Marcos 11
Ang Salita ng Diyos
Pumasok si Jesus sa Jerusalem na Gaya ng Hari
11 Nang papalapit na sila sa Jerusalem, sa Betfage at Betania, patungong bundok ng Olibo, sinugo ni Jesus ang dalawa sa kaniyang mga alagad.
2 Sinabi niya sa kanila: Pumaroon kayo sa nayong nasa unahan ninyo. Pagkapasok na pagkapasok ninyo roon, may masusumpungan kayong nakataling batang asno na hindi pa nasasakyan ng sinumang tao. Kalagan ninyo iyon at dalhin dito. 3 Kapag may nagsabi sa inyo: Bakit ninyo ginagawa ito? Sabihin ninyo: Kailangan ito ng Panginoon at agad na ipapadala iyon dito.
4 Sila ay pumaroon, at nasumpungan ang bisirong nakatali sa labas ng pintuan sa tabi ng daan at kinalagan nila ito. 5 Ilan sa mga nakatayo roon ay nagsabi sa kanila: Ano ang ginagawa ninyo na kinakalagan ninyo ang batang asno? 6 Sinabi ng mga alagad sa kanila ang ayon sa utos ni Jesus at kanilang pinayagan sila. 7 Dinala nila kay Jesus ang batang asno. Isinapin nila sa ibabaw nito ang kanilang mga damit at sinakyan ito ni Jesus. 8 Marami ang naglatag ng kanilang mga damit sa daanan. Ang iba ay pumutol ng mga sanga ng mga punong-kahoy at inilatag sa daan. 9 Ang mga nauuna at mga sumusunod ay nagsisisigaw na sinasabing:
Hosana![a]Papuri sa kaniya na pumaparito sa pangalan ng Panginoon!
10 Papuri sa parating na paghahari ng ating amang si David na pumaparito sa pangalan ng Panginoon! Hosana sa kataas-taasan!
11 Pumasok si Jesus sa Jerusalem, at sa loob ng templo. Nang tumingin siya sa palibot sa lahat ng mga bagay, yamang dumidilim na, lumabas siya patungong Betania kasama ng labindalawang alagad.
Nilinis ni Jesus ang Templo
12 Kinabukasan, pagkagaling sa Betania, nagutom siya.
13 Sa di-kalayuan ay natanaw niya ang isang puno ng igos na may mga dahon. Nilapitan niya ito sa pagbabakasakaling makasumpong doon ng anuman. Nang malapitan niya ito, wala siyang nasumpungan kundi mga dahon lang, sapagkat hindi panahon ng pagbunga ng mga igos. 14 Nagsalita si Jesus at sinabi sa puno: Wala nang sinumang makakakain ng iyong bunga mula ngayon at magpakailanman. Narinig ito ng kaniyang mga alagad.
15 Dumating sila sa Jerusalem. Pagpasok ni Jesus sa loob ng templo, itinaboy niya ang mga nagtitinda at ang mga bumibili sa templo. Ang mga mesa ng mga mamamalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati ay itinaob niya. 16 Hindi niya pinayagang ang sinuman ay dumaan na may dalang sisidlan sa loob ng templo. 17 Nangaral siyang nagsabi sa kanila: Hindi ba nakasulat:
Ang bahay ko ay tatawagin ng lahat ng mga bansa na bahay-dalanginan. Subalit ginawa ninyo itong yungib ng mga tulisan.
18 Narinig ito ng mga guro ng kautusan at mga pinunong-saserdote. Hinanapan nila ng paraan kung papaano nila siya papatayin. Ito ay sapagkat takot sila kay Jesus dahil namangha ang lahat ng mga tao sa kaniyang mga turo.
19 Nang gumabi na ay lumabas siya sa lungsod.
Natuyo ang Puno ng Igos
20 Kinaumagahan, sa pagdaan nila, nakita nila ang puno ng igos na natuyo simula sa mga ugat.
21 Nang maala-ala ito ni Pedro, sinabi niya: Guro, tingnan mo. Ang puno ng igos na iyong isinumpa ay tuyo na.
22 Sumagot si Jesus sa kanila: Manampalataya kayo sa Diyos. 23 Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang sinumang magsabi sa bundok na ito: Umalis ka at maihagis sa dagat, makakamtam niya iyon. Ito ay kung hindi siya mag-alinlangan sa kaniyang puso sa halip ay manalig na matupad ang kaniyang sinabi. 24 Kaya nga, sinasabi ko sa inyo: Anumang mga bagay ang hingin ninyo sa pananalangin, manalig kayo na ito ay inyong nakamtam at ito ay mapapasainyo. 25 Kapag kayo ay nakatayo at nananalangin, kung mayroon kayong anumang laban sa kaninuman, patawarin ninyo siya. Ito ay upang patawarin din naman kayo sa inyong mga pagsalansang ng inyong Amang nasa langit. 26 Kung hindi kayo magpatawad, hindi rin kayo patatawarin sa inyong mga pagsalansang ng inyong Amang nasa langit.
Tinanong Nila si Jesus sa Kaniyang Kapangyarihan
27 Nagtungo silang muli sa Jerusalem. Habang naglalakad si Jesus sa templo, lumapit sa kaniya ang mga pinunong-saserdote at ang mga guro ng kautusan at ang mga matanda.
28 Sinabi nila sa kaniya: Anong kapamahalaan mayroon ka upang gawin mo ang mga ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng kapamahalaang gawin ang mga bagay na ito?
29 Sinagot sila ni Jesus na sinabi sa kanila: Tatanungin ko rin kayo ng isang tanong. Kung sasagutin ninyo ako, sasabihin ko kung anong kapamahalaan mayroon ako upang gawin ang mga bagay na ito. 30 Ang bawtismo ni Juan, ito ba ay mula sa langit o mula sa mga tao? Sagutin ninyo ako.
31 Nangatwiranan sila sa isa’t isa na sinasabi: Kapag sinabi nating mula sa langit, sasabihin niya: Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan? 32 Ngunit kapag sinabi natin: Mula sa tao… At sila ay natakot sa mga tao sapagkat kinikilala nila si Juan bilang isang tunay na propeta.
33 Sumagot si Jesus sa kanila, na sinasabi: Hindi namin alam.
Tumugon si Jesus sa kanila, na sinasabi: Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito.
Footnotes
- Marcos 11:9 Ito ay salitang Hebreo na ang ibig sabihin ay iligtas mo kami (Ps.118:25).
Copyright © 1998 by Bibles International