sa tubig, nakita niyang bumukas ang kalangitan at bumababa sa kanya ang Espiritu na tulad ng isang kalapati. 11 Narinig(F) niya ang isang tinig na mula sa langit at nagsasabing, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”

Ang Pagtukso kay Jesus(G)

12 Pagkatapos, dinala agad ng Espiritu si Jesus sa ilang. 13 Nanatili siya roon nang apatnapung araw, at doo'y tinukso siya ni Satanas.[d] Doon ay may mababangis na hayop ngunit si Jesus ay pinaglingkuran ng mga anghel.

Ang Simula ng Pangangaral sa Galilea(H)

14 Nang ibinilanggo si Juan, nagpunta si Jesus sa Galilea at ipinangaral doon ang Magandang Balitang mula sa Diyos. 15 Sinabi(I) niya, “Dumating na ang takdang panahon. Malapit nang maghari ang Diyos![e] Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan. Paniwalaan ninyo ang Magandang Balita!”

Ang Pagtawag sa Apat na Mangingisda(J)

16 Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon at Andres na nanghuhuli ng isda sa pamamagitan ng lambat. Sila'y kapwa mga mangingisda. 17 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at kayo'y gagawin kong mangingisda ng mga tao.” 18 Pagkasabi niya nito'y agad iniwan ng magkapatid ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.

19 Nagpatuloy siya sa paglalakad, at sa di-kalayuan ay nakita naman niya ang magkapatid na Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa kanilang bangka at nag-aayos ng mga lambat. 20 Tinawag din sila agad ni Jesus at sila ay sumunod din sa kanya. Iniwan nila sa bangka ang kanilang ama na kasama ang kanilang mga upahang manggagawa.

Pinagaling ang Sinasapian ng Masamang Espiritu(K)

21 Nagpunta sina Jesus sa Capernaum, at nang sumunod na Araw ng Pamamahinga ay pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. 22 Namangha(L) ang mga tao sapagkat nagtuturo siya nang may kapangyarihan, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan.

23 Bigla namang pumasok sa sinagoga ang isang lalaking sinasapian ng masamang espiritu. Ito'y sumigaw, 24 “Ano ang pakay mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang kami'y puksain? Kilala kita! Ikaw ang Banal na mula sa Diyos.”

25 Ngunit iniutos ni Jesus sa masamang espiritu, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!”

26 Pinangisay ng masamang espiritu ang lalaki at sumisigaw itong lumabas sa kanya. 27 Ang lahat ay namangha kaya't sila'y nagtanungan sa isa't isa, “Paanong nangyari iyon? Ito ay isang kakaibang katuruan! Makapangyarihan niyang nauutusan ang masasamang espiritu, at sumusunod naman ang mga ito sa kanya.”

28 Dahil dito, mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Jesus.

Ang Pagpapagaling sa Maraming Tao(M)

29 Mula sa sinagoga ay nagtungo agad si Jesus at ang kanyang mga alagad, kasama sina Santiago at Juan, sa bahay nina Simon at Andres. 30 Noon ay nakahiga dahil nilalagnat ang biyenan ni Simon at ito'y agad nilang sinabi kay Jesus. 31 Kaya't nilapitan ni Jesus ang babae, hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Noon di'y gumaling ito at naghanda ng pagkain para sa kanila.

32 Pagsapit ng gabi, pagkalubog ng araw, dinala kay Jesus ang lahat ng maysakit at ang mga sinasapian ng demonyo. 33 Halos lahat ng mga tagaroon ay nagkatipon sa harap ng bahay. 34 Pinagaling ni Jesus ang maraming maysakit, anuman ang kanilang karamdaman. Pinalayas din niya ang mga demonyo, at hindi niya hinayaang magsalita ang mga ito sapagkat alam nila kung sino siya.

Ang Pangangaral ni Jesus sa Galilea(N)

35 Madaling-araw pa'y bumangon na si Jesus at nagpunta sa isang lugar na walang tao at doon ay nanalangin siya. 36 Hinanap siya ni Simon at ng mga kasama nito, at 37 nang matagpuan siya ay sinabi nila, “Hinahanap po kayo ng mga tao.”

38 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Kailangang pumunta rin tayo sa mga karatig-bayan upang makapangaral ako roon. Ito ang dahilan ng pagparito ko.”[f]

39 Nilibot(O) nga ni Jesus ang buong Galilea. Nangaral siya sa kanilang mga sinagoga at nagpalayas ng mga demonyo.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin(P)

40 Isang taong may ketong[g] ang lumapit kay Jesus. [Lumuhod ito][h] at nagmakaawa, “Kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis.”

