Marcos 8
Ang Salita ng Diyos
Pinakain ni Jesus ang Apat na Libong Tao
8 Nang mga araw na iyon, ang mga tao ay napakarami. Walang makain ang mga ito kaya tinawag ni Jesus ang kaniyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila:
2 Ako ay nahahabag sa mga tao, sapagkat tatlong araw na silang sumasama sa akin at walang makain. 3 Kung pauwin ko sila sa kanilang tirahan na hindi pa nakakakain, manlulupaypay sila sa daan sapagkat malayo pa ang pinanggalingan ng ilan sa kanila.
4 Sinabi ng mga alagad: Papaano mapapakain ng sinuman ang mga taong ito ng tinapay sa ilang na dakong ito?
5 Tinanong niya sila: Ilan ang inyong tinapay diyan?
Sumagot sila: Pito.
6 Iniutos niya sa napakaraming tao na maupo sa lupa. Nang makuha niya ang pitong tinapay at makapagpasalamat, pinagpira-piraso niya ang mga ito. Ibinigay niya ang mga ito sa kaniyang mga alagad upang idulot sa mga tao. Idinulot nila ang mga ito sa mga tao. 7 Mayroon din silang ilang maliliit na isda. Nang mapagpala niya ito ay ninais din niyang ito ay maidulot sa kanila. 8 Kumain ang lahat at sila ay nabusog. Kanilang kinuha ang lumabis na pira-pirasong tinapay. Nakapuno sila ng pitong kaing. 9 Iyong mga nakakain ay halos apat na libo. Nang magkagayon, pinauwi sila ni Jesus. 10 Kapagdaka, nang siya ay sumakay sa bangka kasama ng kaniyang mga alagad. Nagtungo sila sa mga sakop ng Dalmanuta.
Hiningan si Jesus ng Tanda
11 Lumabas ang mga Fariseo at nagsimulang makipagtalo sa kaniya. Hinahanapan siya ng isang tanda mula sa langit, upang subukin siya.
12 Dumaing siya sa kaniyang espiritu na sinasabi: Bakit mahigpit na naghahangad ng tanda ang lahing ito? Tunay na sinasabi ko sa inyo: Hindi bibigyan ng isang tanda ang mga tao sa panahong ito. 13 Pagkaiwan niya sa kanila at pagkasakay muli sa bangka, tumawid siya sa kabilang ibayo.
Mag-ingat sa Pampaalsa ng mga Fariseo at ni Herodes
14 Nalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay maliban sa iisang tinapay na dala nila sa bangka.
15 Sila ay pinagbilinan ni Jesus na sinasabi: Narito, mag-ingat kayo sa pampaalsa ng mga Fariseo at sa pampaalsa ni Herodes.
16 Sila ay nangatwiranan sa isa’t isa na nagsasabi: Ito ay sapagkat wala tayong tinapay.
17 Sa pagkaalam nito sinabi sa kanila ni Jesus: Bakit kayo nangangatwiran sa isa’t isa? Ito ba ay dahil sa wala kayong tinapay? Hindi ba ninyo napag-iisipan at nauunawaan? Pinatigas na ba ninyo ang inyong puso? 18 Mayroon kayong mga mata, hindi ba ninyo nakikita? Mayroon kayong mga tainga, hindi ba ninyo naririnig? Hindi ba ninyo maalaala? 19 Noong putul-putulin ko ang limang tinapay para sa limang libo at inipon ninyo ang natirang tinapay, ilang bakol ang napuno?
Sinabi nila sa kaniya: Labindalawa.
20 Nang putul-putulin ko ang pitong tinapay para sa apat na libo at ipunin ninyo ang natirang tinapay, ilang kaing ang napuno ninyo?
Sinabi nila: Pito.
21 Sinabing muli ni Jesus sa kanila: Paanong hindi ninyo nauunawaan?
Ang Pagpapagaling sa Lalaking Bulag na Taga-Betsaida
22 Siya ay pumunta sa Betsaida at kanilang dinala sa kaniya ang isang lalaking bulag. Ipinamanhik nila sa kaniya na siya ay hipuin ni Jesus.
23 Sa paghawak ni Jesus sa kamay ng lalaking bulag, kaniyang inakay siya na palabas sa nayon. Niluraan niya ang mga mata ng bulag at ipinatong ang kaniyang kamay sa kaniya. Tinanong siya ni Jesus: May nakita ka bang anuman?
24 Pagtingala niya ay kaniyang sinabi: Nakikita ko ang mga tao na parang mga punong-kahoy na lumalakad.
25 Muling ipinatong ni Jesus ang kamay niya sa kaniyang mga mata at muli siyang pinatingala. Siya ay napanauli at malinaw niyang nakikita ang lahat ng mga tao. 26 Pinauwi siya ni Jesus sa kaniyang bahay na sinasabi: Huwag kang papasok sa anumang nayon at huwag mo itong sasabihin sa kaninuman.
Ang Pahayag ni Pedro Patungkol sa Mesiyas
27 Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay umalis patungo sa mga nayon ng Cesarea Filipo. Habang sila ay nasa daan,tinanong sila ni Jesus: Ayon sa sinasabi ng mga tao, sino raw ako?
28 Sumagot sila: Ang sabi ng iba: Si Juan na tagapagbawtismo. Ang sabi ng ilan: Si Elias. Ngunit ang iba ay nagsabing ikaw ay isa sa mga propeta.
29 Sinabi niya sa kanila: Ngunit ayon sa inyo, sino ako?
Sumagot si Pedro at sinabi sa kaniya: Ikaw ang Mesiyas.
30 Kaya mahigpit na ipinagbilin ni Jesus sa kanila na huwag nilang sasabihin sa kaninuman ang patungkol sa kaniya.
Ipinahayag ni Jesus ang Kaniyang Kamatayan
31 Sinimulan niyang magturo sa kanila: Kinakailangang ang Anak ng Tao ay maghirap ng maraming bagay at tanggihan ng mga matanda, mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan at ipapapatay. At pagkalipas ng tatlong araw ay muling mabubuhay.
32 Hayagang sinabi ito ni Jesus sa kanila. Gayunman, isinama siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang sawayin siya.
33 Ngunit sa paglingon at pagkakita ni Jesus sa kaniyang mga alagad, sinaway niya si Pedro na sinasabi: Pumunta ka sa likuran ko, Satanas. Ito ay sapagkat hindi ukol sa Diyos ang iniisip mong mga bagay kundi ukol sa mga tao.
Tanggihan ang Sarili at Sumunod sa Akin
34 Pinalapit ni Jesus ang mga tao kasama ang kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila: Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin, tanggihan niya ang kaniyang sarili, pasanin ang kaniyang krus at sumunod sa akin.
35 Ito ay sapagkat ang sinumang nagnanais na magligtas ng kaniyang buhay ay mawawalan nito. Datapuwat ang sinumang mawalan ng buhay dahil sa akin at sa ebanghelyo ay maililigtas niya ito. 36 Ano ang mapapakinabangan ng isang tao kung makamtan man niya ang buong sanlibutan at mawala ang kaniyang kaluluwa? 37 Ano ang maibibigay ng tao bilang kapalit ng kaniyang kaluluwa? 38 Ito ay sapagkat ang sinumang magkakahiya sa akin at sa aking mga salita sa harapan ng lahing ito na mapangalunya at makasalanan ay ikakahiya rin ng Anak ng Tao pagdating niya sa kaluwalhatian ng kaniyang Ama na kasama ng mga banal na anghel.
Copyright © 1998 by Bibles International