Marcos 2
Ang Salita ng Diyos
Pinagaling ni Jesus ang Paralitiko
2 Makalipas ang ilang araw muling pumasok si Jesus sa Capernaum. Kumalat ang balita na siya ay nasa isang bahay.
2 Kaagad na natipon ang maraming tao, anupa’t wala nang matayuan kahit na sa may pintuan. Ipinangaral niya ang salita sa kanila. 3 At pumunta sa kaniya ang apat na tao na pasan-pasan ang isang paralitiko. 4 Hindi sila makalapit kay Jesus dahil sa dami ng tao, kayat binakbak nila at binutasan ang bubong sa tapat niya. Kanilang inihugos ang higaan na kinararatayan ng paralitiko. 5 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko: Anak, pinatawad na ang mga kasalanan mo.
6 Ang ilang mga guro ng kautusan na nakaupo roon ay nagtatalo-talo sa kani-kanilang sarili: 7 Bakit namumusong ng ganito ang taong ito? Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan? Hindi ba ang Diyos lamang?
8 Nang matalos ni Jesus sa kaniyang espiritu ang kanilang pagtatalo, sinabi niya sa kanila: Bakit ninyo pinagtatalunan ang mga bagay na ito? 9 Alin ba ang higit na madaling sabihin sa paralitiko: Pinatawad na ang iyong mga kasalanan o tumindig ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka? 10 Upang inyong malaman na ang Anak ng Tao ay may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan, sasabihin ko ito sa kaniya: 11 Sinasabi ko sa iyo: Tumindig ka, buhatin mo ang iyong higaan at umuwi ka sa iyong bahay. 12 Kaagad na tumindig ang paralitiko at binuhat ang kaniyang higaan at umalis sa harapan nilang lahat. Kaya nga, ang lahat ay namangha at niluwalhati ang Diyos na nagsasabi: Kailanman ay hindi tayo nakakita nang ganito!
Tinawag ni Jesus si Levi
13 Nagtungo muli si Jesus sa tabi ng lawa. Lahat ng mga tao ay pumunta sa kaniya at sila ay tinuruan niya.
14 Sa kaniyang paglalakad ay nakita niya si Levi, na anak ni Alfeo, na nakaupo sa may singilan ng buwis. Sinabi sa kaniya ni Jesus: Sumunod ka sa akin. At siya ay tumindig at sumunod kay Jesus.
15 Nangyari nga nang si Jesus ay kumain sa bahay ni Levi, maraming mga maniningil ng buwis at makasalanan ang nakisalo sa kaniya at sa kaniyang mga alagad. Marami sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan ang sumusunod kay Jesus. 16 Nakita ng mga guro ng kautusan at mga Fariseo na siya ay kumakaing kasalo ng mga maniningil ng buwis. Sinabi nila sa kaniyang mga alagad: Bakit siya kumakain at umiinom na kasalo ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?
17 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila: Ang nangangailangan ng manggagamot ay ang mga maysakit, hindi ang mga malulusog. Hindi ako naparito upang tawagin sa pagsisisi ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.
Tinanong ng mga Tao si Jesus Patungkol sa Pag-aayuno
18 Ang mga alagad ni Juan at yaong sa mga Fariseo ay nag-aayuno. At sila ay lumapit kay Jesus at sinabi nila sa kaniya: Bakit nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at yaong sa mga Fariseo ngunit ang mga alagad mo ay hindi nag-aayuno?
19 At sinabi ni Jesus sa kanila: Makapag-aayuno ba ang mga panauhin ng lalaking ikakasal habang siya ay kasama nila? Hindi sila makapag-aayuno habang kasama nila ang lalaking ikakasal. 20 Subalit darating ang mga araw na aalisin siya sa kanila at sila ay mag-aayuno sa mga araw na iyon.
21 Walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit sapagkat ang bagong telang itinagpi, kapag umurong ay babatak sa lumang tela at ang punit ay lalong lalaki. 22 Walang nagsasalin ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kung gagawin ito, papuputukin ng bagong alak ang sisidlang-balat. Masisira ang balat at matatapon ang alak. Ang bagong alak ay dapat isalin sa bagong sisidlang-balat.
Panginoon ng Sabat
23 Nangyari nga, isang araw ng Sabat, nang dumaan si Jesus sa triguhan ay kasama ang kaniyang mga alagad. Habang naglalakad sila, namigtal ng uhay ng mga trigo ang mga alagad.
24 Kaya nga, ang mga Fariseo ay nagsabi sa kaniya: Narito, bakit ginagawa nila sa araw ng Sabat ang hindi ayon sa kautusan?
25 Sumagot si Jesus: Hindi ba ninyo nabasa kung ano ang ginawa ni David at ng kaniyang mga kasama nang sila ay nangailangan at nagutom? 26 Nang si Abiatar ang pinunong-saserdote, pumasok si David sa bahay ng Diyos at kinain ang tinapay na itinalaga sa Diyos na hindi dapat kainin. Ang mga saserdote lamang ang may karapatang kumain niyaon, ngunit kinain iyon ni David. Binigyan pa niya ang mga kasama niya. Hindi ba ninyo nabasa ito?
27 Sinabi ni Jesus sa kanila: Ang araw ng Sabat ay ginawa para sa tao at hindi ang tao para sa araw ng Sabat. 28 Kaya nga, ako na Anak ng Tao ay Panginoon din ng araw ng Sabat.
Copyright © 1998 by Bibles International