41 Nahabag si Jesus sa ketongin kaya't hinawakan niya ito at sinabi, “Oo, nais ko! Gumaling ka!” 42 Noon di'y nawala ang ketong ng lalaki at siya'y naging malinis. 43 Matapos mapagbilinan, agad siyang pinaalis ni Jesus 44 at(Q) pinagsabihan ng ganito: “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay magpunta ka at magpasuri sa pari. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog para sa Diyos ayon sa iniutos ni Moises bilang patunay sa mga tao na ikaw ay magaling at malinis na.”

45 Ngunit pagkaalis ng lalaki ay kanyang ipinamalita ang nangyari sa kanya. Dahil dito, hindi na nakapasok pa ng bayan si Jesus. Nanatili na lamang siya sa mga hindi mataong lugar, subalit pinupuntahan pa rin siya ng mga tao mula sa iba't ibang dako.

Footnotes

  1. Marcos 1:1 ang Anak ng Diyos: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito.
  2. Marcos 1:4 At dumating…na nangangaral: Sa ibang manuskrito'y At dumating nga sa ilang si Juan, na nagbabautismo at nangangaral .
  3. Marcos 1:7 Ni hindi…ng kanyang sandalyas: o kaya'y Ni hindi man lamang ako karapat-dapat na maging kanyang alipin .
  4. Marcos 1:13 Nanatili siya…Satanas: o kaya'y Nanatili siya roon nang apatnapung araw habang siya'y tinutukso ni Satanas .
  5. Marcos 1:15 Malapit nang maghari ang Diyos!: o kaya'y Naghahari na ang Diyos .
  6. Marcos 1:38 Ito ang dahilan ng pagparito ko: o kaya'y Ito ang dahilan ng aking pag-alis sa Capernaum .
  7. Marcos 1:40 KETONG: Ang salitang ito ay tumutukoy sa maraming uri ng sakit sa balat.
  8. Marcos 1:40 Lumuhod ito: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito.

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)

Ang pasimula ng ebanghelyo[a] ni Jesu-Cristo, ang Anak ng Diyos.

Ayon(B) sa nasusulat sa Isaias na propeta,

“Narito, ipinapadala ko ang aking sugo sa iyong unahan,[b]
    na maghahanda ng iyong daan;
ang(C) tinig ng isang sumisigaw sa ilang:
    ‘Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon,
    Tuwirin ninyo ang kanyang mga landas,’”

si Juan na Tagapagbautismo ay dumating sa ilang at ipinangangaral ang bautismo ng pagsisisi sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.

Pumupunta sa kanya ang mga tao mula sa buong lupain ng Judea at ang lahat ng mga taga-Jerusalem; at sila'y binabautismuhan niya sa Ilog Jordan, na nagpapahayag ng kanilang mga kasalanan.

Si(D) Juan ay nakadamit ng balahibo ng kamelyo, may sinturong balat sa kanyang baywang, at kumakain ng mga balang at pulot-pukyutan.

At siya'y nangangaral, na nagsasabi, “Dumarating na kasunod ko ang higit na makapangyarihan kaysa akin; hindi ako karapat-dapat yumukod at magkalag ng tali ng kanyang mga sandalyas.

Binautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit kayo'y babautismuhan niya sa Espiritu Santo.”

Ang Pagbabautismo at Pagtukso kay Jesus(E)

Nang mga araw na iyon ay nanggaling si Jesus sa Nazaret ng Galilea, at siya'y binautismuhan ni Juan sa Jordan.

10 Pagkaahon niya sa tubig, nakita niyang biglang nabuksan ang kalangitan, at ang Espiritu na bumababa sa kanya na tulad sa isang kalapati.

11 At(F) may isang tinig na nagmula sa langit, “Ikaw ang minamahal kong Anak, sa iyo ako lubos na nalulugod.”

12 At agad siyang dinala ng Espiritu sa ilang.

13 Siya'y nasa ilang ng apatnapung araw, at tinukso siya ni Satanas. Kasama siya ng mababangis na hayop at pinaglingkuran siya ng mga anghel.

