Marcos 4
Ang Salita ng Diyos
Ang Talinghaga Patungkol sa Manghahasik
4 Nagsimula muling magturo si Jesus sa tabi ng lawa. Pinagkalipumpunan siya ng napakaraming tao, kayat siya ay sumakay at umupo sa bangka na nasa lawa. Ang karamihan naman ay nasa lupa sa tabi ng lawa.
2 Tinuruan niya sila ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sa kaniyang pagtuturo, sinabi niya sa kanila: 3 Makinig kayo! Narito, lumabas ang manghahasik upang maghasik. 4 Nangyari na sa kaniyang paghahasik may binhing nalaglag sa tabi ng daan. At dumating ang mga ibon mula sa langit at tinuka at inubos ang binhi. 5 Ang iba ay nalaglag sa lupang mabato na walang gaanong lupa at ito ay kaagad na sumibol sapagkat hindi malalim ang lupa. 6 Ngunit nang sumikat ang araw, ito ay nalanta at dahil ito ay walang mga ugat, ito ay natuyo. 7 May binhi namang nalaglag sa dawagan. Lumago ang mga dawag at nasiksik ito kaya hindi namunga. 8 Ang iba ay nalaglag sa matabang lupa. Ito ay tumubo, lumago at namunga. May namunga ng tatlumpu, may namunga naman ng animnapu at may namunga ng isangdaan.
9 Sinabi niya sa kanila: Ang may pandinig ay makinig.
10 Nang nag-iisa na si Jesus, ang mga nasa palibot niya, kasama ang labindalawang alagad ay nagtanong sa kaniya patungkol sa talinghaga. 11 Sinabi niya sa kanila: Ang makaalam ng hiwaga ng paghahari ng Diyos ay ibinigay sa inyo. Ngunit sa kanila na nasa labas, ang lahat ng mga bagay ay ginagawa sa talinghaga. 12 Ginawa ko ito sa ganitong paraan upang:
Sa pagtingin, sila ay makakakita ngunit hindi makakatalos. Sa pakikinig, sila ay makakarinig ngunit hindi makakaunawa. Kung hindi gayon, sila ay manunumbalik at ang kanilang mga kasalanan ay mapapatawad.
13 At sinabi niya sa kanila: Hindi ba ninyo nauunawaan ang talinghagang ito? Paano nga ninyo malalaman ang lahat ng talinghaga? 14 Ang manghahasik ay naghahasik ng salita. 15 Ang binhing nahasik sa daan ay ang inihasik na salita. Nang ito ay napakinggan ng tao, agad na dumating si Satanasat kinuha ang naihasik na salita sa kanilang mga puso. 16 Gayundin yaong naihasik sa batuhan. Nang marinig nila ang salita agad nila itong tinanggap na may galak. 17 Dahil walang ugat sa kanilang sarili, ang mga ito ay pansamantalang nanatili. Nang dumating ang paghihirap at pag-uusig dahil sa salita, kaagad silang natisod. 18 Iyon namang naihasik sa dawagan ay yaong mga nakakarinig ng salita. 19 Ang pagsusumakit sa kapanahunang ito, ang pandaraya ng kayamanan at ang mahigpit na paghahangad sa ibang mga bagay ay pumasok sa kanila. Ang mga ito ang sumiksik sa salita at naging sanhi ng hindi pagbubunga. 20 Iyon namang naihasik sa matabang lupa, sila ang nakikinig at tumatanggap sa salita. Sila ay nagbubunga, ang isa ay tatlumpu, ang isa ay animnapu at ang isa ay isangdaan.
Ang Ilawan sa Ibabaw ng Patungan
21 Sinabi ni Jesus sa kanila: Dinadala ba ang ilawan upang ilagay sa loob ng takalan o sa ilalim ng higaan. Hindi ba inilalagay ito sa lagayan ng ilawan?
22 Ito ay sapagkat ang anumang natatago ay mahahayag at ang mga bagay na nangyari sa lihim ay maibubunyag. 23 Ang sinumang may pandinig ay makinig.
24 Sinabi niya sa kanila: Ingatan ninyong mabuti ang inyong naririnig, sa panukat na inyong ipinangsukat, kayo ay susukatin. At sa inyo na nakikinig, kayo ay bibigyan pa. 25 Ito ay sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa. Ngunit siya na wala, maging ang nasa kaniya ay kukunin pa.
Ang Talinghaga ng Binhing Tumutubo
26 Sinabi ni Jesus: Ang paghahari ng Diyos ay katulad sa isang tao na nagtanim ng binhi sa lupa.
27 Siya ay natutulog at bumabangon araw at gabi. Ang binhi ay sumisibol at lumalaki na hindi niya nalalaman kung papaano. 28 Ito ay sapagkat ang lupa mismo ang nagpapabunga sa mga binhi, una muna ang usbong, saka uhay, pagkatapos ay mga hitik na butil sa uhay. 29 Kapag hinog na ang bunga, kaagad na ipinagagapas niya ito sapagkat dumating na ang anihan.
Ang Talinghaga ng Butil ng Mustasa
30 Gayundin, sinabi ni Jesus: Sa ano natin itutulad ang paghahari ng Diyos o sa anong talinghaga natin ihahambing ito?
31 Katulad ito ng binhi ng mustasa na itinatanim sa lupa. Ito ang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi na itinatanim sa lupa. 32 Kapag naitanim at lumago, ito ay nagiging pinakamalaki sa mga gulay. Lumalago ang mga sanga nito na anupa’t ang mga ibon sa himpapawid ay makakapamugad sa lilim nito.
33 Nangaral sa kanila si Jesus ng salita sa pamamagitan ng maraming talinghagang tulad nito, ayon sa kakayahan nilang makinig. 34 Hindi siya nagsalita sa kanila maliban sa pamamagitan ng talinghaga. Ngunit ipinapaliwanag niya nang bukod sa kaniyang mga alagad ang lahat ng mga bagay.
Pinatigil ni Jesus ang Bagyo
35 Sa araw na iyon, nang gumabi na, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: Tumawid tayo sa kabilang ibayo ng dagat.
36 Kaya nga, nang napauwi na nila ang napakaraming tao, sumakay sila sa bangka na kinalululanan ni Jesus. Ngunit may kasabay siyang ibang maliliit na bangka. 37 At dumating ang malakas na bagyo. Sinasalpok ng mga alon ang bangka na anupa’t halos mapuno ito ng tubig. 38 Si Jesus ay nasa hulihan at natutulog na may unan. Ginising nila siya at sinabi: Guro, bale wala ba sa iyo na tayo ay mapahamak?
39 Pagbangon ni Jesus, kaniyang sinaway ang hangin at sinabi: Pumanatag ka! At sinabi niya sa alon: Pumayapa ka! Tumigil ang hangin at nagkaroon ng lubos na kapayapaan.
40 Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: Bakit kayo lubhang natakot? Paano nagkagayon na wala kayong pananampalataya?
41 Nagkaroon nga sila ng matinding takot at nagsabi sila sa isa’t isa. Sino nga ba ito? Maging ang hangin at alon ay sumusunod sa kaniya.
Copyright © 1998 by Bibles International