Ang Pasimula ng Pangangaral sa Galilea(G)

14 Pagkatapos madakip si Juan, pumunta si Jesus sa Galilea na ipinangangaral ang ebanghelyo ng Diyos,

15 na(H) sinasabi, “Naganap na ang panahon at malapit na ang kaharian ng Diyos: kayo'y magsisi at manampalataya sa ebanghelyo.”

Tinawag ang mga Unang Alagad

16 Sa pagdaan ni Jesus[c] sa tabi ng dagat ng Galilea, nakita niya sina Simon at ang kanyang kapatid na si Andres na naghahagis ng lambat sa dagat, sapagkat sila'y mga mangingisda.

17 At sinabi sa kanila ni Jesus, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.”

18 Kaagad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.

19 Nang makalakad pa siya ng kaunti, nakita niya sina Santiago na anak ni Zebedeo at si Juan na kanyang kapatid na naghahayuma ng mga lambat sa kanilang bangka.

20 Agad niyang tinawag sila at iniwan nila si Zebedeo na kanilang ama sa bangka na kasama ng mga upahang tauhan at sumunod sa kanya.

Ang Lalaking may Masamang Espiritu(I)

21 Nagpunta sila sa Capernaum. Nang araw ng Sabbath, kaagad siyang pumasok sa sinagoga at nagturo.

22 Namangha(J) sila sa kanyang aral, sapagkat sila'y tinuturuan niyang tulad sa isang may awtoridad at hindi gaya ng mga eskriba.

23 At bigla na lamang sa kanilang sinagoga ay may isang tao na may masamang espiritu; at siya'y sumigaw,

24 na nagsasabi, “Anong pakialam mo sa amin, Jesus ng Nazaret? Naparito ka ba upang kami'y puksain? Alam ko kung sino ka, ang Banal ng Diyos.”

25 Sinaway siya ni Jesus, na nagsasabi, “Tumahimik ka, at lumabas ka sa kanya!”

26 Nang kanyang mapangisay siya, ang masamang espiritu ay sumigaw nang malakas na tinig, at lumabas sa tao.

27 Silang lahat ay namangha, at nagtanungan sila sa isa't isa, na sinasabi, “Ano ito? Isang bagong aral! May kapangyarihan siyang mag-utos maging sa masasamang espiritu at siya'y kanilang sinusunod.”

28 Agad na kumalat ang balita tungkol sa kanya sa buong palibot ng lupain ng Galilea.

Ang Pagpapagaling ni Jesus sa Maraming Tao(K)

29 Pagkalabas sa sinagoga, pumasok sila sa bahay ni Simon at ni Andres, kasama sina Santiago at Juan.

30 At ang biyenang babae ni Simon ay nakahiga na nilalagnat at agad nilang sinabi kay Jesus[d] ang tungkol sa kanya.

31 Lumapit siya at hinawakan ang babae[e] sa kamay at siya'y ibinangon. Nawala ang kanyang lagnat at siya'y naglingkod sa kanila.

32 Pagsapit ng gabi, pagkalubog ng araw, kanilang dinala sa kanya ang lahat ng mga maysakit at ang mga inaalihan ng mga demonyo.

33 Ang buong lunsod ay nagkatipon sa may pintuan.

34 At nagpagaling siya ng maraming iba't ibang may karamdaman at nagpalayas siya ng maraming demonyo. Hindi niya pinahintulutang magsalita ang mga demonyo, sapagkat siya'y kilala nila.

Ang Pangangaral ni Jesus sa Galilea(L)

35 Nang madaling-araw, habang madilim pa, pagbangon ni Jesus[f] ay lumabas siya at nagtungo sa isang ilang na lugar, at doon ay nanalangin.

36 Hinanap siya ni Simon at ng mga kasamahan niya.

37 Siya'y natagpuan nila, at sinabi sa kanya, “Hinahanap ka ng lahat.”

38 Sinabi niya sa kanila, “Pumunta tayo sa iba pang mga karatig-bayan upang ako'y makapangaral din naman doon, sapagkat dahil dito ako'y naparito.”

39 At(M) nagpunta siya sa buong Galilea na nangangaral sa kanilang mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.

Pinagaling ang Isang Ketongin(N)

40 Lumapit sa kanya ang isang ketongin na nakikiusap at nakaluhod na nagsasabi, “Kung gusto mo, maaari mo akong linisin.”

41 Dahil sa awa, iniunat ni Jesus[g] ang kanyang kamay, hinipo ang ketongin at sinabi sa kanya, “Gusto ko, maging malinis ka.”

42 At kaagad na nawala ang kanyang ketong at siya'y naging malinis.

43 Pagkatapos na mahigpit siyang binalaan, kaagad niya itong pinaalis.

44 Sinabi(O) niya sa kanya, “Tiyakin mong wala kang sasabihin kaninuman kundi pumunta ka at magpakita sa pari at maghandog ka para sa pagkalinis sa iyo ayon sa ipinag-utos ni Moises bilang isang patotoo sa kanila.”

45 Ngunit siya'y umalis at nagsimulang magsalita nang malaya tungkol dito at ikinalat ang balita, kaya't hindi na hayagang makapasok si Jesus sa bayan, kundi nanatili siya sa mga ilang na lugar at pinuntahan siya ng mga tao mula sa lahat ng panig.

Footnotes

  1. Marcos 1:1 o magandang balita .
  2. Marcos 1:2 Sa Griyego ay sa unahan ng iyong mukha .
  3. Marcos 1:16 Sa Griyego ay niya .
  4. Marcos 1:30 Sa Griyego ay sa kanya .
  5. Marcos 1:31 Sa Griyego ay siya .
  6. Marcos 1:35 Sa Griyego ay niya .
  7. Marcos 1:41 Sa Griyego ay niya .

Ang pasimula ng evangelio ni Jesucristo, ang Anak ng Dios.

(A)Ayon sa pagkasulat kay Isaias na propeta,

(B)Narito, sinusugo ko ang aking sugo sa unahan ng iyong mukha,
Na maghahanda ng iyong daan;
(C)Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang,
Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon,
Tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas;

Dumating si Juan, na nagbabautismo sa ilang (D)at ipinangaral ang bautismo ng pagsisisi sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.

At nilalabas siya ng buong lupain ng Judea, at nilang lahat na mga taga Jerusalem; at sila'y binabautismuhan niya sa ilog ng Jordan, na nangagpapahayag ng kanilang mga kasalanan.

At si Juan ay nananamit ng balahibo ng kamelyo, at may isang pamigkis na katad sa palibot ng kaniyang baywang, at kumakain ng mga balang at pulot-pukyutan.

At siya'y nangangaral, na nagsasabi, Sumusunod sa hulihan ko ang lalong makapangyarihan kay sa akin; hindi ako karapatdapat yumukod at kumalag ng tali ng kaniyang mga pangyapak.

Binabautismuhan ko kayo sa tubig; datapuwa't kayo'y babautismuhan niya sa Espiritu Santo.

(E)At nangyari nang mga araw na yaon, na nanggaling si Jesus sa Nazaret ng Galilea, at siya'y binautismuhan ni Juan sa Jordan.

10 At karakarakang pagahon sa tubig, ay nakita niyang biglang nangabuksan ang mga langit, at ang (F)Espiritu na tulad sa isang kalapati na bumababa sa kaniya:

11 At may isang tinig na nagmula sa mga langit, Ikaw ang sinisinta kong Anak, sa iyo ako lubos na nalulugod.

12 At pagdaka'y itinaboy (G)siya ng Espiritu sa ilang.

13 At siya'y nasa ilang na apat na pung araw na tinutukso ni Satanas; at kasama siya ng mga ganid; at pinaglingkuran siya ng mga anghel.

14 (H)Pagkatapos ngang madakip si Juan, ay napasa Galilea si Jesus na ipinangangaral (I)ang evangelio ng Dios,

15 At sinasabi, Naganap na (J)ang panahon, at malapit na (K)ang kaharian ng Dios: kayo'y mangagsisi, at magsisampalataya sa evangelio.

16 At (L)pagdaraan sa tabi ng dagat ng Galilea, ay nakita niya si Simon at si Andres na kapatid ni Simon na naghahagis ng lambat sa dagat; sapagka't sila'y mga mamamalakaya.

17 At sinabi sa kanila ni Jesus, Magsisunod kayo sa aking hulihan, at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.

18 At pagdaka'y iniwan nila ang mga lambat, at nagsisunod sa kaniya.

19 At paglakad sa dako pa roon ng kaunti, ay nakita niya si Santiago na anak ni Zebedeo, at si Juan na kaniyang kapatid, na sila rin naman ay nangasa daong na hinahayuma ang mga lambat.

20 At pagdaka'y kaniyang tinawag sila: at kanilang iniwan sa daong ang kanilang amang si Zebedeo na kasama ng mga aliping upahan, at nagsisunod sa kaniya.

21 (M)At nagsipasok sila sa Capernaum; at pagdaka'y pumasok siya sa sinagoga nang araw ng sabbath at nagtuturo.

22 At nangagtaka sila (N)sa kaniyang aral: sapagka't sila'y tinuturuan niyang tulad sa may kapamahalaan, at hindi gaya ng mga eskriba.

23 At pagdaka'y may isang tao sa kanilang sinagoga na may isang karumaldumal na espiritu; at siya'y sumigaw,

24 Na nagsasabi, (O)Anong pakialam namin sa iyo, Jesus ikaw na Nazareno? naparito ka baga upang kami'y puksain? Nakikilala kita kung sino ka, ang Banal ng Dios.

25 At sinaway siya ni Jesus, na nagsasabi, Tumahimik ka, at lumabas ka sa kaniya.

26 At ang karumaldumal na espiritu, nang (P)mapangatal niya siya at makapagsisigaw ng malakas na tinig, ay lumabas sa kaniya.

27 At silang lahat ay nangagtaka, ano pa't sila-sila rin ay nangagtatanungan, na sinasabi, Ano kaya ito? isang bagong aral yata! may kapamahalaang naguutos pati sa mga karumaldumal na espiritu, at siya'y tinatalima nila.

28 At lumipana pagdaka ang pagkabantog niya sa lahat ng dako sa buong palibotlibot ng lupain ng Galilea.

29 (Q)At paglabas nila (R)sa sinagoga, ay nagsipasok pagdaka sa bahay ni Simon at ni Andres, na kasama si Santiago at si Juan.

30 Nakahiga ngang nilalagnat ang biyanang babae ni Simon; at pagdaka'y pinakiusapan nila siya tungkol sa kaniya:

31 At lumapit siya at tinangnan niya sa kamay, at siya'y itinindig; at inibsan siya ng lagnat, at siya'y naglingkod sa kanila.

32 At nang kinagabihan, (S)paglubog ng araw, ay kanilang dinala sa kaniya ang lahat ng mga may-sakit, at ang mga inaalihan ng mga demonio.

33 At ang buong bayan ay nangagkatipon sa pintuan.

34 At (T)nagpagaling siya ng maraming may karamdaman ng sarisaring sakit, at nagpalabas ng maraming demonio; (U)at hindi tinulutang magsipagsalita ang mga demonio, sapagka't siya'y kanilang kilala.

35 At (V)nagbangon siya nang madaling-araw, na malalim pa ang gabi, at lumabas, (W)at napasa isang dakong ilang, at doo'y nanalangin.

36 At si Simon at ang kasamahan niya ay nagsisunod sa kaniya;

37 At siya'y nasumpungan nila, at sinabi sa kaniya, Hinahanap ka ng lahat.

38 At sinabi niya sa kanila, Magsiparoon tayo sa ibang dako ng mga kalapit na bayan, upang ako'y makapangaral din naman doon; (X)sapagka't sa ganitong dahilan ako'y naparito.

39 At siya'y pumasok (Y)sa mga sinagoga nila sa buong Galilea, na nangangaral at nagpapalabas ng mga demonio.

40 (Z)At lumapit sa kaniya ang isang ketongin, na namamanhik sa kaniya, at nanikluhod sa kaniya, at sa kaniya'y nagsasabi, Kung ibig mo, ay maaaring malinis mo ako.

41 At sa pagkaawa ay iniunat niya ang kaniyang kamay, at siya'y hinipo, at sinabi sa kaniya, Ibig ko; luminis ka.

42 At pagdaka'y nawalan siya ng ketong, at siya'y nalinis.

43 At siya'y kaniyang pinagbilinang mahigpit, at pinaalis siya pagdaka,

44 At sinabi sa kaniya, Ingatan mong huwag sabihin sa kanino mang tao ang anoman: kundi yumaon ka, at pakita ka sa saserdote, at maghandog ka sa pagkalinis sa iyo ng mga bagay na ipinagutos ni Moises, na bilang isang patotoo sa kanila.

45 Datapuwa't siya'y umalis, at (AA)pinasimulang ipamalitang mainam, at ipahayag ang nangyari, ano pa't hindi (AB)na makapasok ng hayag si Jesus sa bayan, kundi dumoon sa labas sa mga dakong ilang: (AC)at pinagsasadya nila siya mula sa lahat ng panig.